January 11, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: ‘Top 10’ OPM artists na sumikat sa taon ng 2025

BALITAnaw: ‘Top 10’ OPM artists na sumikat sa taon ng 2025

Mula sa pag-usbong ng mga bagong pangalan at kanta, sold out world tours, hanggang sa pagdomina sa international music charts, ang taon ng 2025 ay nagsilbing “banner year” para sa OPM. 

Bukod pa rito, tila naging theme song ito ng hugot ng maraming Pinoy–mapa-love life man ito, character development, o panandaliang pagtakas mula sa dami ng mga nagaganap sa araw-araw, may mga OPM artists na naging parte ng istorya ng bawat Pinoy. 

Dahil dito, narito ang ‘Top 10’ artists na namayagpag nitong 2025, ayon sa Billboard Philippines: 

1. Cup of Joe

BALITAnaw

#BALITAnaw: Ang ‘mothering’ na papel ni Tandang Sora sa rebolusyong Pinoy

Ang Filipino pop band na ito ay binubuo ng limang miyembro na tubong Baguio noong 2018.

Nagsimula sila bilang magkakaibigan noong senior high school sila mula sa Saint Louis University Laboratory High School, kung saan, nabuo ang grupo nila mula sa kanilang school event. 

Ang kanta nilang “Multo” ang kinilala bilang Song of the Year na mula sa Album of the Year nilang “SILAKBO.”

2. Dionela 

Si Timothy Dionela ay mula sa Bulacan, na nakilala dahil sa kaniyang R&B music at makabagbag damdaming mga liriko. 

Unang nakilala si Dionela noong 2024 sa kaniyang single na “Sining,” na mayroong kolaborasyon ng OPM R&B icon na si Jay R. 

Dahil sa makata nitong liriko na tungkol sa pagbisita niya sa Pambansang Museo kasama ang nobya, agad itong umakyat sa Billboard Philippines Hot 100. 

Isa pa sa mga kanta niyang pinakanakilala ng mga Pinoy ay ang “Marilag.”

3. Arthur Nery

Isa pang rising R&B artist, si Nery ay mula sa Cagayan de Oro, kung saan, ang mga magulang niya ang mga mang-aawit din. 

Ang kauna-unahang public performance ni Nery ay ang rendition niya ng kantang “Fly Me to the Moon” sa debut party ng pinsan niya. 

Taong 2019, inilabas niya ang kaniyang debut album na “Letter Never Sent.” 

Taong 2021, lubos siyang nakilala sa hit single niyang “Pagsamo.”

Mula nito, isa pa sa mga nakilala niyang kanta ay ang “Palaisipian (ft. Loonie)” na nakapasok sa Billboard Philippines Hot 100. 

4. Shanti Dope

Si Sean Patrick Ramos, o mas kilala bilang Shanti Dope, ay isang rapper, songwriter, at vocalist, na nagsimula magsulat ng sarili niyang mga kanta sa edad na 12 gulang.

Simula nito, nakilala siya sa publiko dahil sa mga nakaka-LSS (last song syndrome) niyang mga liriko at catchy na melodiya. 

Ang debut single niyang “Nadarang” noong 2017 ay nakapagtala ng milyong streams, na nasundan pa ng mga kantang “Amatz” “Pati Pato” at “Normalan.” 

5. December Avenue

Ang December Avenue ay 5-member indie pop/alternative rock band na unang nagkakilala bilang magkakaibigan mula sa University of Santo Tomas Conservatory of Music noong 2008. 

Taong 2016, inilabas nila ang kanilang unang self-produced major concert na sinundan nila ng self-produced major concert. 

Dahil sa naging pag-usbong ng mga kanta nila sa social media, taong 2019, lumabas sila sa higit 200 tours, kabilang dito ang mga bansang Canada at US. 

Simula nito, nakapasok sila sa Spotify’s Most Streamed Artist list sa Pilipinas, kasama ang ilan pang foreign artists tulad nina Taylor Swift at Ed Sheeran. 

6. TJ Monterde

Si TJ Monterde ay ang award-winning singer-songwriter na nagmula sa Cagayan de Oro. 

Simula sa kaniyang debut noong 2013, si Monterde ay nakapaglabas na ng apat na album at singles, na naging viral hit dahil sa relatable niyang mga kanta dahil hango ito sa mga personal niyang karanasan. 

Ilan sa viral hit songs niya ay ang “Tulad Mo,” “Dating Tayo,” “Mahika,” “Ikaw at Ako,” at “Palagi.” 

7. Ben&Ben

Unang nakilala bilang “The Benjamins,” ang Ben&Ben ay isang 9-member band na lumabas noong 2016. 

Nakilala sila sa isinulat nilang single na “Tinatangi,” kung saan nanalo sila bilang runner-up at best music video sa PhilPop Music Festival sa kaparehas na taon. 

Mula 2018, naging viral hits ang mga kanta nila tulad ng “Susi” para sa historical film na “Goyo: Ang Batang Heneral,” at ang “Maybe the Night” para sa pelikulang “Exes Baggage.” 

Sa kasalukuyan, isa ang Ben&Ben sa mga bandang humuhubog sa bagong henerasyon ng OPM dahil sa kanilang sariling rendisyon ng Filipino folk-pop music, na tinatalakay ang kuwento ng pag-ibig at mga problema sa lipunan. 

8. Earl Agustin

Tubong Ozamiz, Misamis Oriental, nadiskubre ni Agustin ang pagmamahal sa musika sa edad na 14, kung saan, naging parte siya ng acapella group ng Ozamiz City National High School at La Salle University - Ozamiz. 

Simula nito, kinilala si Earl bilang isa sa rising stars sa OPM, na nakilala sa viral hits niyang “Tibok,” at “Pag-ibig ng Ikaw at Ako.”

9. HELLMERRY

Si HELLMERRY ay nakilala bilang isa sa mga OPM artists na humuhubog sa Hip-hop genre Philippine music charts. 

Taong 2021, si HELLMERRY ay naging viral sensation sa TikTok sa kaniyang “DAB (Leaked Interlude). 

Simula nito, nakilala ang ilan pang naging hit songs niya tulad ng “My Day” at “4:AM.” 

10. Maki 

Si Ralph William Datoon, na nakilala sa industriya bilang Maki, ay unang nakilala sa viral song niyang “Saan?” at “Bakit” mula sa debut EP niyang “EP Tanong” na lumabas noong 2023. 

Taong 2024, naging viral ang kanta niyang “Dilaw” kung saan nakapasok ito sa Spotify Global Chart. 

Bukod pa rito, ang kanta niyang “Dilaw” ay nag-number one sa Billboard Philippines Hot 100. 

Sa kaugnay na ulat, narito naman ang lumabas na “Top 5 Local Artists of 2025” sa Spotify Wrapped Philippines kamakailan: 

- Cup of Joe

- December Avenue

- Arthur Nery

- Dionela

- TJ Monterde

MAKI-BALITA:  Cup of Joe, nanguna bilang ‘Top Local Artist’ at ‘Top Local Group’ sa Spotify Wrapped 2025

Sean Antonio/BALITA