Natagpuan na ang 16-anyos na Pinoy matapos ito maitalang nawawala dahil sa pagsiklab ng sunog sa Le Constellation bar sa Crans-Montana, Switzerland kamakailan.
Ang nasabing menor de edad ay kinilalang si Kean Kaizer Talingdan, na kasalukuyan nang nasa stable na kondisyon ngunit patuloy na binabantayan ng mga doktor sa University of Zurich Hospital, ayon sa kumpirmasyon ng ina na si Kristal Talingdan sa ABS-CBN News.
Base pa sa mga ulat, si Kean ay nagpunta sa Switzerland para magbakasyon.
Kasama ang tatlo pa niyang mga kaklase, lahat sila ay naitalang nasaktan sa sunog sa Le Constellation bar, na dapat ay selebrasyon para salubungin ang Bagong Taon.
Sa kasalukuyan, patuloy na nakikipag-ugnayan ang Embahada ng Pilipinas sa mga awtoridad sa Switzerland para makakalap pa ng mga impormasyon sa mga nabiktima ng insidente at mga pamilya nito.
Hinikayat din ng Embahada ang mga residenteng Pinoy na posibleng naapektuhan ng sunog o may impormasyon sa mga kakilala na maaaring naapektuhan nito na agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Sa kaugnay na ulat, Huwebes, Enero 1, nang sumiklab ang sunog sa nasabing bar, kung saan, tinatayang 40 katao ang nasawi at nasa 115 naman ang mga nasaktan.
MAKI-BALITA: Embahada ng Pilipinas, nakaantabay sa pangangailangan ng mga Pinoy sa Switzerland
Sean Antonio/BALITA