Tiniyak ni Sen. Risa Hontiveros sa sambayanang Pilipino na hindi mga pangakong mapapako ang kanilang mga reporma sa Senado para sa mas magaan at maginhawang 2026.
“Bago tayo muling sumabak sa buong bigat ng 2026, kilalanin natin ang simpleng katotohanan [na] nakatawid tayo, nakatayo tayo, [at] handa tayong lumaban muli,” panimula ni Hontiveros sa kaniyang pagbati para sa bagong taon nitong Enero 1.
“Grabe ang hamon ng 2025. Bukod sa mga sakuna, andiyan ang mga mataas na presyo ng bilihin, tubig, at kuryente, at patong-patong na gastusin sa pagpapagamot. Pero ang Pilipino, matatag, mulat, at hindi bumibitaw, at sa kabila ng hirap, may mga tagumpay na pinagsisikapan nating lahat,” pagkilala ng Senadora sa mga naging pangyayari sa nagdaang 2025.
Patunay raw ang mga ito na sa pagsasama-sama ng mga Pinoy, sila ay may napatutunanayan, naipaglalaban, at umuusad.
Kaya sa pagdating ng bagong taon, tiniyak ni Hontiveros na isasakatuparan nilang mga mambabatas ang taas-sahod para sa mga manggagawa, mas abot-kayang presyo ng mga bilihin para sa lahat ng consumer, mas makatarungang serbisyo-medikal, at pananagutan sa mga naglustay ng pera sa kaban ng bayan.
“Dasal ko na manatili tayong magkakasama sa prinsipyo, sa katotohanan, at sa pag-asa, hanggang sa dulo ng bagong taon, at sa mga susunod pa. Ngayon, malinaw ang direksyon. Taas-sahod pa sa [mga] manggagawa, mas abot-kayang presyo sa lahat ng consumer. Mas makatarungang serbisyong pangkalusugan, at pananagutan para sa mga naglustay ng pera ng bayan,” ani ng Senadora.
Tiniyak niya na hindi lang pangako ang mga ito dahil magpapatuloy lang daw ang trabaho nila sa Senado, at hindi sila aatras sa mahabang laban na ito para sa mga Pinoy.
“Hindi ‘yan pangako lang. Tuloy ang trabaho natin sa Senado. Hindi tayo titigil, hindi tayo aatras. Mahaba ang laban pero nandito tayo para sa isa’t isa,” pagtitiyak ni Hontiveros.
Sean Antonio/BALITA