Nagbigay ng tugon ang kampo ni Sen. Robin Padilla sa pahayag ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Jay Tarriela kaugnay sa posisyon niya sa tensyon ng Pilipinas at China sa usapin ng West Philippine Sea (WPS).
Sa latest Facebook post ni Padilla nitong Miyerkules, Disyembre 31, sinabi niyang hindi umano niya itinatanggi ang pandarahas ng China sa mga PCG personnel at mangingisdang Pilipino.
“What he articulated is a strategic reality long acknowledged by diplomats, defense planners, and regional experts: escalation without leverage does not translate into protection for our people,” saad ni Padilla.
Dagdag pa ng senador, “Prudence is not surrender; restraint is not weakness.”
Kaya naman ang tindig umano ni Padilla sa isyu ng WPS ay repleksyon ng paniniwala na ang Pilipinas ay kinakailangang depensahan nang hindi ginagawang kabayaran sa simbolismo ang buhay ng mga mangingisda at PCG personnel.
Matatandaang tinawag ni Tarriela na “futile” ang posisyon ng senador matapos nitong sabihing wala umanong mapapala ang Pilipinas sa pakikipag-away sa China sa gitna ng tensyon sa usaping panteritoryo.
Maki-Balita: PCG Spox Tarriela, tinawag na 'futile' tindig ni Sen. Padilla sa isyu ng WPS