Nagbahagi ng isang taos-pusong mensahe si Kris Aquino sa social media kaugnay ng kaniyang patuloy na laban sa karamdaman at ng mga taong naging sandigan niya sa pagtatapos ng 2025.
Ipinaliwanag ni Aquino sa kaniyang Instagram post na tumanggi siyang mahiwalay sa kaniyang anak na si Bimby Aquino, dahilan upang pumirma pa siya ng waiver para lamang manatili silang magkasama.
Aniya, mauunawaan ito ng mga ina, lalo na matapos ang mabigat na pinagdaanan nila mula Disyembre 24 hanggang 26, na balak pa niyang ibahagi sa isang video interview.
Bilang pagtanaw sa nagtatapos na taon, sinabi ni Aquino na labis siyang nagpapasalamat sa kaniyang mga anak, sa kainyang kapatid na si Celda, at kina Anne Binay at sa buong pamilyang Binay sa pag-aaruga kay Josh Aquino habang siya ay nasa semi-isolation dahil sa mababang resistensya.
Nagpasalamat din siya sa kaniyang mga doktor, at sa kaniyang tinawag na bagong “favorite doctor,” ang pain management specialist at pati na rin sa kapwa nito doktor.
Hindi rin nakalimutan ni Aquino ang kaniyang mga nurse, gayundin ang mga taong tumutulong sa pag-aayos ng kaniyang araw-araw na buhay at ang kaniyang mga kaibigan mula sa iba’t ibang larangan.
Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, ibinahagi ni Aquino na marami umanong bagong kabanata ang darating sa 2026 para sa kaniya at kay Bimby.
Hiniling niya ang patuloy na panalangin ng publiko para sa matibay na pananampalataya at mas mabuting kalagayan sa Bagong Taon.
"Maraming bago in 2026 sa buhay ni Bimb at buhay ko. Please continue to help us pray for unwavering faith that the new year can only get better."
"To my followers & all praying with me, I’m alive because of your prayers for someone you don’t personally know but have adopted as one you feel deserving of your time in prayer. Lilipas ito at makakabawi ako sa kabutihang loob ninyo."
"My body is at its weakest but my spirit is still #fighting," aniya pa.
Kamakailan lamang, humingi na ng dasal si Kris para sa kaniyang kalusugan.
Kaugnay na Balita: 'Kakayanin ko pa ba?' Kris Aquino, humingi ulit ng dasal