Kinilala at pinalakpakan ng ilang malalaking pangalan sa Estados Unidos ang naging show-stopping performance ni Pilipinas Got Talent Season 2 champion na si Marcelito Pomoy sa New Year’s Eve (NYE) Celebration Party noong Miyerkules, Disyembre 31.
Isa sa mga personalidad na nakapanood sa pagkanta ni Pomoy ng classic song na “The Prayer” ay si US President Donald Trump at First Lady Melania Trump.
“What a start of 2026! Marcelito has just performed to the President of the United States in Mar-a-Lago at the NYE Celebration Party,” caption sa Instagram ni Pomoy.
Makikita rin sa reel na pagkatapos ng performance, nakipag-kamay at bumati pa ang singer sa mag-asawang Trump, at nagbahagi rin ng paghanga kay Pomoy.
Kasama sa mga listahan ng bigating VIPs sa year-end party na ginanap sa Mar-a-lago, Palm Beach resort ng mga Trump ay sina US attorney Rudy Giulani, at Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at asawa nitong si Sara.
Si Pomoy ay unang sumikat nang magkampeon ito sa ikalawang season ng Pilipinas Got Talent noong 2011.
Dahil sa kakaiba at mahusay niyang pagkanta sa timbreng tenor at soprano, nakilala rin si Pomoy sa international stage.
Taon 2018, naimbitahan siya sa “The EllenDeGeneres Show” at noon namang 2020, sumali rin si Pomoy sa America’s Got Talent: The Champions.
Sean Antonio/BALITA