Inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) na simula ngayong araw, Enero 2, 2026, mahigpit nang ipatutupad ang pagbabawal sa mga e-trikes sa mga pangunahing kalsada sa buong Metro Manila.
Base sa ulat ng LTO noong Huwebes, Enero 1, 2026, kabilang sa mga kalyeng apektado ay ang Epifanio de los Santos Avenue (EDSA), C-5 Road, Roxas Boulevard, at Quirino Ave. hanggang Magallanes - South Luzon Expressway (SLEX), na siyang nakabase sa umiiral na panuntunan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon naman kay LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ikinasa ang adhikaing ito na layong bigyan ng pangkalahatang konsiderasyon ang kaligtasan sa gitna ng kalsada.
“Ang mga pangunahing lansangang ito ay idinisenyo para sa mas mabilis at mas malalaking sasakyan, at hindi angkop para sa mga e-trike dahil sa bilis ng daloy ng trapiko, dami ng sasakyan, at lawak ng mga lansangan. Ang pagsasabay ng mababagal at magagaan na sasakyan sa ganitong uri ng kalsada ay nagdudulot ng malinaw na panganib sa lahat ng gumagamit ng daan,” saad ni Lacanilao.
Hiningi rin niya ang pang-unawa ng lahat at tiniyak na bubuo nang mas konkretong mga plano at direktiba para sa mga gumagamit ng e-trike.
"Unawain po natin na ang hakbang na ito ay ginagawa natin para sa kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada. Naiintindihan natin na marami sa atin ang umaasa sa mga e-trike bilang paraan ng paglalakbay,” aniya.
“Kaya naman handa ang LTO na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at mga sektor ng industriya para bumuo ng mga ligtas at angkop na ruta para sa mga e-trike sa mga darating na araw. Hinihikayat din po natin ang mga mamamayan na sumunod sa mga patakaran at makipagtulungan para mapanatili ang ligtas na daloy ng trapiko,” dagdag pa niya.
Binalaan din ng ahensya na ang mga susuway sa patakarang ito ay sasailalim sa mga kaukulang parusa, alinsunod sa Republic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code at Joint Administrative Order No. 2014-01.
Sa ilalim nito, maaaring magbayad ng multa ang sasaway, o kaya naman ay puwedeng ma-impound ang sinasakyang niyang e-trike.
Nakalaan na rin daw sa mga pinakakritikal na punto ng nasabing mga kalye ang ilang law enforcers para sa mas maayos na pagpapatupad ng patakaran.
Vincent Gutierrez/BALITA