Nagbigay-pugay ang pulisya ng lalawigan ng Rizal sa yumaong si Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop.
Matatandaang napaulat ang pagpanaw ni Rep. Acop noong Disyembre 20, nang siya ay isinugod sa Assumption Hospital, ngunit idineklara ding patay na.
MAKI-BALITA: Romeo Acop, pumanaw na; natagpuang walang malay sa kuwarto-Balita
Sa ibinahaging ulat ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO) nitong Martes, Disyembre 30, makikitang dinaluhan ni Acting Provincial Director Police Col. Feloteo Gonzalgo ang paggagawad ng “Full Funeral Honors” para sa namayapang kongresista.
Anila, ito raw ay isang mataimtim na seremonya, tanda ng pagkilala sa natatanging serbisyo sa bayan, at ang kaniyang natatanging ambag sa kaayusan at kapayapaan ng kaniyang nasasakupan.
Ayon pa kay Gonzalgo, isa raw huwarang lingkod-bayan si Acop, na siyang inalay ang kaniyang sarili para maglingkod sa bayan.
“Ang Rizal Police Provincial Office ay lubos ang pakikiramay sa naiwang pamilya ng yumaong Congressman Romeo M. Acop. Siya ay isang huwarang lingkod-bayan na nag-alay ng kanyang talino, lakas, at buhay para sa kapakanan ng mamamayan at ng bansa,” saad ni Gonzalgo.
Ilang mga mambabatas at lingkod-bayan din ang nagpahayag ng kanilang dalamhati sa pagkamatay ng naturang kongresista.
“We are saddened by the passing of Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop. Our prayers and condolences go to his family and loved ones,” saad ni De Lima.
KAUGNAY NA BALITA: 'He served his country well!' Rep. De Lima, nagluksa sa pagpanaw ni Rep. Romeo Acop-Balita
“Nakikiisa po tayo sa pagdadalamhati at taos-pusong nakikiramay sa pamilya, mga mahal sa buhay, at mga kasamahan ng yumaong Congressman Romeo ‘Romy’ Acop, Kinatawan ng 2nd District ng Antipolo,” ani Ynares.
KAUGNAY NA BALITA: Mayor Ynares sa namayapang si Rep. Acop: 'Malaki ang kaniyang naiambag sa ating lungsod!'-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA
‘Huwarang lingkod-bayan!’ Rizal police, kinilala serbisyo-publiko ng namayapang si Rep. Romeo Acop
Photo courtesy: Rizal PPO, MB