Isang nakaaalarma at nakakabahalang karanasan ang ibinahagi ng aktor na si Nikko Natividad matapos umanong mag-seizure ang baby nila ng misis na si Cielo Eusebio habang sila raw ay kumakain sa isang restaurant sa Japan.
Sa kaniyang social media post nitong Sabado, Enero 3, ikinuwento ni Nikko ang matinding taranta at takot na kanilang dinanas nang bigla umanong tumirik ang mga mata at halos hindi makahinga ang kanilang anak sa loob ng halos dalawang minuto.
Ayon sa aktor, nahirapan silang humingi ng agarang tulong dahil sa language barrier, kahit pa nagsasalita sila ng Ingles.
"Nag seizure baby namin habang kumakaen kame sa restau. Sobrang taranta namin at sumusigaw na para humingi ng tulong at ambulansya.Mahirap dahil hindi nila kami maintindihan kahit english.Buti at may ambulansyang malapit," aniya,
"Sobrang panlalambot ko at wala ako iba makita kung di ang anak ko lang na nakatirik na at halos 2mins syang hindi humihinga at nagkulay violet na."
Sa kabutihang-palad, agad ding nakarating ang ambulansya at narespondehan ang sitwasyon ng bata.
Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye si Nikko tungkol sa kasalukuyang kondisyon ng kanyang anak, subalit malinaw ang kaniyang pasasalamat na may agarang tulong na dumating.
Kasabay nito, nagpaalala rin ang aktor sa mga kapwa Pilipinong nasa Japan, lalo na sa mga may maliliit na anak, na maging mas maingat dahil umano sa paglaganap ng viral infection at influenza sa nabanggit na bansa.
Paalala ni Nikko, "Sa mga nandito rin sa japan mag ingat po tayo lalo na sa mga may bata at malakas pala ang viral infection ngayon at influenza dito sa japan."