Umabot sa 128 mamamahayag ang napatay sa iba’t ibang panig ng mundo noong 2025, mahigit kalahati sa mga ito ay naganap sa Middle East, ayon sa ulat ng International Federation of Journalists (IFJ) nitong Huwebes, Enero 1, 2026.
Mas mataas ang bilang kumpara noong 2024, na tinawag ng IFJ na isang seryosong babala para sa kaligtasan ng mga mamamahayag.
“Is not just a statistic, it’s a global red alert for our colleagues,” pahayag ni IFJ general secretary Anthony Bellanger sa international news media.
Partikular na ikinabahala ng IFJ ang sitwasyon sa Palestinian territories, kung saan naitala ang pagkamatay ng 56 media professionals noong 2025 habang nagpapatuloy ang digmaan ng Israel at Hamas sa Gaza.
“We’ve never seen anything like this: so many deaths in such a short time, in such a small area,” ayon pa kay Bellanger.
Bukod sa Middle East, may mga mamamahayag ding napatay sa Yemen, Ukraine, Sudan, Peru, India, at iba pang bansa, ayon sa IFJ.
Kinondena rin ni Bellanger ang tinawag niyang “impunity” o kawalan ng pananagutan sa mga nasa likod ng pag-atake sa mga mamamahayag.
“Without justice, it allows the killers of journalists to thrive,” babala niya.
Samantala, iniulat din ng IFJ na may kabuuang 533 mamamahayag ang kasalukuyang nakakulong sa iba’t ibang panig ng mundo, bilang na higit doble kumpara sa naitala limang taon na ang nakalipas.
Nanguna muli ang China bilang bansang may pinakamaraming nakakulong na mamamahayag, na may 143 sa bilangguan, kabilang na ang mga nasa Hong Kong.
Ayon sa IFJ, karaniwang mas mataas ang kanilang tala ng mga napapaslang na mamamahayag kumpara sa Reporters Without Borders dahil sa magkaibang pamamaraan ng pagbibilang. Sa bilang noong 2025, kabilang din ang siyam na insidenteng itinuturing na aksidente.
Samantala, iniulat ng Reporters Without Borders na 67 mamamahayag ang napatay habang ginagampanan ang kanilang trabaho ngayong taon, habang 93 naman ang tala ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).