Inihayag ni Vice President Sara Duterte ang aniya’y tunay na aral ng bayaning si Dr. Jose Rizal, kasunod ang ika-129 na anibersaryo ng pagkabayani’t pagpanaw nito.
“Sa araw na ito, ginugunita natin ang buhay at diwa ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal,” saad ni VP Sara sa kaniyang pahayag nitong Martes, Disyembre 30.
Dagdag pa niya, “Sa pamamagitan ng kanyang mga akda, ipinamana ni Dr. Jose Rizal ang diwa ng walang-takot na pagmamahal sa bayan at ang pangarap ng tunay na kalayaan na nakabatay sa liwanag ng kaalaman.”
“Ang tunay na aral ni Rizal ay malinaw: Ang kalayaan ay hindi lamang paglaya mula sa puwersang dayuhan, kundi pati na rin ang paglaya ng ating isip at damdamin mula sa pang-aabuso, pagkawatak-watak at kasamaan,” aniya pa.
Hiling din ng pangalawang pangulo ang pagpapanumbalik ng lakas at tapang ng bawat isa upang manindigan alang-alang sa katotohanan at katarungan.
“Huwag nating hayaang mamatay ang diwa ng karunungan at pagkakaisa. Ang tunay at pangmatagalang pagbabago ay nagsisimula at nagmumula sa malalim na pag-aaral, moral na integridad, at sama-samang pagkilos sa ating komunidad at mga institusyon,” anang bise presidente.
“Mabuhay ang diwa ni Dr. Jose Rizal! Mahalin natin ang Pilipinas—para sa Diyos, sa Bayan, at bawat Pamilyang Pilipino,” pagtatapos niya.
Nauna nang nagpahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kaugnay sa pakikiisa niya sa komemorasyon ng Rizal Day.
“I join the entire Filipino nation in commemorating Rizal Day. Through his writings and martyrdom, Dr. Jose Rizal awakened our sense of identity and showed that Filipinos deserve dignity, freedom, and the power to determine their own future. His example gave our forebears an ideal model of what it means to be truly Filipino and a confident vision of a nation ready to stand as an equal among others,” saad ni PBBM.
MAKI-BALITA: Lalo mga bagets! PBBM, umapelang isabuhay si Rizal para sa 'responsible citizenship'-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA