Pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol sa isang lalaki sa ginawa umano nitong sikolohikal na pang-aabuso laban sa dating kasintahan sa pamamagitan ng mapanirang social media post.
Sa press release na inilabas ng Korte Suprema kamakailan, umiinog ang kaso sa lalaking si “XXX” at sa dati nitong kasintahang si “AAA.”
Tatlong taong magkarelasyon sina “XXX” at “AAA” nang mabuntis niya ang huli. Inalok niya ito ng kasal ngunit tumanggi dahil sa kanilang problema.
Kaya pinalaki na lang ni “AAA” nang mag-isa ang anak nila kasama ang kaniyang mga magulang.
Sa isang pagbisita ni “XXX” sa anak nila, sinunggaban niya si “AAA.” Dahil sa takot, binlock ni “AAA” sa lahat ng social media acccounts si “XXX.”
Makalipas ang ilang taon, nakatanggap ang mga kapatid ni “AAA” ng pribadong mensahe mula sa social media account na alam nilang pagmamay-ari ni “XXX.” Pinagbintangan nito na si “AAA” umano ang sanhi ng atake sa puso ng ina nito.
Nang sumunod namang araw, nalaman ni “AAA” mula sa isang kaibigan na ang parehong account umano ay naglabas ng post sa wikang Kapampangan laban sa kaniya. Tinawag siya nitong maruming babae at isang hayop. Binanataan pa siya nitong ikakahon siya kapag nakita nito.
Dahil sa takot, nagsampa ng kaso si “AAA” laban kay “XXX” dahil sa paglabag nito sa Republic Act No. 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children (Anti-VAWC) Act.
Matapos ito, nag-isyu ng protection order na pabor kay “AAA” habang nakabinbin ang pagresolba ng kaso.
Batay sa isinulat na desisyon ni Associate Justice Ramon Paul L. Hernando, hinatulan si “XXX” ng walong taong pagkakakulong at pinagmumulta din ng ₱1000,000.
Ipinag-utos din ng Korte na sumailalim si “XXX” sa psychological counseling o psyciatrict treatment.