January 08, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Showbiz pasabog, eskandalo, intriga, at kontrobersiya ng 2025

BALITAnaw: Showbiz pasabog, eskandalo, intriga, at kontrobersiya ng 2025
Photo courtesy: via Balita/MB/PEP/FB/IG

Hindi nagpahuli ang taong 2025 pagdating sa maiinit na balita hindi lamang sa mundo ng politika kundi maging sa mundo ng showbiz. Narito ang mga pangyayaring yumanig sa industriya at naging laman ng usap-usapan ng buong bansa.

1. Biopic movie ni Pepsi Paloma/Vic Sotto versus Darryl Yap

Nagbukas ang 2025 sa isang matinding kontrobersiya matapos ilabas ng direktor na si Darryl Yap ang trailer ng pelikulang tumatalakay sa buhay ng 1980s star na si Pepsi Paloma. Tahasang ikinonekta sa trailer si Eat Bulaga TV host Vic Sotto sa matagal nang eskandalo. Bilang tugon, naghain si Vic ng cyberlibel case at petisyon para sa writ of habeas data. Bahagyang pinaboran ng korte ang hiling, na nagbabawal kay Yap na gamitin ang personal na impormasyon ni Vic sa promosyon ng pelikula. Kalaunan, tuluyang nahinto ang planong pagpapalabas ng pelikula noong Pebrero dahil sa mga isyung dokumentaryo sa MTRCB.

Kaugnay na Balita: Darryl Yap, naghain ng 'not guilty plea' sa cyber libel case ni Vic Sotto sa kaniya

BALITAnaw

#BALITAnaw: Ang ‘mothering’ na papel ni Tandang Sora sa rebolusyong Pinoy

2. Rufa Mae Quinto sa Kasong Syndicated Estafa, Pagkamatay ng Asawa

Kusang sumuko ang Kapuso comedy star Rufa Mae Quinto sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng mga kasong kinahaharap niya dahil sa "Dermacare," na isinampa laban sa kaniya sa Pasay court. Kalaunan, nalinis naman ang kaniyang pangalan dahil dito. Bukod dito, isa pang malungkot na pangyayari ang naganap sa buhay niya; ang pagkamatay ng mister na si Trevor Magallanes, bandang Hulyo.

Kaugnay na Balita: Rufa Mae Quinto umuwi ng Pinas, sumuko sa NBI

Kaugnay na Balita: Mister ni Rufa Mae Quinto na si Trevor Magallanes, sumakabilang-buhay

3. Andi Eigenmann at Philmar Alipayo, Muntik na Maghiwalay

Noong Pebrero, umugong ang balitang hiwalayan nina Andi Eigenmann at Philmar Alipayo matapos silang mag-unfollow sa isa’t isa at maglabas ng makahulugang posts tungkol sa pagtataksil. Gayunman, ilang araw lang ang lumipas ay naglabas si Philmar ng family video na nagkumpirmang nagkaayos na sila. Nagpaliwanag naman si Andi tungkol pinag-ugatan ng tampuhan nila ni Philmar, na kalaunan, ay dahil sa pagpapa-tattoo raw ng partner at isa nitong kaibigang babae.

Kaugnay na Balita: Okay na ba? Andi at Philmar, naispatang kumakain daw kasama ang pamilya

Kaugnay na Balita: Andi, banas kay 'friend' na may couple tattoo kay Philmar

4. Bugbugang Jellie Aw at Jam Ignacio

Ikinagulat ng netizens ang  pagbabahagi ng DJ/social media personality na siJellie Aw sa masaklap na ginawa umano sa kaniya ng fiance niyang si Jam Ignacio na dating partner ng actress-host na si Karla Estrada. Ibinahagi niya ang mga larawan kung saan makikitang bugbog-sarado siya mula sa kaniyang boyfriend. Humingi naman ng tawad sa kaniya si Ignacio subalit desidido si Aw na inireklamo si Ignacio sa National Bureau of Investigation (NBI). Ngunit kamakailan lamang, palaisipan sa mga netizen kung nagkabalikan na ba ulit sila matapos i-flex ni Ignacio sa Instagram story niya ang larawan ni Aw. Wala namang direktang sagot dito si Aw, subalit ang cryptic posts niya ay nagdulot ng espekulasyong baka pinatawad na niya ito. 

Kaugnay na Balita: 'Papakulong kita!' Ex ni Karla Estrada, nambugbog ng jowa?

Kaugnay na Balita: 'Bawal pikon dito!' Jellie Aw, 'game' sa round 2 bugbugan kay Jam Ignacio

5. Neri Miranda, Abswelto sa Kasong Syndicated Estafa

Nakahinga nang maluwag si Neri Miranda matapos mapawalang-sala sa kasong isinampa laban sa kanila, na nag-uugnay sa isang skincare clinic. Matatandaang Nobyembre 2024 nang kumpirmahin ng Southern Police District na isang aktres-negosyante na alyas “Erin” ang inaresto nila dahil umano sa paglabag sa securities regulation code. Napag-alamang ang aktres-negosyanteng ito ay walang iba kundi si Neri, ayon na rin sa entertainment vlog na "Ogie Diaz Showbiz Update." Hindi naman nag-Pasko at Bagong Taon sa kulungan si Neri matapos siyang payagang makapagpiyansa.

Kaugnay na Balita: Neri Miranda, abswelto na sa kasong syndicated estafa!

6. Hinanakit ni Dennis Padilla sa Kasal ng Anak na si Claudia Barretto at pagbuwelta ni Marjorie Barretto

Noong Abril, emosyonal na inilahad ni Dennis Padilla ang kaniyang hinanakit matapos umalis nang maaga sa kasal ng anak na si Claudia Barretto kay Basti Lorenzo. Ayon sa kaniya, itinuring lamang siyang “bisita” at hindi ama ng bride, na isang pangyayaring nagtulak sa kaniya para magpaalam na umano nang tuluyan sa kaniyang mga anak kay Marjorie Barretto. Matapos nito, hindi nagpatinag si Marjorie at nagpa-interview kay Ogie Diaz, para isiwalat ang kanilang panig. Dito, naibahagi ni Marjorie ang umano'y pisikal at berbal na pananakit sa kaniya ng dating mister noong nagsasama pa sila, na humantong sa hiwalayan at dahilan na rin kung bakit tila malayo raw ang loob ng mga anak sa kanilang ama. 

Kaugnay na Balita: Dennis Padilla, binudol daw ng anak: 'Father of the bride naging visitor'

Kaugnay na Balita: Marjorie Barretto, bumwelta kay Dennis: ‘My kids’ trigger is their father!’

7. Maricel Soriano sa Senate Hearing 

Dumalo sa public hearing ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) leaks noong Mayo si Diamond Star Maricel Soriano, upang tanungin hinggil sa pagkakadawit ng pangalan niya sa umano'y mga celebrity na nauugnay sa paggamit ng droga. Mariin namang itinanggi ni Marya ang mga akusasyon laban sa kaniya.

Kaugnay na Balita: Actress Maricel Soriano kinabahan, natakot sa PDEA leaks probe

8. Sumakses na Kauna-unahang Pinoy Big Brother Celebrity Collab

Maituturing ding makasaysayan ang kauna-unahang kolaborasyon ng ABS-CBN at GMA Network pagdating sa reality show; ang kauna-unahang Pinoy Big Brother Celebrity Edition na nagpanalo sa duo na "BreKa" o sina Brent Manalo at Mika Salamanca. Nagbigay-daan din ito upang mas makilala at sumikat ang mga naging celebrity housemates, lalo na ang "Pamilya De Guzman" na kinabibilangan nina Klarisse De Guzman, Will Ashley, Shuvee Etrata, Esnyr, at Mika. Dahil din sa tagumpay, nagkaroon ng kauna-unahang pelikula sina Will, Bianca De Vera, at Dustin Yu na "Love You So Bad" na opisyal na lahok sa 51st Metro Manila Film Festival (MMFF). Siyempre, mas dumami pa ang proyekto at endorsements ng iba pang ex-celebrity housemates. Agad naman itong nasundan ng season 2 na kabataang celebrity naman ang pumasok mula sa Star Magic at Sparkle.

Kaugnay na Balita: BreKa, itinanghal na ‘Big Winner!’

Kaugnay na Balita: Family tree ni Mowm! Sino-sino miyembro ng 'De Guzman Family' sa PBB?

9. Ang Masakit na Karanasan ni Liza Soberano, Kumpirmasyong Hiwalay na sila ni Enrique Gil

Noong Agosto, yumanig ang publiko sa rebelasyon ni Liza Soberano sa podcast ni Sarah Bahbah, kung saan ibinahagi niya ang karahasang dinanas noong kabataan. Kinumpirma rin niya ang hiwalayan nila ni Enrique Gil noong 2022. Sa pagbabalik sa tunay niyang pangalan na Hope, naging aktibo siyang tagapagsulong ng karapatan ng mga biktima ng pang-aabuso, gayundin sa iba't ibang proyekto at events sa ibang bansa.

Kaugnay na Balita: Liza Soberano, naranasang maging ‘family dog’ ng nag-alaga sa kaniya

10. Vice Ganda at jetski holiday joke laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte

Nag-ugat ang kontrobersiya mula sa performance nila ni Asia's Songbird Regine Velasquez-Alcasid sa kanilang concert na "Super Divas" na tumutukoy sa dating pangulo, sa West Philippine Sea, at sa International Criminal Court (ICC), na nagdulot ng halo-halong reaksyon mula sa mga netizen. Nothing beats a jet ski holiday, right now from Manila to the West Philippine Sea via jet ski. Get unlimited water bombing from Chinese vessels and a free trip to The Hague by the ICC. Promo applies to DDS only. Pinklawans and BBMs are prohibited. Huwag n'yo akong subukan, mga put*** ina n'yo!" ani Vice, na siyang pinalagan naman ng DDS o Duterte supporters. "Unanimous" naman ang naging desisyon ng 21st Davao City Council sa pagpapasa ng resolusyon sa Sangguniang Panlungsod, na kumokondena sa nabanggit na biro.

Kaugnay na Balita: Vice Ganda, binanatan ng Duterte supporters dahil sa paandar sa concert

11. Trillion Peso March Na Dinaluhan ng Celebrities

Noong Setyembre, pinangunahan ni Vice Ganda ang Trillion Peso March na kumondena sa umano’y bilyong pisong anomalya sa flood control projects. Ilan sa mga sikat na celebrities gaya nina Anne Curtis, Donny Pangilinan, Catriona Gray, at Nadine Lustre ang nakisangkot dito.

Kaugnay na Balita: Catriona Gray, Elijah Canlas, iba pang artista inaasahang dadalo sa Trillion Peso rally sa EDSA!

12. Slater Young at Monterrazas De Cebu

Nahaharap sa krisis ang dating PBB Big Winner na si Slater Young matapos magsampa ng kaso ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa proyekto nilang Monterrazas De Cebu kasunod ng matinding pagbaha sa Cebu. Mariin niyang itinanggi ang pagkakadawit sa anumang government flood control scam, ngunit sinisisi naman siya ng mga netizen sa matinding pagbaha sa Cebu kamakailan, sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.

Kaugnay na Balita: DENR, paiimbestigahan ibinidang Monterrazas de Cebu ni Slater Young

13. Arjo Atayde at Flood Control Issue

Nadamay ang pangalan ni Quezon City 1st District Rep. Arjo Atayde sa kontrobersiya sa flood control projects, matapos mabanggit ang pangalan niya sa isa sa mga isinagawang Senate hearing tungkol dito, ng contractor na si Curlee Discaya, subalit buong tapang siyang ipinagtanggol ng asawang si Maine Mendoza.

Kaugnay na Balita: Arjo, walang tinatago depensa ni Maine: 'We are confident that we stand on the side of truth!'

14. Archie Alemania, Hinatulang Guilty sa Kaso ni Rita Daniela

Hinatulang guilty ang aktor na si Archie Alemania kaugnay sa kasong Acts of Lasciviousness under Article 336 of the Revised Penal Code na isinampa sa kaniya ng Kapuso singer-actress na si Rita Daniela. Matatandaang sinampahan ni Rita ng reklamong “acts of lasciviousness” si Alemania sa nasabi ring Prosecutor office noong Oktubre 30, 2024. Trauma raw ang dinanas ni Rita na siya rin umanong nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob upang tuluyang magsampa ng reklamo, bagama’t alam daw niya na makakaladkad ang kaniyang reputasyon.

Kaugnay na Balita: Archie Alemania, guilty sa kasong acts of lasciviousness na isinampa ni Rita Daniela!

15. Akusasyon ni Robby Tarroza Laban kay Sen. Jinggoy Estrada

Tila pinagbantaan ng dating aktor na si Robby Tarroza si Sen. Jinggoy Estrada na ilalabas niya ang tungkol sa “double life” umano nito kapag hindi ito nag-resign bilang senador. Muling umingay ang pangalan ni Estrada dahil isa siya sa mga pinangalanan ni dating Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez na sangkot umano sa maanomalyang flood control projects. Sinabi naman ni Estrada na magsasampa umano siya ng kaso laban kay Tarroza.

Kaugnay na Balita: ‘Bakla at sinungaling ka!' Dating aktor Robby Tarroza, isisiwalat ‘double life’ ni Sen. Estrada kapag hindi nag-resign

16. Kontrobersiyal na Pagpanaw ni Emman Atienza

Nabigla ang bansa sa pagpanaw ni Emman Atienza, anak ni Kuya Kim, noong Oktubre 22. Kinumpirma ng pamilya na siya ay pumanaw sa pamamagitan ng pagkuha ng sariling buhay—isang trahedyang muling nagbukas ng diskurso tungkol sa mental health ng kabataan.

Kaugnay na Balita: 'We miss you, dearest Emmansky!' Kuya Kim, inalala si Emman sa pagdiriwang ng Pasko

17. AJ Raval, Inamin ang Dalawang Anak kay Aljur, sa iba pa

Noong Oktubre, inamin ni AJ Raval na may dalawa silang anak ni Aljur Abrenica, isang rebelasyong nagtapos sa matagal na espekulasyon. Bukod pa sa mga anak kay Aljur, mayroon pa raw siyang tatlo pang naunang anak. Nang ipaliwanag, sinabi ni AJ na may nauna na siyang dalawang anak sa dating karelasyong hindi pinangalanan. Ang panganay raw niya na pitong taong gulang na ay isang babae, na ang pangalan ay Ariana. Ang pangalawa naman ay si Aaron subalit "angel" na raw ito matapos pumanaw. Hindi naman tinukoy ni AJ kung sino ang ama ng nauna niyang mga anak. Kay Aljur naman, may tatlo na siyang anak na sina Aikina na panganay nila, sumunod ay si Junior, at ang bunso naman ay si Abraham. Matatandaang nauna nang nabuking ang tungkol dito dahil sa tatay ni AJ na si Jeric Raval, matapos "madulas" sa pagkakaroon ng apo kina AJ at Aljur. Nang matanong naman tungkol dito si Aljur, sinabi niyang hindi pa siya handang pag-usapan ang tungkol sa mga anak nila ni AJ.

Kaugnay na Balita: Dalawa sa iba, tatlo kay Aljur: AJ Raval, umaming nakalimang anak na!

18. Pagsisiwalat ni Inday Barretto Tungkol sa Hiwalayang Claudine Barretto at Raymart Santiago, Pag-react ni Marjorie Barretto

Lumikha rin ng ingay ang naging panayam sa kauna-unahang pagkakataon ni Inday Barretto kay Ogie Diaz hinggil sa naging hiwalayan ng anak nitong si Claudine Barretto sa dating mister na si Raymart Santiago. Agad namang pumalag ang kampo ni Raymart at naglabas ng opsiyal na pahayag tungkol dito. Hindi rin nagpahuli si Marjorie at dumepensa naman sa mga nabanggit na impormasyon ng ina laban naman sa kaniya.

Kaugnay na Balita: 'Untruthful, slanderous!' Raymart Santiago, bumwelta sa mga pasabog ni Inday Barretto laban sa kaniya

Kaugnay na Balita: 'The Mission: Destroy Marjorie, make the youngest child look good and clean!' banat ni Marjorie sa inang si Inday

19. Gretchen Barretto, Abswelto sa Kaso ng mga Nawawalang Sabungero

Tuluyan nang ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang reklamo laban kay Gretchen at iba pa kaugnay ng kaso sa mga nawawalang sabungero. Matatandaang isa siya sa mga itinuturo ng lumantad na whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan na kabilang sa umano’y Pitmaster Alpha Group, na siya umanong nagpapatay sa mga nawawalang sabungero na tinatapon sa lawa ng Bulkang Taal, kasabwat umano ang isa pang mastermind na kaibigang negosyanteng si Atong Ang.

Kaugnay na Balita: 'Wala sa listahan!' Gretchen Barretto, etsapuwera ng DOJ sa kaso ng mga nawawalang sabungero

20. Pagkamatay ni Gina Lim at Ex-Boyfriend

Matapos ang pagkamatay ng VMX star na si Gina Lim, kinumpirma naman ng Quezon City Police District (QCPD) na natagpuang walang buhay ang ex-boyfriend niya sa parehong bahay kung saan una nang nasawi ang aktres. Ang nabanggit na ex-boyfriend na si Ivan Cesar Ronquillo, ang siya pang nagsugod sa aktres sa ospital nang matagpuan itong wala nang buhay sa isang condominium unit sa Quezon City noong Nobyembre 16. Sa ulat ng TV Patrol noong Nobyembre 18, sinabi na ang dating nobyo ang nakapansin na tila hindi na humihinga ang aktres, dahilan upang agad niya itong dalhin sa ospital. Ngunit pagdating doon, idineklara na itong dead on arrival. Ayon sa inisyal na ulat, nakaranas ang aktres ng cardiorespiratory distress. Sinasabing winakasan ni Ronquillo ang sariling buhay dahil sa nangyari kay Lima, gayundin sa bashing na natanggap niya sa social media dahil dito. 

Kaugnay na Balita: Ex-BF ng pumanaw na VMX actress na nagdala sa kaniya sa ospital, natagpuang patay!

21. Kim Chiu, Kinasuhan ang Kapatid

Noong Disyembre, nagsampa ng qualified theft case si Kim Chiu laban sa kapatid at business manager na si Lakambini Chiu dahil umano sa nawawalang pondo ng negosyo. Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, nagsadya si Kim sa Office of the Assistant City Prosecutor sa Quezon City kasama ang mga abogadong sina Xylene Dolor at Archernar Gregana upang isumite ang sinumpaang salaysay gayundin ang mga ebidensya at iba pang dokumento kaugnay sa kaso. Ang nabanggit na kaso ay nag-ugat umano sa "financial discrepancies" sa negosyo ng aktres kung saan bahagi rin si Lakam. Kung pagbabatayan ang Revised Penal Code, tumutukoy ang qualified theft sa pagnanakaw at pagsira sa tiwala ng iba, lalo na ang pinagnakawan. Batay pa sa mga ulat, umano'y nalulong daw si Lakam sa pagsusugal.

Kaugnay na Balita: Dating iniyakan, ngayon ay kinasuhan! Anyare sa mag-utol na Kim at Lakam Chiu?

22. Pagsauli ni Zsa Zsa Padilla ng Lifetime Achievement Award sa Aliw Awards

Usap-usapan ang social media post ni Divine Diva Zsa Zsa Padilla matapos ibahagi ang kaniyang pagkadismaya sa naging takbo ng paggawad ng "Lifetime Achievement Award" ng Aliw Awards Foundation, dahil daw sa tila hindi maayos na pagbibigay-tribute sa kanilang awardee. Agad namang humingi ng dispensa sa kaniya ang pamunuan ng Aliw.

Kaugnay na Balita: Hindi nakakaaliw? Zsa Zsa Padilla nadismaya sa Aliw Awards, isasauli ang parangal

23. Screenshots ni Vinz Jimenez Laban sa Umano'y Nag-Cheat na Nililigawan

Viral sa social media ang content creator at bit player na si Vinz Jimenez dahil sa mga video na inilabas nito laban sa kaniyang nililigawan na inakusahan niya ng cheating, sa pamamagitan ng pagreregalo sa kaniya ng kopya ng screenshots ng umano'y naging usapan nito at sa kausap sa chat. Hati ang naging opinyon ng mga netizen hinggil sa isyu. May mga nagbunyi dahil unang beses daw na may lalaki namang may hawak na mga "resibo" at nagsiwalat ng cheating. Subalit marami rin ang nagsabing may pananagutan at nilabag na legal si Vinz sa kaniyang ginawa, lalo't hindi pa raw naman sila kasal. Sa kasalukuyan, burado na ang orihinal na post ni Vinz na nagdodokumento kung paano niya binuko ang umano'y panloloko ni Lean. Naglabas naman ng opisyal na pahayag ang legal counsel ni Vinz hinggil sa isyu.

Kaugnay na Balita: Boylet, sinorpresa ng 'resibo' nililigawang gerlalu na may ka-live in pala!

Kaugnay na Balita: Kampo ni Vinz Jimenez, dumepensa sa viral post; walang balak manakit, manira!

24. Pag-alis ng ABS-CBN shows sa TV5, Paglipat sa ALLTV Channel 2

Naging usap-usapan din ang pagkalas ng TV5 sa deal agreement nila ng ABS-CBN  hinggil sa pagpapalabas ng ilang mga top shows ng Kapamilya Network sa Kapatid Network sa pamamagitan ng blocktime arrangement, dahil umano sa isyu ng mga hindi nababayarang financial obligation. Dahil dito, mapapanood na ang ilang shows ng Kapamilya Network sa ALLTV, na umookupa ngayon sa Channel 2 na dati nilang assigned frequency, noong may prangkisa pa sila.

25. Inclusivity sa 51st MMFF

Nagtipon ang mga personalidad at malalaking pangalan sa industriya ng pelikula para ipagdiwang ang mga pelikulang Pinoy sa Gabi ng Parangal ng ika-51 Metro Manila Film Festival (MMFF) noong Sabado, Disyembre 27. Bukod sa mga taunang pagkilala sa mga malilikhaing obra, gumuhit ng kasaysayang ang MMFF 2025 dahil sa mga kategorya na kinabilangan at parangal na iginawad sa ilang pelikula at personalidad. Una rito ay ang Best Actor award ng Unkabogable Star na si Vice Ganda para sa outstanding performance niya sa box office hit movie na “Call Me Mother.” Nagbunyi ang aktor, hindi lamang dahil sa pagkilala, kung hindi dahil naiwagayway niya ang bandila ng LGBTQIA+ community bilang kaunaha-unahang queer personality sa kasaysayan ng pelikulang Pinoy na nag-uwi ng Best Actor award. Sumunod ay si Krystel Go bilang “Best Actress” para sa pelikulang “I’mPerfect” na very memorable para sa kaniya dahil bukod sa unang beses niyang sumabak sa pelikula, siya rin ang kauna-unahang aktres na parangalan sa nabanggit na kategorya na may down syndrome.

Kaugnay na Balita: ALAMIN: Bakit ‘historic’ ang MMFF 2025?

At siyempre, idagdag na rin sa mga pinag-usapan ang iba't ibang mga hiwalayan ng showbiz couple, mga nag-soft at hard launch ng relasyon, gayundin ang mga personalidad na namayapa sa taong ito. 

Kaugnay na Balita: BALITAnaw: Mga mag-jowang may pa-’hard launch’ ng relasyon ngayong 2025

Kaugnay na Balita: BALITAnaw: ‘Siblings’ warlahan!’ Mga magkakapatid na nag-away ngayong 2025

Kaugnay na Balita: BALITAnaw: ‘Top 10’ OPM artists na sumikat sa taon ng 2025

Kaugnay na Balita: #BALITAnaw: Celebrities, political personalities na pumanaw ngayong 2025

Kaugnay na Balita: #BALITAnaw: Hiwalayan ng mga celebrity couple na nagpayanig sa 2025