Patay ang 17-anyos na Grade 11 student na residente ng Barangay Panitian, Quezon, Palawan, matapos mabangga ng isang pampasaherong van bandang 1:00 ng madaling araw ng Enero 1, 2026 sa Sitio Tapsan ng parehong barangay.
Ayon sa ulat, nagawa pang salubungin ng binatilyo ang pagpasok ng bagong taon bago mangyari ang aksidente.
Ayon sa ilang saksi, mabilis umano ang pagpapatakbo ng driver ng van nang mabangga ang biktima na nasa gilid lamang ng kalsada.
Tumilapon ang biktima sa gitna ng daan at agad na isinugod sa ospital, subalit sa kasamaang-palad, doon na ito binawian ng buhay.
Kaugnay nito, may ilang motorista rin umanong nasugatan matapos madamay sa pag-araro ng van. Ayon sa mga ulat, nanonood lamang umano ang biktima at ang mga sugatang motorista ng isang “motor show” sa lugar nang mangyari ang aksidente.
Nagluluksa ngayon ang pamilya, kaibigan, kaklase, at mga guro ng biktima, na kilala bilang isang consistent honor student na may pangarap na maging engineer.
Samantala, ayon sa mga unang rumesponde sa insidente, kabilang umano sa “Leonard Transport Company” ang van na nakadisgrasya. Ang impormasyong ito ay patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad.