Usap-usapan ang tila nakaambang bangayan sa pagitan ng Miss Universe Organization at kampo ni dating Ilocos Sur governor Luis "Chavit" Singson, matapos maglabas ng matapang na pahayag sa social media ang presidente ng MUO na si Raul Rocha nitong Sabado, Enero 3, 2026.
Hindi direktang binanggit ni Rocha sa kaniyang Instagram story ang pangalan ni Chavit, maging ang anak niyang si Rep. Richelle Singson, subalit naniniwala ang mga netizen na ang dalawa ang pinatutungkulan niya.
“I’m fed up with that delusional fool and his daughter making statements, dreaming of something he wouldn’t be able to achieve in a hundred years. Keep dreaming—my lawyers will put an end to your fairy tales,” saad ni Rocha sa nasabing post.
Photo courtesy: Screenshot from Raul Rocha/IG
Makikita rin sa background ng kaniyang mensahe ang screenshot ng opisyal na pahayag ng MUO kaugnay ng isyung bumabalot sa umano’y pagmamay-ari at pamumuno sa prestihiyosong international beauty pageant.
Matatandaang kamakailan lamang, naging bukas sa publiko ang intensyon ni Singson na bilhin na ang pagmamay-ari sa MUO.
Noong Biyernes, Enero 2, naglabas ng post si Chavit na sinasabing nagtulak sa pamunuan ng MUO upang maglabas ng opisyal na pahayag.
Batay sa nabanggit na post, iginiit ni Singson na wala na umanong kontrol sa MUO sina Rocha at ang Thai transgender billionaire na si Anne Jakrajutatip, na kamakailan lamang ay hinatulang guilty sa fraud case.
Ibinahagi rin niya ang umano’y naging pag-uusap nila ng anak niyang si Richelle Singson at ni Shawn McClain, na inilarawan bilang dating vice president ng Miss Universe.
Ayon sa pahayag ni Singson, napag-usapan na umano ang mga posibleng negosasyon kaugnay ng pagkuha sa MUO, at iginiit pa niyang may mga isinasampang kaso laban kina Rocha at Jakrajutatip, na mga alegasyong mariing pinasinungalingan ng kasalukuyang pamunuan ng pageant.
"Had a good chat with my daughter Congresswoman Richelle Singson and Shawn McClain, former Miss Universe Vice President. He updated us with possible acquisition talks on Miss Universe Organization," ani Singson sa kaniyang social media post.
"For everyone’s information: MUO is not owned anymore by Anne Jakrajutatip or Raul Rocha Cantú. In fact, they both have arrest warrants against them!"
"Thank you Shawn for visiting us! We look forward to having discussions with the rightful owners, the creditors they defrauded," aniya pa.
Photo courtesy: Luis Chavit Singson/FB
Bilang tugon, mariing itinanggi ng MUO ang mga paratang at iginiit na nananatiling malinaw at lehitimo ang kanilang pamamahala at pagmamay-ari. Hindi rin nagbigay ng detalye ang MUO ukol sa mga legal na hakbang, ngunit ipinahiwatig ni Rocha na handa ang kanilang mga abogado na kumilos laban sa mga aniya’y umano'y maling pahayag.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Singson hinggil dito.