Timbog ang walong Most Wanted Persons (MWPs), habang nasamsam naman ang ₱8.8 milyong halaga ng ilegal na droga, sa ikinasang malawakang operasyon ng awtoridad sa unang dalawang araw ng 2026 sa buong bansa.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes, Enero 2, 2026, ang mga nasakoteng suspek ay nagmula sa Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, Western Visayas, at Metro Manila, na humaharap sa iba’t ibang mabibigat na kaso tulad ng murder, syndicated estafa, at statutory rape.
Ang mga narekober namang ilegal na droga ay galing sa isang buy-bust operation na ikinasa sa Cebu City, kung saan nasamsam sa isang High-Value Individual (HVI) ang ₱7.4 milyong halaga ng pinaghihinalaang shabu—na aabot sa 1,030 gramo ang timbang.
Sa hiwalay na large-scale eradication, sinunog naman ng mga operatiba ang 7,000 fully grown marijuana plants sa Kalinga, na aabot sa ₱1.4 milyon ang halaga.
Ayon kay Acting Chief PNP, PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang mga isinagawa nilang operasyon sa buong bansa, sa unang dalawang araw ng 2026, ay tanda ng kanilang adhikain kontra krimen at ilegal na droga.
“We are starting 2026 with firm and focused police action. These results show that our personnel remain vigilant—even during the holidays—because public safety does not take a break. This is about protecting communities, enforcing the law fairly, and making sure that criminals are held accountable,” ani Nartatez.
Saad pa niya, “Under the guidance of President Ferdinand R. Marcos Jr., we will continue strengthening our operations through Enhanced Managing Police Operations (EMPO)—smarter deployment, tighter coordination, and faster response. This is how we deliver police service that our people can truly feel.”
“Hindi ito pang-isang taon lang. This will continue to guide us every day—sa lansangan, sa komunidad, at sa bawat operasyon—so that the public sees and feels a police force they can trust,” pagtatapos niya.
Giit ng PNP, ang mga operasyong isinagawa nila ay nakabase sa direktiba ng Pangulo, at sa “Focus Agenda on EMPO” ng kanilang ahensya.
Vincent Gutierrez/BALITA