Tila buo ang pananalig ng beteranang aktres na si Pinky Amador sa mga Gen Z na baguhin ang political landscape ng Pilipinas.
Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” kamakailan, sinabi ni Pinky na ang pagiging mapanuri ng mga botanteng Gen Z ang magdadala nng pagbabago sa bansa.
Aniya, “Sila talaga ang nagbago ng [political] landscape kasi mapanuri na sila. Hindi dahil porket sikat [ang politiko].”
“Ttinitingnan nila ano ba ang nagawa nilang batas. Ano ba ang plataporma nito? Iisa-iisahin nila ‘yan.” dugtong pa ng beteranang aktres.
Gayunman, binigyang-diin ni Pinky ang halaga ng pakikinig at pakikipag-ugnayan sa mga nasa ground upang higit na matukoy ang umiiral na problema.
“[K]ailangan marunong ka rin makinig. Marunong ka rin pumulso sa tao. Ano ba talaga problema natin?” saad niya.
Dagdag pa ni Pinky, “You need to go on the ground to find out. Paano natin masosolusyunan ‘to? Pero dahil sa mga Gen Z, maraming nagbago.”
Isa si Pinky sa mga artistang bumoboses sa mga isyung pampolitika ng bansa. Matatandaang pinahagingan niya si broadcast-journalist Anthony Taberna noong Oktubre 2025 dahil sa umano’y fake news nito tungkol sa insertions ni Sen. Risa Hontiveros.
Maki-Balita: Pinky Amador sa tindahan ni Ka Tunying: 'Bibili sana ako ng fake news'