Muling nagningning ang Pinoy pride sa international scene matapos irampa ng South Korean singer-songwriter at aktres na si IU ang isa sa gown collections ng Filipina designer na si Monique Lhuillier, sa prestihisyong 2025 APAN Star Awards, nitong Miyerkules, Disyembre 31.
Ang “Monaco” tulle ball gown na isinuot ni IU ay parte ng Fall 2025 line ni Monique, kung saan, ang makikitang highlight ay ang mga rosas at talutot na nakaburda dito.
Makikita ring mas pinalutang ng gown ang mala-prinsesang ganda ni IU habang tinatanggap ang kaniyang Daesang o Grand Prize trophy para sa kaniyang outstanding performance sa TV series na “When Life Gives You Tangerines.”
Ang TV series ay nag-uwi rin ng mga pagkilalang “Best Drama of the Year,” “Best Director,” at “Best Child Actor.”
Si IU o Lee Ji Eun, ay isa sa mga pinaka-successful artist sa industriya ng Korean entertainment, dahil mula sa hit songs niya tulad ng “Good Day,” “BBIBBI,” “Lilac,” at “Love Wins All,” hanggang sa iba pa niyang tanyag na drama tulad ng “My Mister,” “Hotel del Luna,” at “Moon Lovers: Scarlet Heart Ryeo,” kinikilala rin si IU dahil sa pagmamahal niya sa kaniyang fans.
Si Monique naman ay Filipina designer na tinatangkilik hindi lamang sa bansa ngunit maging sa international fashion industry, kung saan hinahangaan siya ng ilang Hollywood artists tulad nina Emma Stone, Blake Lively, Taylor Swift, Reese Witherspoon, at maging ng mga personalidad na sina Michelle Obama at Melania Trump.
Kasama ang asawa na si Tom Bugbee, binuo nila ang fashion brand noong 1996, na sa kasalukuyan, ay isa na sa mga nangungunang fashion houses sa disenyo, kalidad, at pagiging malikhain.
Bukod pa rito, ang designs nina Monique sa kanilang collections ay feminine at modern, ready-to-wear accessories at bridal collections.
Sean Antonio/BALITA