Mariing binatikos ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang natatanggap na pangungutya laban sa yumaong Antipolo City 2nd Rep. na si Romeo Acop, na aniya’y isang malinaw na kawalan ng paggalang sa alaala ng sumakabilang-buhay.
Nagkaroon ng pag-alala at pagpupugay ang Kamara para kay Acop, araw ng Lunes, Disyembre 27, kung saan isa si Barbers sa mga nagbigay ng tribute para sa kaniya. Dinaluhan ito ng ilan pang naging lider ng House Quad Committee noong 19th Congress kabilang sina Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr., dating Abang-Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano, at dating Laguna Rep. Dan Fernandez.
Bukod sa pag-alala sa legasiya at mga kontribusyon ni Acop sa House of Representatives, binanatan din niya ang mga kritiko ng yumaong mambabatas, kung saan sinabi niyang hindi raw maaabot ng mga ito ang lawak ng serbisyo at mga nagawa ni Acop sa larangan ng pampublikong tungkulin.
"As to his bashers: I say, good luck to you. You will get nowhere near the larger than life brand of public service and accomplishments of Cong. Romy Acop. With your gutter language, you have doomed yourselves,” aniya.
Ayon pa kay Barbers, hindi makatarungang ituring ang kamatayan ng isang tao bilang parusa sa mga umano’y kasalanan nito.
Aniya, ang kamatayan ay likas na bahagi ng buhay na dumarating sa lahat, maging makasalanan o banal, at hindi dapat gamitin upang manghusga.
Binigyang-diin din niya na sa pananampalatayang Kristiyano, na tanging si Hesus lamang ang nagtagumpay laban sa kamatayan.
“Allow me to take this opportunity to defend my friend against those who see his death as punishment for his alleged sins. My friends, as we all know, it is the will of our creator that we shall all die regardless whether we are sinners or saints. Only Jesus conquered death, for he is God,” aniya.
Matatandaang si Acop ay naging isa sa mga pangunahing personalidad sa House Quad Committee noong 19th Congress, Kongreso, na nagsiyasat sa kampanya kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa mga alegasyon ng ilegal na aktibidad na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Para kay Barbers, ang patuloy na pag-atake sa isang patay ay repleksyon ng tunay na asal ng mga gumagawa nito.
“Nasa ating kultura na hindi dapat natin inaalipusta o niyuyurakan ang alaala ng isang yumao kahit ano pa siya sa paningin natin. Ang gano'ng katangian ay pagpapakita ng isang magandang pag-uugali ng isang respektableng Pilipino,” pagdidiin pa niya.
“Kabilin-bilinan nga ng ating mga matatanda, na kung wala ka rin lang magandang sasabihin, mas mabuti pang huwag ka na lang magsalita. Lalo na siguro kung ang mga sinasabi ninyo ay puro haka-haka lamang at walang matibay na basehan."
"Napapahiya po ang ating mga magulang na para bang hindi tayo napalaki ng maayos at tama."
“Sa lahat po ng sumisira sa alaala ni Cong. Romy, isa lang po ang masasabi ko: Hindi po tama ang inyong ginagawa: Hindi po maka-Pilipino ang inyong ginagawa. In judging Cong. Acop, you have allowed yourselves to be judged. You speak even as if you are holy.”
“Death is the great leveler; it is the last step toward our ultimate destination, either eternal happiness in heaven in the company of our Lord, or be declared in contempt to suffer eternal damnation in hell in the company of him who was damned,” aniya pa.
Samantala, nagbigay rin ng mensahe sa mga nangungutya sa pagkamatay ng ama ang panganay na anak ni Acop na si Dr. Philip Acop.
Saad niya, "To those who continue to ridicule our father, even in his death, we thank you—for galvanizing within us a resolve to continue what both our parents embodied: a no-nonsense love for our country and our people."
"Amidst your laughter in the face of a family losing a loved one, we will simply choose to serve our fellow Antipoleños, for that is the life we were nurtured to embody, that is how we were raised," aniya pa.
Kaugnay na Balita: Napikon ba? Anak ni Romeo Acop, may sagot sa mga nangutya sa pagkamatay ng ama