Kilala na raw ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng babaeng driver na nag-viral sa social media kamakailan matapos umanong magpakita ng baril habang nasa loob ng kaniyang sasakyan matapos maipit sa mabigat na daloy ng trapiko noong Disyembre 29 sa Cagayan de Oro City.
Batay sa ulat ng "24 Oras" ng GMA Network noong Biyernes, Enero 2, naganap ang insidente sa nabanggit na petsa sa panulukan ng 8th Street at Hayes Street. Lulan umano ng isang pickup truck ang babae nang maganap ang insidente.
Sinabi ng mga awtoridad na patuloy pa nilang inaalam sa Regional Civil Security kung tunay o hindi ang baril na nakita sa viral video.
Pahayag naman ni Police Captain Emilite Simon, tagapagsalita ng Cagayan de Oro City Police Office, karaniwan umanong nagpapakita ng baril ang driver bilang panakot umano sa mga namamalimos.
“Usually daw, pinapakita niya ang baril. Nagdadala siya ng toy gun para panakot sa mga namamalimos dahil nabiktima na raw siya noon,” ani Simon.
Sa kabilang banda, naglabas pa rin ang Land Transportation Office (LTO) Northern Mindanao ng show cause order laban sa driver at sa nakarehistrong pangalan ng sasakyan. Dahil sa insidente, posible umanong masuspinde o tuluyang bawiin ang lisensiya ng driver. Hindi raw katanggap-tanggap ang paglalabas ng baril sa kalsada, kahit na sinasabing toy gun lamang ito, para manakot.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente at kung may pananagutang administratibo o kriminal ang nasabing driver.