January 04, 2026

Home BALITA National

Atty. Harry Roque, bumwelta sa mga bumibira kay Rep. Leviste dahil sa 'Cabral Files'

Atty. Harry Roque, bumwelta sa mga bumibira kay Rep. Leviste dahil sa 'Cabral Files'
Photo courtesy: Harry Roque (FB), BALITA FILE PHOTO

Binuweltahan ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang mga tumutuligsa kay Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste dahil sa paglabas nito ng kopya umano ng “Cabral Files.” 

Ayon sa isinagawang livestream ni Roque sa kaniyang Facebook account noong Martes, Disyembre 30, sinabi niyang pinagtutulungan ng mga umano’y “bangag” si Leviste dahil sa kopyang hawak nito sa file ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Catalina Cabral. 

“Importante na mag-live tayo kasi feeling ko, pinagtutulungan ng mga bangag itong si Congressman Leandro Legarda Leviste dahil doon sa tinatawag na ‘Cabral Files,’” pagsisimula niya. 

KAUGNAY NA BALITA: Baseless, malicious! Dizon, binasag si Leviste kontra 'insertions'

National

Leviste, pinuna pagtaas sa ₱18.58B ng MOOE ng Kamara sa 2026 nat'l budget

Dagdag pa niya, “Unang una ang sinabi nila ay ‘naku, ‘yang Cabral Files na ‘yan, sapilitang kinuha ‘yan ni Leandro Leviste’ Anong ibig sabihin noon? Ibig sabihin, inamin nila na authentic nga. Kasi bakit naman kukunin nang sapilitan ang isang bagay na hindi naman totoo?” 

Pinuntirya rin ni Roque ang naging pahayag noon ng Office of the Ombudsman na hindi umano ipinakita nang buo ni Leviste ang buong kopyang hawak niya sa nasabing tanggapan. 

KAUGNAY NA BALITA: ‘Bakit kaya?’ Rep. Leviste, di raw binibigay buong set ng 'Cabral Files' sey ng Ombudsman

“Pero at the same time, ito namang Ombudsman, ang sinabi ay ‘ang pinakita lang sa amin ay partial, hindi buo.’ Ang sinabi naman ni Congressman Leandro Leviste na pinapaniwalaan ko naman, ‘talaga namang binigay nila at pinakita niya,’” pagkukuwento niya. 

Paliwanag pa niya, “Malaya niyang pinakita ‘yong files sa Ombudsman dahil alam naman niya na sa ating saligang batas na tanging Ombudsman lang ang may kapangyarihan na gumawa ng kasong sang-ayon doon sa Cabral Files.” 

Pagpapatuloy ni Roque, hindi rin daw niya alam ang dahilan kung bakit pinasisinungalingan ni DPWH Sec. Vince Dizon ang “Cabral Files” na hawak ni Leviste. 

“Tapos syempre itong si Vince Dizon, hindi ko alam talaga kung bakit ganyan ‘yong sinasabi ni Vince Dizon. Pero alam ko kasi matino naman si Vince Dizon noong ngang magkasama kami sa Gabinete ni Tatay Digong,” aniya. 

“Pero ngayon, pinasisinungalingan niyang may alam daw siya sa Cabral Files. Pero ang bersyon naman ni Congressman Leviste na talagang alam naman ni secretary Dizon ‘yan at parang sinususgod pa niya ‘yong pagkuha ng files para ipasapubliko nga ‘yang files na ‘yan,” ‘ika niya. 

“Ako, ang pagkakaalam ko kay secretary Dizon, ‘yan ang gagawin niya. Kasi si secretary Dizon, ang pagkakaalam ko sa kaniya, siya ay matino at malinis, at he believes in transparency,” diin pa niya. 

Ayon pa kay Roque, kaya raw hindi pinayagang magkaroon ng privilege speech si Leviste ay dahil gustong i-suppress umano ang nilalaman ng Cabral Files.

Samantala, wala pa naman inilalabas na pahayag ang Ombudsman at sina Dizon kaugnay sa sinabi ni Roque. 

MAKI-BALITA: 'I vehemently deny that!' Rep. Leviste, tinangging sapilitang kinuha 'Cabral Files'

MAKI-BALITA: DPWH, puwedeng maghain ng ethics complaint kay Rep. Leandro Leviste!—Rep. Terry Ridon

Mc Vincent Mirabuna/Balita