Nagkaisa bago matapos ang taong 2025 ang mga FlipTop emcees, tagapanood, tagasuporta ng battle rap league sa Pilipinas na “FlipTop” para sa panawagang ikulong ang mga umano’y sangkot sa korapsyon sa bansa.
Sa videong inilabas ng FlipTop sa kanilang YouTube channel noong Miyerkules, Disyembre 31, 2025, mula sa laban ng dalawang rapper at FlipTop emcee na sina Tipsy D at Mhot, isiningit ng nangunguna ng nasabing liga na si Alaric Yuson o mas kilala rin bilang “Anygma” ang paghihikayat sa mga tagasuporta at mga miyembro nila na isigaw ang panawagan laban sa korapsyon.
“Salamat sa enerhiya ninyong lahat,” pagsisimula ni Anygma sa 4:35 minuto ng video.
Screenshot mula sa FlipTop (YT)
Dagdag pa niya, “Tingin ko sapat na panahon para gawin na rin ang parte natin habang nand’yan ‘yong enerhiya ninyo.”
“Ikulong na ‘yan mga kurakot!” sigaw ni Anygma at lahat ng mga taong nagsidalo sa ginanap na Ahon 16 ng FlipTop noong Disyembre 13 hanggang 14 noong 2025.
Tumagal sa loob ng mahigit 15 segundo ng lakas ng panawagan sa nasabing event.
Matatandaang maraming naganap na progresibong pagkilos ng iba’t ibang samahan ng taumbayan dahil sa umano’y korapsyon na talamak sa bansa noong nakaraang taon.
Huling naganap ang malawakang pagkilos ng taumbayan noong Nobyembre 30, 2025 sa pangunguna ng Baha Sa Luneta 2.0 sa Luneta, Manila at Trillion Peso March Movement sa EDSA People Power monument sa Quezon City.
Bago nito, nauna nang dumanak ang bilang-bilang ng mga miyembro ng religious group na Iglesia Ni Cristo (INC) noong Nobyembre 16 hanggang 17, 2025.
Bukod pa riyan, kasama ring nagsagawa ng rally ang mga miyembro ng United People’s Initiative, Duterte Supporters, at mga muslim sa maraming araw kasabay ng malakihang mga protesta noong nakaraang taon.
Ganoon din ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang mga unibersidad sa pangunguna ng mga lider-estudyante.
MAKI-BALITA: 'We demand action!' Catriona kinalampag Ombudsman, Kongreso kontra korapsyon, political dynasty
MAKI-BALITA: #BalitaExclusives: INC members umaasang maaayos ang gulo, mapapanagot may-sala
Mc Vincent Mirabuna/Balita