Muling ibinahagi ng kilalang fortune teller na si Rudy Baldwin ang prediksyon niya sa taong 2026.
Sa latest Facebook post ni Rudy nitong Miyerkules, Disyembre 31, ibinalandra niyang muli ang kabuuang video kung saan niya tinalakay ang posibleng mangyari sa susunod na taon.
Nauna na niya itong ibahagi noong Oktubre 2025.
Ayon kay Rudy, “‘Yong ating taong 2025 is taon ng the Biblical year. Ngunit itong taong 2026 is a year of fear. So, ibig sabihin po no’n, ito ‘yong taong 2026 ay taon ng mabagsik na apoy, tubig, at dugo.”
“Sa madaling salita, nabubuhay na naman ang bloody year,” dugtong pa niya.
Unang binigyang-diin ni Rudy ang dalawang bagyong darating na kasing-lakas umano ni Goni at Yolanda. Aniya, hindi umano tatagal ang hagupit ng hangin nito ngunit aabutin umano ng ilang araw ang pagbuhos ng ulan.
“Kung ano ‘yong sinapit natin ngayong taon, hindi man siya gano’n katindi pero walang ang ulan. Umabot ng ilang araw,” saad niya.
Dagdag pa ni Rudy, “Tapos mayro’n pa talagang dalawang bagyo na kasing-lakas ni Goni at Yolanda. Maraming buhay ang nawawala.”
Sasabayan din umano ng lindol ang mga bagyong ito. Kaya ibayong pag-iingat ang paalala niya sa lahat, partikular sa mga nasa Aklan, Abra, Baguio, Pangasinan, Zamboanga, Marawi, Batanes, Bicol, at marami pang iba.
Tila hindi rin inaalis ni Rudy ang posibilidad na mangyari ang tinaguriang “The Big One.” Ito ay ang malakas na lindol na kinakatakutang tumama sa Metro Manila.
“Wala pong masama na manalangin na tayo huwag mangyari,” sabi niya. “Kasi kahit ako, ayaw kong mangyari ‘yon…isa ako sa mapapahamak do’n, e. So siyempre, kailangan n’yo po ng dasal.”
Bukod dito, magpuputukan din umano ang anim na bulkan sa Pilipinas.
“Dapat ang bilang talaga dito is pito. Doon sa vision ko, mayro’ng isang sobrang tagal na siyang nahimlay. Sobrang tagal niya…hindi siya inaasahang mag-erupt. Pero sa pagbabago ng panahon, bigla itong nag-active,” saad ni Rudy.
Sasabayan din ito ng maraming aksidente sa mga anyong tubig tulad ng dagat hindi lang sa Pilipinas kundi pati na rin sa ibang karatig bansa.
Dagdag pa niya, “Mayro’n tayong aksidente na mangyayari sa himpapawid na bumagsak po ito sa tubig. Bumagsak sa karagatan. Himala na lang kung may isa o tatlong mabubuhay.
Kaya ito umano ang dahilan kung bakit maituturing ang 2026 bilang taon ng takot na may kasamang bagsik ng tubig, bagsik ng apoy, at bagsik ng dugo.