Nagbigay-mensahe si Vice President Sara Duterte ilang oras bago salubungin ng buong mundo ang 2026.
"Isang masigla at mainit na pagbati ng Bagong Taon ang ipinapaabot ko sa bawat Pilipino sa buong mundo! Sa pagsalubong natin sa 2026, iwaksi na natin ang anumang pag-aalinlangan at takot," saad ni Duterte sa isang video message nitong Miyerkules, Disyembre 31.
"Ngayon ang simula ng isang panibagong kabanata, isang malinis na pahina na punung-puno ng pag-asa. Hayaan nating mag-alab muli ang ating tapang at determinasyon," dagdag pa niya.
Ayon sa bise presidente, may taglay na lakas ang bawat Pilipino uapang malampasan ang anumang hapon na haharapin, at ituring ang bagong taon bilang paanyaya ng pagkakaisa.
"Anuman ang hamon na ating haharapin, taglay natin ang pambihirang lakas upang malampasan ang lahat ng balakid. Sa bawat pagsubok, lalabas tayong mas matatag," ani Duterte. "Itinuring natin ang bagong taon na paanyaya upang magkaisa at magsimula nang may panibagong pananaw. Ang ating pinagsamang lakas at pananampalataya ang susi ng tunay na pagbabago."
"Sama-sama tayong magsikap at magdasal na ang 2026 ay maging taon ng pag-asa at pagpapala. Maligayang Bagong Taon sa inyong lahat! Nawa’y maging mas maliwanag at maunlad ang ating panibagong simula."