Kinuwestiyon ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang umano’y pagtaas sa ₱18.58 bilyon ang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng Kamara sa 2026 national budget.
Ayon sa inilabas na pahayag ni Leviste sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Enero 3, kinumpara niya ang pinagsama-samang halaga ng mga bonus, MOOE, buwanang suweldo at budget ng isang kongresista sa opisina nito noong 2025 at ngayong 2026.
“Noong 2025, ang buwanang sweldo ng isang Congressman ay ₱334,059. Kapag isinama ang 13th at 14th month bonus, ₱1M buwanang office budget, at ₱2M para sa ‘Christmas requirements’ umabot sa ₱4M ang sweldo at MOOE sa Disyembre,” pagsisimula niya.
Kumapara niya, “Ngayong 2026, tumaas na sa ₱342,310 ang buwanang sweldo, at kung isasama ang office budget, ‘break bonus’, at iba pang MOOE, umaabot sa ₱22M ang kabuuang sweldo at MOOE ng isang Congressman.”
Photo courtesy: Leandro Leviste (FB)
Pagpapatuloy pa ni Leviste, kinuwestiyon niya ang kawalan umano ng liquidation ng MOOE ng Kongreso at pagtaas ng budget nila sa ₱18.58 bilyon mula sa ₱7.83 bilyon sa National Expenditure Program (NEP).
“Hindi ko po kinukuha ang MOOE o sweldo ko, pero hindi ko sinabing iligal ito. Kinuwestiyon ko lang bakit hindi isinasapubliko ng Kongreso ang paggamit ng budget, bakit walang liquidation ng resibo ang aming MOOE, bakit tumaas ng ₱7.83B ang HOR MOOE mula sa NEP at umabot sa ₱18.58B sa 2026 budget, na wala sa committee report at bigla na lang lumabas sa substitute bill. Hindi malinaw kung saan eksaktong mapupunta ang ₱18.58B, na katumbas ng ₱58.42M kada Congressman,” paliwanag niya.
Ani Leviste, may ilan daw bahagi ng MOOE ng ilang kongresista ang napupunta sa “consultants” at “keyboard warriors” o “social media trolls” ng mga ito.
“Bahagi ng MOOE ay napupunta sa sahod, utilities, at pasilidad ng Kongreso, ngunit kinukwestiyon ko rin ito dahil may bahagi napupunta sa sahod ng mga 'consultants', kabilang ang mga 'keyboard warriors' o 'social media trolls'–na sila rin ngayong dumedepensa sa MOOE budget ng Kongreso,” aniya.
“Sa kabila ng lahat ng mga pahayag, ang tanong ko lang po ay, saan napupunta ang ₱18.58B MOOE?” pagtatapos pa niya.
Bago nito, nagawa namang magpasalamat ni Leviste kina Deputy Speaker Ronaldo Puno, Rep. Terry Ridon, at Rep. Toby Tiangco kaugnay sa pagpapaliwanag nila tungkol sa nauna na niyang pahayag sa dalawang milyong “Christmas bonus” na natanggap ng mga kongresista.
MAKI-BALITA: Paldo mga solon? Rep. Tiangco, isiniwalat umano'y bonus ng mga kongresista 'pag holiday break
MAKI-BALITA: May binigay pero 'di bonus? Rep. Terry Ridon, pinabulaanang naambunan ng ₱2M bonus mga congressman
Mc Vincent Mirabuna/Balita