January 04, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Hallu, Hallu sa kulungan!' Anne Jakrajutatip himas-rehas nang 2 taon, anyare?

'Hallu, Hallu sa kulungan!' Anne Jakrajutatip himas-rehas nang 2 taon, anyare?
Photo courtesy: Anne Jakrajutatip/IG

Hinatulan ng korte sa Thailand si Anne Jakrajutatip, dating chief executive ng Miss Universe Organization, kaugnay ng fraud case laban sa kaniya, na may kinalaman sa isang corporate bond investment na nagkakahalaga ng 30 milyong baht o humigit-kumulang ₱56.7 milyon.

Dahil dito, maaari siyang makulong ng hanggang dalawang taon.

Batay sa ulat ng Bangkok Post, naglabas ng hatol ang Bangkok South Kwaeng Court kahit wala si Jakrajutatip sa pagdinig. Hindi siya sumipot sa itinakdang hearing at hanggang ngayon ay hindi pa rin natutunton ng mga awtoridad.

Nag-ugat ang kaso matapos magsampa ng reklamo si Raweewat Maschamadol, founder ng Masterpiece Clinic, laban kay Jakrajutatip at sa kaniyang kompanya, ang JKN Global Group.

Tsika at Intriga

Walang pa-anything, kukubra na lang? VIVA Films, binakbakan dahil kay Vice Ganda

Ayon sa reklamo, umano’y hinikayat siyang bumili ng corporate bonds noong 2023 kahit batid umano ng kampo ni Jakrajutatip na wala silang kakayahang bayaran ito sa takdang panahon. Sa bandang huli, tuluyan umanong nawala ang 30 milyong baht na ipinuhunan ng negosyante.

Matapos makita ng South Bangkok Criminal Court na may sapat na ebidensiya, itinakda ang paglabas ng hatol noong Nobyembre 25.

Ngunit dahil sa muling pagliban ni Jakrajutatip, agad na pinawalang-bisa ang kanyang piyansa, inatasan ang guarantor na magbayad ng multa sa loob ng 15 araw, at naglabas ng arrest warrant.

Ang pinal na desisyon ay itinakdang ihayag noong Disyembre 26 at binasa kahit wala ang akusada sa korte.

Bagama’t may kinatawan ang JKN Global Group na dumalo, hindi personal na humarap si Jakrajutatip. Ayon naman sa South China Morning Post, posibleng tumakas umano siya patungong Mexico upang iwasan ang mga problemang legal.

Matatandaang mula pa noong 2023 ay nalugmok na sa suliraning pinansyal ang kampo ni Jakrajutatip. Iniulat noon na umabot sa 443 milyong baht ang utang ng kanyang kumpanya sa ilalim ng JKN239A loans.

Bagama’t iginiit niyang nagkaroon lamang ng adjustment sa petsa ng bayaran, nagsampa rin siya kalaunan ng bankruptcy dahil sa kakulangan sa liquidity at nabigong magbayad ng bonds na tinatayang nagkakahalaga ng $12 milyon.

Mayroon din umanong reklamo mula sa Securities and Exchange Commission na nagsasabing hindi umano maayos at tumpak na naitala ang financial records ng kompanya.