Hanggang January lang motivated? Paano naman sa mga susunod na buwan?
Madalas, mabenta ang journals at planners tuwing bagong taon dahil ganado ang marami sa kanilang “new year, new me” goals.
Para sa ilan, palong-palo sa pagpunta sa gym, pilates o yoga studios, o kaya’y puno pa ng mga gulay at prutas ang ref dahil sa kanilang “balik alindog” resolution sa bago taon.
Gayunpaman, kumukupas ang excitement pagdating ng Pebrero, sa iba’y sa dulo pa lang ng Enero, sinasabi na ang mga katagang “bawi na lang ulit next year.”
Kaya narito ang tips para sa matotoo na ang “new year, new me” at mapanindigan ang new year’s resolution nang buong taon.
1. Dream big, start small
Ayon sa Harvard Health Publishing, mahalagang maging malinaw kung ano ang end goal sa paglalatag ng new year’s resolution, mapa-weight loss man ito o paglalabas ng libro, nakatutulong ito para ma-boost ang motivation.
Gayunpaman, mahalaga rin na maging realistic at isa-isahin ang mga gawain para maisakatuparan ang end goal.
Ayon sa Psychology Today, mainam na i-break down ang mga gawain at maging partikular dito.
Halimbawa, kung ang layon ay maging consistent sa pagwo-work out, maaaring magsimula sa 20-minute walk araw-araw, o magpunta sa gym kada linggo, hanggang sa makasananyan ng katawan at maging routine ito.
2. Maging committed sa pagtutuloy nito
Ayon sa Harvard Health Publishing, epektibo rin na mangako sa sarili o sa mga taong lubos na pinagkakatiwalaan para maisakatuparan ang goal, para mas makapagpursige kahit sa mahihirap na araw, o kung nais nang sumuko at mag-quit dito.
Sa tip na ito, malaking tulong ang social media, na magsisilbing tracker o digital diary, at makaani ng extra moral support sa friends at followers online.
3. Matuto sa mga naging pagkakamali
Habang maganda ang puso sa likod ng goal, mayroon pa ring mga araw na hindi ito magiging madali, at magkakaroon pa rin ng mga pagkakamali.
Ayon sa Verywell Mind, mainam na matuto mula sa mga naging pagkakamali sa pagsasakatuparan ng layunin planuhin ang mga estratehiya at tignan kung ano pa ang mga dapat baguhin para mas maging epektibo at madali ito para sa sarili.
4. Gumamit ng visual reminders
Ika nga ng marami, “out of sight, out of mind.”
Kaya ayon sa Psychology Today, malaking tulong ang pagsusulat at pagpaskil ng goal at mga gawain sa lugar na madaling makita para magsilbing paalala.
Bukod sa reminders, epektibo rin daw ang motivational quotes para ma-boost ang motivation sa pagpapatuloy.
5. Magkaroon ng support system
Ang pagsasakatuparan ng new year’s resolution ay hindi kinakailangan tahakin mag-isa dahil kadalasan, mas masaya at fulfilling ito kung may mga malalapit na kaibigan o kaanak na kasama rito.
Habang hindi palaging susi ang pagiging motivated at ganado sa pagsasakatuparan ng new year’s resolution, ang pagpupursige sa mga araw na ito ay mahalaga hindi lamang para sa goals, kung hindi sa pagpapatibay na rin ng kalooban sa kasagsagan nito.
Sean Antonio/BALITA