Kapag sinabing lakas at dedikasyon ng pagiging Pinoy, hindi magpapahuli ang mga manlalarong Pilipino na handang makipagsabayan sa mundo para ipakita ang kanilang galing at husay.
Kung susumahin, hindi ligwak ang usapin sa mundo ng sports na napagtagni-tagni ng mga atletang Pilipino ngayong 2025. Marami ang mas namayagpag pa habang sakbit sa balikat ang dangal ng watawat ng Pilipinas at mga kababayan nila.
Sinu-sino nga ba ang mga atletang naghabi ng mahalagang karangalan para sa bansa nitong nagdaang taon?
ALEXANDRA "ALEX" EALA
Photo courtesy: BALITA FILE PHOTO
Isa sa mga pinakanaging matunog nitong 2025 ang pangalan ng kasalukuyan ngayong world no. 54 sa Women’s Tennis Association (WTA) na Filipina professional tennis player na si Alexandra “Alex” Eala.
Bago nito, nauna na ring makapagtala ni Eala ng career-high niya bilang world no. 50 sa WTA noong Nobyembre 3, 2025 kung isa itong makasaysayang tagpo para sa manlalarong Pilipino sa sports na Tennis.
Matatandaang kamakailan lamang ay tagumpay na nakamit ni Eala ang kaniyang unang gintong medalya sa women's singles tennis sa Southeast Asian Games ngayong 2025.
Nakalaban ni Eala sa final ang kasalukuyang world no. 240 sa WTA at pambato ng Thailand na si Mananchaya Sawangkaew na ginanap sa Bangkok, Thailand noong Disyembre 18, 2025.
Malinis na trinabaho ni Eala ang naging paghaharap nila ni Sawangkaew sa score na 6-1 at 6-2.
Bagama’t hindi maiiwasan ang minsanang mga pagkbigo mundo ng isports, nasaksihan ng bawat Pilipino ang dedikasyon ni Eala para magpatuloy sa mga kamakailan niyang naging laban sa WTA sa mga nagdaang buwan bago matapos ang taon.
Noon lamang nakaraang Oktubre 2 hanggang Nobyembre 2, 2025, sa ginanap na Prudential Hong Kong Tennis Open, nakalaban ni Eala ang pambato ng Great Britain na si Katie Boulter na nag-retire na rin sa ikatlong set ng kanilang laban.
Bukod dito, nauna na ring sunod-sunod na salihan ni Eala ang mga Guangzhou Open (Guangzhou, China), Kinoshita Group Japan Open (Japan), at Dongfeng Voyah Wuhan Open 2025 (Wuhan, China) mula noong Oktubre 6 hanggang Oktubre 26, 2025.
Idagdag pa rito ang noong pagsali niya sa Suzhou WTA 125 (Suzhou, China) kung saan nakaabot siya sa round of 16 matapos niyang talunin sina Katarzyna Kawa (Poland) na rank 123 noon at si Greet Minnen (Belgium) na rank 106 noon.
Matatandaang nakaabot din si Eala sa quarterfinals ng Jingshan Tennis Open na ginanap noong Setyembre 22 hanggang 28, 2025.
Bukod sa mga iyon, matatandaang matagumpay rin na nakamit ni Eala ang tropeo sa kompetisyon ng Guadalajara 125 Open na ginanap sa Grandstand Caliente, Mexico noong Setyembre 7, 2025.
Kung saan sunod-sunod niyang talo sina Arianne Hartono (Netherlands), Varvara Lepchenko (United States), Nicole Fossa Huergo (Italy), Kayla Day (USA), at Panna Udvardy (Hungary).
CARLOS “KALOY” YULO AT KARL ELDREW YULO
Photo courtesy: BALITA FILE PHOTO
Bagama’t hindi nakasama sa nagdaang Southeast Asian (SEA) Games 2025 sa Thailand kamakailan, matatandaang nauna nang matagumpay na nasungkit ng two-time Olympic champion at double gold medalist na si Carlos Yulo ang gintong medalya sa men’s vault final ng 53rd FIG Artistics Gymnastics World Championships sa Jakarta, Indonesia noong Oktubre 25, 2025.
Nakapagtala si Yulo ng score na 15.200 sa kaniyang piked Dragulescu at 14.533 naman sa ikalawang vault, dahilan para magkaroon siya ng average score n 14.866. Nanguna ang nasabing score ni Yulo kumpara sa mga kalaban niyang sina Artur Davtyan ng Armenia na nakakuha ng 14.833 at sa puntos ni Nazar Chepurnyi ng Ukraine na 14.483.
Bukod dito, nauna na ring masungkit ni Yulo ang bronze medal sa men’s floor exercise final noong Oktubre 24, 2025 matapos niyang makapagtala ng average score na 14.533.
Bukod kay Kaloy, namamayagpag na rin ang kapatid nitong si Karl Eldrew Yulo na kamakailang Nag-uwi ng karangalan sa bansa matapos makapagtala ng bronze medal sa floor exercise final ng 2025 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships na ginanap noong Nobyembre 23, 2025, sa Newport World Resorts sa Pasay City.
Nanguna sa laban si Yang Lanbin ng China na may 13.833 puntos para sa ginto, habang pumangalawa naman ang Italyanong si Simone Speranza na nagtala ng 13.766 puntos. Nagtapos si Eldrew sa ikatlong puwesto matapos makakuha ng 13.733 puntos.
Pinakamalaking tagumpay ni Eldrew ang bronze na ito sa ngayon habang patuloy niyang hinuhubog ang sarili sa artistic gymnastics.
MANNY PACQUIAO, EMMAN BACOSA-PACQUIAO, JIMUEL PACQUIAO
Photo courtesy: BALITA FILE PHOTO
Matatandaang hindi man pinalad na masungkit ang WBC welterweight title laban kay Mario Barrios, tila pumaldo pa rin si Pambansang Kamao Manny Pacquiao matapos ang kaniyang pagbabalik sa boxing ring makalipas ang apat na taon.
Noong Hulyo 20, 2025, muling umarangkada si Pacman matapos tangkaing agawin ang titulo ni Barrios na mas bata sa kaniya ng 16 na taon. Ang tila isa sa mga “fight of the century,” tumabla sa iskor na 114-114, 114-114 at 115-113, majority draw na pumabor kay Barrios.
Matapos nito, lumikha pa ng marka sa larangan ng boksing si Pacman matapos italaga bilang Vice President ng International Boxing Association (IBA).Pormal na isinagawa ang pagpili kay Pacquiao matapos ang ginanap na pagpupulong ng IBA Board of Directors dito sa Maynila noong Oktubre 27, 2025.
Bukod kay Pacman, hindi rin nagpahuli sa larangan ng boksing ang mga anak nitong sina Emman Bacosa-Pacquiao at Jimuel Pacquiao.
Matatandaang nanalo noon si Eman sa naganap na "Thrilla in Manila 2" sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City noong Oktubre 29, 2025.
Nasungkit niya ang panalo sa lightweight-6 rounds via unanimous decision mula sa kalaban niyang si Nico Salado ng Bohol, matapos makalikom ng puntos na 58-55, 58-5, 60-53.
Habang nakapagtala naman ng majority draw ang panganay na anak ni Pacman na si Jimuel sa nilabanan nitong four-round lightweight debut fight kontra sa Amerikanong boksingero na si Brendan Lally kung saan ginanap iyon sa Pechanga Resort Casino noong Nobyembre 30, 2025.
Bagama’t hindi naging madali kay Jimuel na pataubin ang kalabang si Lally, pinakita niya ang kaniyang dedikasyon bilang isang pinoy at anak ng Pambansang Kamao sa apat na round na kanilang pagpapalitan ng suntok.
Matapos nito, nakapagtala ang dalawa ng score na 39-37 sa isang judge habang parehas na 38-38 sa dalawa pa dahilan para mauwi sa tabla ang kanilang pagtatapat.
SOUTHEAST ASIAN (SEA) GAMES 2025
Photo courtesy: POC (FB)
Isa rin sa malaking event na dinaluhan ng mga atletang Pilipino ang ginanap na ika-33 Southeast Asian (SEA) Games 2025 sa bansang Thailand noong Disyembre 9 hanggang 20, 2025.
Ayon sa opisyal na tala ng Olympics sa kanilang website, nakakuha ang Pilipinas ng kabuuang 277 na medalya: 50 ginto, 73 na silver, at 154 na bronze. Nilahukan ito ng aabot sa 1,500 na mga atleta upang lumaban sa iba’t ibang isports sa SEA Games 2025.
Dahil sa kabuuang mga medalya na nakuha ng bansa, naitalaga bilang pang-anim ang Pilipinas sa 10 mga bansang nakiisa sa SEA Games 2025.
Ang mga nagbigay ng malaking ambag upang makakuha ng gintong medalya ay ang mga atletang sina Justin Kobe Macario sa taekwondo, Aleah Finnegan at Jasmine Althea Ramilo sa gymnastics, Kayla Sanchez sa swimming at nakakuha ng tatlong gintong mga medalya.
Dagdag pa sa mga nakakuha ng ginto ay ang mga atletang sina John Christopher Tolentino sa 110m hurdles, Hokett Delos Santos sa decathlon, Hussein Loraña at Naomi Marjorie Cesar sa 800m, at world pole vault champion na si Ernest John Obiena, at si Alex Eala sa women's singles tennis.
Sa team sports naman ay ang baseball men’s team, basketball men’s at women’s team, football women’s team, softball men’s at women’s team, beach volleyball women’s team, at esports SIBOL men’s team.
Ilan pa sa mga nadagdag ng ginto para sa bansa ay ang mga atletang sumabak sa judo, wushu, kickboxing, practical shooting, modern pentathlon, triathlon relays, windsurfing, wrestling, boxing, bowling, at short track speed skating.
Habang nakakuha naman ng silver medal ang mga manlalaro mula sa taekwondo, swimming, athletics, judo, karate, aquatics, combat sports, at team events. Dagdag pa ang mga silver medals na nakuha ni gold medalist na si Kayla Sanchez.
Dagdag pa ang silver medals ng bawat kupunan na pambato ng bansa sa cricket, floorball, ice hockey, gymnastics, fencing, chess, squash, triathlon mixed relay, at women’s Esports boxing, wrestling, shooting, fencing, equestrian, modern pentathlon, windsurfing, aquathlon, and weightlifting, reflecting depth at iba pa.
Bukod pa riyan, hindi rin magpapahuli ang mga manlalarong nakakuha ng bronze medal mula sa mga isports na spanning cycling, athletics, gymnastics, martial arts, water sports, fencing, shooting, combat sports, ball games, mountain biking, hockey 5s, sepak takraw, taekwondo poomsae, chess, sprints, relays, throws, jumps, distance races,
Samantala, bukod sa mga ginto ay higit na marami ring mga manlalarong Pinoy ang nakasungkit at nag-ambag ng bronze na mga medalya sa naturang palaro.
At bukod sa mga atleta at isports na nabanggit, hindi rin maikakailang namayagpag ang galing at husay ng mga Pinoy sa iba pang mga larangan. Dahil dito, tila nagiging maliwanag at masigla ang hinaharap ng mundo ng isports sa bansa.
Mc Vincent Mirabuna/Balita