Nagpaabot ng isang paalala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa nalalapit na pagsalubong sa 2026.
Sa ibinahaging social media post ng DILG Philippines nitong Martes, Disyembre 30, sinabi ng ahensya na unahin ng lahat ang kaligtasan ng kani-kanilang pamilya, maging ang buong komunidad.
“Sa pagdiriwang ng Bagong Taon, mahalagang unahin natin ang kaligtasan ng ating pamilya at buong komunidad,” saad ng DILG.
Dagdag pa nila, “Ang ating mga barangay ang nagsisilbing unang linya ng proteksyon sa bawat lugar, kaya’t hinihikayat ng Department of the Interior and Local Government ang lahat na makipagtulungan at sumunod sa mga ordinansang ipinatutupad ng inyong mga opisyal ng barangay para sa kaayusan at seguridad.”
Hinikayat din nila ang pakikipag-ugnayan ang bawat isa sa Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) sa oras na kailanganin ang mga ito.
“Sama-sama nating salubungin ang 2026 nang may disiplina, malasakit, at pananagutan sa isa’t isa. Isang ligtas na Bagong Taon para sa lahat,” pagtatapos nila.
Photo courtesy: DILG Philippines/FB
Matatandaang naglabas na rin ng paalala ang ilang kinauukulan hinggil sa ipinagbabawal na mga paputok at pagsubo ng mga plastik na torotot, bilang bahagi ng selebrasyon ng paparating na Bagong Taon.
MAKI-BALITA: Sa pagsalubong ng Bagong Taon: Bawal magpaputok, bawal magsubo ng torotot-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA