Wala nang buhay nang matagpuan ang labi ng isang Australian national sa nirerentahan nitong kuwarto sa Mandaue City noong Bagong Taon.
Ayon sa mga ulat nitong Sabado, Enero 3, natagpuan ang bangkay ng nasabing Australian national sa loob ng isang pension house na kaniyang tinutuluyan sa FB Cabahug St., sa Barangay Guizo sa Mandaue City, Cebu noong madaling araw ng Huwebes, Enero 1, 2026.
Kinilala umano ang biktima bilang si Kevin Parrat na pansamantalang tumutuloy sa Room 212L ng Maanyag Pension sa nasabing lugar.
Bandang 10:30 ng umaga noong Huwebes umano naiulat sa pulisya ng Mandaue City ang naturang insidente ngunit natagpuan na ang bangkay ng nasabing bangkay bandang 5:30 ng umaga.
Ayon naman sa isinagawang on-the-spot investigation ng Police Station 1 ng Mandaue City Police Office (MCPO) nasa estado na ng advanced state of decomposition o pagkaagnas ang nakahigang bangkay ng nasabing biktima.
Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan ang kapulisan sa nasabing siyudad sa Mandaue City Forensic Unit ng Police Regional Office 7 (MSCFU-7) upang iproseso ang naturang krimen at imbestigahan ang paligid ng kuwarto kung saan natagpuan ang nabubulok nang bangkay.
Samantala, kasalukuyan pa rin umanong gumugulong ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang malaman ang sanhi ng pagkamatay ng nasabing Australian national.
Hindi pa rin umano naglalabas ng pahayag ang kapulisan sa naturang lugar kung may naganap na foul play sa insidente habang hinihintay nila ang resulta ng forensic examination sa natagpuang bangkay.
MAKI-BALITA: 14 na katao sa Batangas, patay matapos matabunan ng lupa
MAKI-BALITA: Grade 11 student na nanonood ng 'motor show,' patay sa pang-aararo ng van
Mc Vincent Mirabuna/Balita