Kapag sinabing nawala o nawasak ng kalamidad, maaari ring hindi ito tumungkol sa mga materyal na bagay na pagmamay-ari ng isang tao—minsa’y maaari rin nitong tukuyin ang puso at damdamin ng isang indibidwal.
Dahil matatapos na ang taong 2025, ano nga ba ang mga nagdaang bagyo, lindol, o ano pa mang mga unos na siyang nangwasak, hindi lang sa mga materyal na pagmamay-ari ng isang tao, kundi pati na rin sa puso at damdamin ng marami?
MGA NAGDAANG BAGYO
Totoong tila naging normal na sa mga Pinoy ang makaranas ng 15 o higit pang bilang ng mga bagyo sa loob ng isang taon at ayon sa tala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), aabot sa 23 ang dumaan na sa bansa ngayong taon.
Dahil dito, aabot sa mahigit 20 milyong bilang ng mga Pilipino sa buong bansa ang naapektuhan ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC)
SUPER TYPHOON NANDO (RAGASA)
Photo courtesy: MB FILE PHOTO
Ang Super Typhoon Nando (Ragasa) ay tumama sa bansa noong Setyembre 22, 2025 sa Panuitan Island sa Cagayan kung saan umabot ang lakas nito sa Signal No. 5 at maituturing bilang pinakamalakas na wind signal na naitaas ngayong 2025.
Nagdulot ito ng maraming pagbaha, landslide, at pagkawasak ng maraming tanim ng mga magsasaka sa mga probinsya sa may hilagang parte ng Pilipinas.
Ayon sa tala ng Office of the Civil Defense (OCD) noong Setyembre 25, 2025, aabot sa 11 mga indibidwal ang nasawi at mahigit 500,000 na mga Pilipino ang naapektuhan ng naturang kalamidad.
SUPER TYPHOON UWAN (FUNG-WONG)
Photo courtesy: MB FILE PHOTO
Mula "super typhoon" humina bilang "typhoon" ang bagyong Uwan (Fung-Wong) ayon sa weather update ng PAGASA noong Nobyembre 10, 2025 kung saan nag-landfall ito sa Nobyembre 9, 2025 sa Dinalungan, Aurora.
Dahil sa lakas na dala ng bagyong Uwan, nakapagtala ito ng dalawang casualties mula sa Catanduanes at Samar, ayon sa tala ng OCD.
Isa sa mga naitalang nasawi ay mula sa Viga, Catanduanes, dahil sa pagkalunod, habang ang isa naman ay natabunan ng mga bumagsak na istraktura mula sa Catbalogan City, Samar. Mayroon ring naitalang dalawang sugatan, mula sa Bato, Catanduanes, at Calinog, Iloilo.
Dagdag pa dito, aabot naman sa 230,955 pamilya o 836,572 mga indibidwal ang naapektuhan ng bagyong Uwan sa 2,710 barangay mula sa mga rehiyon ayon sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
BAGYONG TINO (KALMAEGI)
Photo courtesy: MB FILE PHOTO
Matatandaang naunang pumasok sa bansa ang Bagyong Tino sa Super Typhoon Uwan noong Nobyembre 2, 2025, kung saan ay naminsala ito sa Visayas, Palawan, timog na bahagi ng Luzon, at hilagang bahagi ng Mindanao.
Ayon sa tala ng OCD, maituturing ang bagyong Tino (Kalmaegi) bilang pinakamapaminsalang bagyong rumagasa sa bansa. Umabot sa 269 ang bilang ng mga indibidwal na nasawi, 523 ang nasugatan at 113 naman ang nawawala.
Bagama’t hindi naitaas bilang super typhoon ang bagyong Tino, hindi maitatangging higit na naging mapaminsala ito sa dalawang super typhoon Nando at Uwan kung saan ay aabot sa 5,458,858 mga indibidwal ang naapektuhan ng naturang bagyo dahil sa dala nitong lakas ng ulan at hangin na nagdulot sa matinding pagbaha.
BAGYONG OPONG (BUALOI)
Photo courtesy: MB FILE PHOTO
Matatandaang pumasok ang bagyong Opong sa Philippine Area of Responsibility bilang Tropical Depression (TD) noong Setyembre 23, 2025.
Dahil sa magkakasunod na pananalasa nito at ng Tropical Depression Mirasol, Super Typhoon Nando, at habagat, aabot sa 26 na pinagsama-samang kabuuang bilang ng mga indibidwal ang nasawi sa naturang mga kalamidad.
Ayon sa tala ng NDRRMC noong Setyembre 28, 2025, siyam na mga indibidwal ang nasawi sa Bicol, walo ang nasawi sa Cagayan Valley, apat sa Cordillera Administrative Region, apat sa Central Luzon at Central Visayas, habang isa naman ang nasawi sa Eastern Visayas.
Dagdag pa, aabot umano sa 33 na mga indibidwal ang nasaktan at 14 sa naturang bagyo at 14 ang nawala.
BAGYONG PAOLO (MATMO)
Matatandaang nag-landfall ang bagyong Paolo (Matmo) sa bansa noong Oktubre 3, 2025 sa Isabela at Aurora na mula "typhoon" category, humina ito bilang severe tropical storm, ayon sa tala ng PAGASA.
Mula naman sa tala ng NDRRMC noong Oktubre 7, 2025, aabot sa 95,163 na kabuuang bilang ng mga pamilya ang naapektuhan ng bagyong Paolo at papalo sa 315,281 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal ang nakaranas nito.
Dagdag pa nila, nakasira ang bagyong Paolo ng aabot sa 57 na mga bahay at aabot sa ₱804,360 ang halaga napinsala nito.
BAGYONG RAMIL (FENGSHEN)
Photo courtesy: MB FILE PHOTO
Nagsimulang pumasok ang bagyong Ramil sa bansa bilang Low Pressure Area (LPA) noong Oktubre 17, 2025 at nabuo ito blang Tropical Depression, ayon sa tala ng NDRRMC.
Aabot sa pitong (7) bilang ng mga indibidwal ang nasawi habang 133,000 na mga Pilipino naman sa mga rehiyon ng Luzon at Visayas ang naapektuhan ng bagyong Ramil, ayon sa tala ng NDRRMC noong Oktubre 20, 2025.
Humigit-kumulang 56,000 bilang ng mga pamilya o 173,000 na mga indibidwal umano mula sa Cagayan Valley, Central Luzon, Western Visayas, at Eastern Visayas ang nakaranas ng malakas pag-ulan at hangin dala ng bagyong Ramil.
Isa sa pinakamalungkot na kaso ng naapektuhan ng bagyong Ramil ay ang limang indibidwal mula sa isang pamilya ang nasawi sa Pitogo, Quezon kung saan nadaganan sila sa pagbagsak ng puno ng Buli.
Samantala, bukod sa mga nabanggit na bagyo, narito ang iba pang pumasok sa bansa nitong 2025:
HUNYO
Bagyong Auring
HULYO
Bagyong Bising (Danas)
AGOSTO
Bagyong Fabian
Bagyong Gorio (Podul)
Bagyong Huaning (Lingling)
Bagyong Isang (Kajiki)
Bagyong Jacinto (Nongfa)
SETYEMBRE
Bagyong Kiko (Peipah)
Bagyong Lannie (Tapah)
OKTUBRE
Bagyong Quedan (Nakri)
Bagyong Salome
NOBYREMBE
Bagyong Verbena (Koto)
DISYEMBRE
Bagyong Wilma
LINDOL
Bukod sa mga bagyo, nakaranas din ng malalakas na paglindol ang maraming Pilipino ngayong taon kung saan ay hindi maitatangging isa ang mga pangyayaring ito na nagdulot ng labis kabiguan sa marami.
MAGNITUDE 6.9 SA BOGO CITY, CEBU
Photo courtesy: MB FILE PHOTO, PCO (FB)
Matatandaang tumama ang magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City sa probinsya ng Cebu noong Setyembre 30, 2025 at ayon sa tala ng NDRRMC noong Oktubre 17, 2025, umabot sa 79 na bilang ng mga indibidwal ang nasawi at 559 ang bilang ng mga nasaktan sa naturang paglindol.
Aabot sa mahigit 216,947 na mga indibidwal ang bilang ng mga naapektuhan ng naturang lindol sa Central Visayas sa Region 7 at aabot sa 7,295 naman ang bilang ng mga nasirang tahanan ng mga biktima nito.
Dahil dito, aabot sa ₱6.7 milyon ang halaga nasira sa pagyanig ng lindol sa Visayas.
Matapos nito, aabot din sa 11,835 ang kabuuang bilang ng mga naging aftershock sa Bogo City matapos ang naging lindol doon noong Setyembre 30, ayon sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) noong Oktubre 13, 2025.
Isa sa mga tinitingnang sanhi sa naganap na trahedya ng magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City ay ang offshore fault na hindi umano gumalaw sa loob ng 400 na taon.
Ayon ito sa ibinahaging pahayag ni Winchelle Sevilla, hepe ng PHIVOLCS, Seismology Division
Pagpapaliwanag ni Winchelle Sevilla, hepe ng PHIVOLCS, Seismology Division, isang napakalakas na lindol umano ang magnitude 6.9 na nangyari sa Cebu ayon sa naobserbahan ng kanilang ahensya.
Posible umanong naging sanhi ng ganoong kalakas na lindol na nangyari sa Cebu ang isang fault sa nasabing lugar na hindi gumalaw sa loob ng 400 taon.
MAGNITUDE 7.4 AT 6.8 SA MANAY, DAVAO ORIENTAL
Photo courtesy: MB FILE PHOTO, PCO (FB)
Matapos ang naging paglindol sa Bogo City, Cebu noong Setyembre 30, 2025, nasundan agad ito ng mas malakas na magnitude 7.4 na lindol sa may Davao Oriental noong Oktubre 10, 2025.
Base sa impormasyon ng PHIVOLCS nang maganap naturang pagyanig, nangyari ang lindol sa karagatan ng Manay, Davao Oriental.
Samantala, base sa Earthquake information no. 2 ilang oras lang ang nakalipas noond ding Oktubre 10, ibinaba ng PHIVOLCS sa magnitude 7.4 ang nangyaring lindol sa Manay, Davao Oriental.
Ayon sa nasabing ahensya, ang naturang lindol ay may lalim na 23 kilometro at tectonic ang pinagmulan.
Dahil dito, aabot umano sa siyam na katao ang bilang ng mga namatay sa naturang paglindol sa Davao Oriental, ayon sa ulat ng OCD noong Oktubre 14, 2025.
Ayon naman sa situational report ng NDRRMC, 200,914 na pamilya o 845,001 na indibidwal na sa rehiyon ng Davao at Caraga ang naapektuhan ng “doublet” earthquakes.
12,700 namang indibidwal ang naitalang kasalukuyang naninirahan sa walong evacuation centers, habang mahigit-kumulang 200 katao ang nananatili sa mga kalsada o nakikitira sa kanilang mga kaanak dahil sa pangamba sa mga aftershock.
2,575 namang mga bahay ang nasira, ayon sa tala ng OCD, at mahigit ₱1.258 milyon ang inaasahang halaga ng mga danyos sa mga rehiyon.
MGA PUMUTOK NA BULKAN
Bukod sa mga bagyo at lindol na naranasan ng mga Pilipino sa bansa, nariyan din ang mga pagsabog ng mga bulkan.
Partikular noong Abril 8, 2025 kung saan maituturing na isa sa pinakamalakas na pag-alburuto ng bulkang Kanlaon na aabot sa 4km ang taas ng ibinugang abo nito at ang pagiging aktibo nito muli noong buwan ng Mayo 2025.
Matapos nito, nag-alburuto rin ang bulkang Taal sa probinsya ng Batangas noong Oktubre 25, 2025 at ayon sa tala ng PHIVOLCS, aabot mula sa 1,200 metro hanggang 2,100 ang mga abong ibinuga ng nasabing bulkan sa loob ng dalawa hanggang apat na minutong pagsabog.
At iba pang mga kalamidad na napabalita o hindi napabalita upang ipaabot sa kabatiran ng marami sa bansa.
Sa kabila ng lahat ng pinagdaanang ito ng mga Pilipino, hindi maiiwasang isantabi ang pag-iisip na hindi pa iyon ang huling beses. Maaaring may mga dumating pa muling mga bagyo, maganap na paglindol, at iba pang kalamidad na laging hindi inaasahan ng sinoman.
Hindi lang ang mga materyal na pagmamay-ari ng bawat indibidwal ang nawawasak sa mga ganitong nasabing kalamidad, may mas higit pang dapat na pangalagaan upang mas maging matatag sa mga unos ng buhay at panahon—ang damdamin at puso.
Mc Vincent Mirabuna/Balita