January 04, 2026

Home BALITA National

Maantak ang 2025? Rep. Pulong, magsesentro raw sa serbisyo buong taon sa 2026!

Maantak ang 2025? Rep. Pulong, magsesentro raw sa serbisyo buong taon sa 2026!
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Idiniin sa publiko ni Davao 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte na hindi raw naging madali ang matatapos na taong 2025 at sinabi niyang isesentro niya sa pagseserbisyo buong taon ang darating na 2026. 

Ayon sa naging pahayag ni Pulong sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Disyembre 31, sinabi niyang maraming pangako ang napako at maraming Pilipino ang patuloy na naghihirap sa matatapos nang 2025. 

“2025 was not an easy year. Maraming pangako ang napako, maraming tanong ang hindi sinagot, at maraming Pilipino ang patuloy na naghihirap,” saad niya. 

Ani Pulong, hindi raw sila susuko at magpapatuloy para maging mas matatag at determinado. 

National

Leviste, pinuna pagtaas sa ₱18.58B ng MOOE ng Kamara sa 2026 nat'l budget

“Pero gaya ng dati, dili ta mo surrender. We move forward stronger, wiser, and more determined,” pagtitiyak niya. 

Pagpapatuloy ni Pulong, hiling daw niya ng mas maayos, makatao, tapat, at sesentro umano siya sa serbisyo buong taon sa 2026.

“As we welcome 2026, ang hiling natin ay simple pero mahalaga: isang mas maayos kaysa 2025, mas makatao, mas tapat, at malaya mula sa bangag na administrasyon,” aniya. 

Dagdag pa niya, “Isang taon na ang sentro ay serbisyo, hindi propaganda; aksyon, hindi palusot.” 

Hinikayat din ng congressman ang publiko na ipagpatuloy raw ipaglaban ang dignidad at malasakit para sa Pilipinas. 

“Padayon lang ta. Manindigan tayo para sa katotohanan, para sa hustisya, at para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino. Sama-sama nating ipagpapatuloy ang laban para sa isang Pilipinas na may dignidad at malasakit,” ‘ika niya. 

“Maligayang Bagong Taon sa inyong lahat. Padayon. Laban lang,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, nagawa ring pasalamatan ni Pulong ang mga patuloy na sumusuporta at nagtitiwala lalo na umano kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa parehong niyang pahayag sa kaniyang Facebook post. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Alam n'yo kaniyang ipinaglalaban!' Rep. Pulong, nagpasalamat sa nagtitiwala pa rin kay FPRRD

“Sa pagpasok ng 2026, una sa lahat—daghang salamat sa bawat Pilipino na patuloy na naninindigan, sumusuporta, at nagtitiwala sa pamilya Duterte,” pagsisimula niya.

“Sa pagpasok ng 2026, una sa lahat—daghang salamat sa bawat Pilipino na patuloy na naninindigan, sumusuporta, at nagtitiwala sa pamilya Duterte,” pagsisimula niya.

Diin niya, alam daw ng mga taong sumusuporta pa rin kay FPRRD ang tunay na ipinaglalaban nito.

MAKI-BALITA: Rep. Pulong, umalma matapos aprubahan ₱63.9B pondo sa AICS

MAKI-BALITA: Rep. Pulong, nag-'no' sa 2026 General Appropriations Bill

Mc Vincent Mirabuna/Balita