Isa sa malalagim na pangyayaring bumalot sa mga mamamayan at commuters sa Metro Manila ay ang "Rizal Day Bombings” na nagdulot ng pagkasugat ng higit 100 katao at tinatayang 22 pagkamatay.
Noong Disyembre 30, 2000, nagtanim ng bomba sa limang magkakaibang lugar sa Metro Manila ang ang mga teroristang grupo, kabilang ang Abu Sayaff at Jemaah Islamiyah (JI).
Ang mga lugar na ito ay sa Plaza Ferguson, Malate, Manila City; isang gas station sa Makati City; isang bus sa Cubao, Quezon City; sa isang cargo handling station sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Pasay City; at sa LRT-1 (Light Rail Transit) Blumentritt Station.
Base sa mga ulat, ang pinakamalalang pagsabog ay ang nasa Blumentritt Station kung saan, bukod sa mga duguang katawan, mga lasog-lasog na regalo at parte ng Light Rail Vehicle (LRV) 1037 ang tumilapon sa estasyon.
Tinataya ring 11 na katao ang nasawi sa pagsabog na ito at 19 ang sugatan.
Bukod pa rito, dalawang pulis mula sa Makati Police Explosive and Ordnance Division ang nasawi habang dini-diffuse ang bomba.
Kaya kinagabihan ng araw na ito, naiulat na maagang nawalan ng mga residente sa daan at malls, bunsod ng takot at panic na dala ng mga naging pagsabog.
Ayon sa mga ulat ng media, ang mga pag-atake ay tugon ng mga grupong sangkot, sa all-out war na noo’y nagaganap sa administrasyong Joseph Estrada laban sa ilang Islamic Groups sa Mindanao.
MAKI-BALITA: Pagbabalik tanaw - Rizal Day bombing 2000
Sean Antonio/BALITA