Madalas sa hindi, tinitingnan ang kamatayan bilang negatibong bahagi ng pag-iral. Pero sa kabilang banda, ito rin ang nagbibigay ng kahulugan sa buhay.
Kaya bago matapos ang 2025, sariwain muna ang mga naging makabuluhang buhay ng mga sikat na personalidad bago sila tuluyang namaalam sa mundong ibabaw.
1. GLORIA ROMERO
Nagsisimula pa lang gumulong ang 2026, malungkot na balita agad ang nagpayanig sa mundo ng Philippine showbiz.
Ito ay matapos pumutok ang balitang pumanaw na umano ang batikang aktres at tinaguriang “Queen of Philippine Cinema” na si Gloria Romero sa edad na 91.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News noong Enero 25, kinumpirma raw ng mismong anak ni Gloria na si Maritess Gutierrez ang tungkol sa nasabing balita.
Matatandaang ilan sa mga tumatak na pelikulang pinagbidahan ni Gloria ay ang “Magnifico,” “Tanging Yaman,” “Rainbow Sunset,” “Kapag Langit ang Humatol,” at marami pang iba.
Maki-Balita: BALITAnaw: Mga pinagbidahang karakter ni Gloria Romero na tumatak sa masa
2. EDCEL LAGMAN
Dalawang araw bago matapos ang buwan ng Enero, namaalam ang pangulo ng Liberal Party (LP) at Albay First District Rep. na si Edcel Lagman.
Inanunsyo ng anak ni Lagman na si Tabaco City Mayor Krisel Lagman ang pagpanaw ng kongresista sa edad na 82 dahil sa cardiac arrest.
Samantala, kinilala naman ng LP sa isang pahayag ang kontribusyon ni Lagman bilang abogado at kongresista. Mula sa pagsusulong ng karapatang pantao ng mga marhinalisadong sektor hanggang sa pagpapakita ng tapat at mahusay na pamamahala.
Maki-Balita: Albay 1st district Rep. Edcel Lagman, pumanaw na
3. BARBIE HSU
Sa pagpasok ng Pebrero, ikinalungkot at ikinabigla ng “Meteor Garden” fans ang pagpanaw ng isa sa mga lead star ng hit Asian series na si Barbie Hsu.
Ayon sa mga lumabas na ulat, sumakabilang-buhay si Barbie noong Pebrero 2 dahil sav komplikasyog dulot ng influenza.
Kinumpirma mismo ito ng kaniyang nakababatang kapatid na si Dee Hsu, Taiwanese host, sa pamamagitan ng isang opisyal na pahayag na ipinadala sa mga miyembro ng media sa Taiwan.
Matatandaang si Barbie ang gumanap sa karakter ni “San Cai” sa “Meteor Garden” noong 2008.
Maki-Balita: Barbie Hsu ng 'Meteor Garden' pumanaw na
4. VAL KILMER
Pumanaw sa edad na 65 ang Hollywood actor na si Val Kilmer noong Abril 1 sa Los Angeles, California, US.
Ayon sa ulat ng international media outlets, kinumpirma mismo ng anak ni Val na si Mercedes Kilmer ang pagkamatay ng kaniyang ama, dahil sa sakit na pneumonia.
Dagdag pa ni Mercedes, na-diagnose daw si Val ng throat cancer noong 2014 ngunit gumaling din naman kalaunan.
Matatandaang naging tanyag si Val sa mga karakter na ginampanan niya sa mga pelikula tulad ng “Batman Forever,” “The Doors,” at “Tombstone.”
Bago tuluyang namaalam, bumalik pa si Val bilang Iceman sa “Top Gun: Maverick” noong 2022.
Maki-Balita: Hollywood actor Val Kilmer, pumanaw na
5. PILITA CORALES
Kinumpirma ng aktres na si Janine Gutierrez ang pagpanaw ng lola niyang si Asia’s Queen of Songs Pilita Corales noong Abril 12.
Pumanaw si Pilita sa edad na 85. Walang espesipikong detalye tungkol sa sanhi ng kamatayan ng batikang singer-actress. Ngunit ayon sa anak nitong si Jackie Lou Blanco, namatay nang payapa ang nanay niya habang natutulog.
Nagsimula ang karera ni Pilita sa industriya nang madiskbre siya sa Australia kung saan bumida ang kaniyang recording na "Come Closer to Me."
Sa kaniyang pagbabalik sa Pilipinas, lalong yumabong ang karera niya lalo pa noong mapabilang siya noon sa stage show na “La Taberna.”
Maki-Balita: Pilita Corales—Asia’s Queen of Songs, pumanaw sa edad na 85
6. NORA AUNOR
Ilang araw matapos ang pagpanaw ni Pilita, sunod namang binawian ng buhay ang Superstar na si Nora Aunor sa edad na 71 noong Abril 16.
Ibinalita mismo ito ng kaniyang anak na aktor na si Ian De Leon sa isang Facebook post.
Aniya, "We love you Ma.. alam ng diyos kung gano ka namin ka mahal.. pahinga ka na po Ma.. nandito ka lang sa puso at isipan namin."
Samantala, isiniwalat naman ni Ian sa isang panayam na acute respiratory failure ang ikinamatay ng kaniyang ina.
Maki-Balita: Acute respiratory failure, ikinamatay ni Nora Aunor
Tinangka pa ni Nora na kumandidato bilang ikalawang nominee ng People’s Champ Guardians party-list noong 2025 National and Local Elections. Ngunit iniatras din niya ang kaniyang kandidatura noong Marso.
Maki-Balita: Nora Aunor, umatras sa kandidatura sa Kongreso; susuportahan ibang 'party-list'
Nakilala ang tinaguriang “Superstar ng Pilipinas” hindi lang sa husay niya sa pagkanta kundi pati sa mga memorable ring karakter na ginampanan niya tulad ni “Elsa” sa “Himala” ni Ishmael Bernael.
Kaya naman hindi nakapagtatakang ginawaran siya bilang National Artist for Films and Broadcast Arts noong 2022.
7. POPE FRANCIS
Nagluksa ang buong simbahang Katolika sa pagpanaw ng tinaguriang “The People’s Pope” na si Jorge Mario Bergoglio o mas kilala bilang si Pope Francis noong Abril 21.
Ayon sa ulat ng Associated Press, inanunsyo ni Cardinal Kevin Ferrell, Vatican camerlengo, na sumakabilang-buhay si Pope Francis sa edad na 88 dakong 7:35 ng umaga sa oras ng Vatican (1:35 ng hapon sa oras ng Pilipinas).
Bago siya tuluyang namaalam, nagkaroon pa siya ng maikling appearance sa misa sa Vatican noong Abril 21, Linggo ng Pagkabuhay.
Maki-Balita: Pope Francis, pumanaw na sa edad na 88
Samantala, base naman sa medical report ni Dr. Andrea Arcangeli, Director of the Directorate of Health and Hygiene ng Vatican City State, may history umano si Pope Francis ng acute respiratory failure sanhi ng multimicrobial bilateral pneumonia, multiple bronchiectases, high blood pressure, at Type II diabetes.
Maki-Balita: Pope Francis, na-coma sanhi ng stroke at irreversible cardiocirculatory collapse
8. HAJJI ALEJANDRO
Binawian ng buhay ang OPM icon na si Hajjie Alejandro sa edad na 70 noong Abril 22 ayon sa kumpirmasyon ng kaniyang pamilya.
Bago pumanaw, nakipagbuno siya sa stage 4 colon cancer.
Maki-Balita: OPM icon Hajji Alejandro, pumanaw na sa edad na 70
Isa si Hajji sa mga pinakaunang binansagang “Kilabot ng Kolehiyala” na usong-uso sa pagitan ng dekada 70 hanggang 80 dahil sa kaniyang hitsura, karisma, at magandang tinig.
Ilan sa mga pinasikat niyang awitin ay ang “Kay Ganda ng Ating Musika," "Panakip-Butas," "Tag-araw, Tag-ulan," "May Minamahal," "Ikaw at ang Gabi," "Nakapagtataka," "Pamamaalam," at marami pang iba.
Maki-Balita: Kay Ganda ng Musika Niya: Si Hajji Alejandro, orig 'Kilabot ng Kolehiyala'
9. JIGGLY CALIENTE
Sumakabilang-buhay sa edad na 44 ang drag performer at resident judge ng "Drag Race Philippines" na si Jiggly Caliente.
Maki-Balita: Drag artist na si Jiggly Caliente, pumanaw na
Bago ito, napaulat na nagkaroon umano ng serious health problem si Jiggly na nagresulta sa pagkakaputol ng ilang bahagi ng kaniyang kanang binti, dulot ng impeksyon.
10. RICKY DAVAO
Bago pa man matapos ang 2024, napaulat na may dinadamdam na raw sakit ang batikang aktor na si Ricky Davao.
Sa isang episode ng “Cristy Ferminute” noong Disyembre 2024, nabanggit ng host nitong si Cristy Fermin ang tungkol dito.
Aniya,”Nakarating sa akin ang balita na may pinagdadaanan ngayon ang magaling na aktor at direktor na si Ricky Davao. Hindi po mula sa amin manggagaling kung ano po ang pinagdadaanan niyang sakit ngayon.”
“Mas maganda po kung sa kaniyang pamilya magmumula ang balita. Pero isa lamang po ang sabi ng aking source. Humihiling po ng dasal ang pamilya,” dugtong pa ni Cristy.
Makalipas ang limang buwan, tuluyan nang namaalam si Ricky sa edad na 63. Kinumpirma ito mismo ng Viva Entertainment.
Maki-Balita: Batikang aktor na si Ricky Davao, pumanaw na
11. FREDDIE AGUILAR
Kabilang ang singer-songwriter na si Freddie Aguilar sa mga OPM icon na sumakabilang-buhay sa taong 2025.
Ayon sa mga ulat nitong Martes, Mayo 27, galing umano sa general counsel ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na si Atty. George Briones ang balitang pumanaw na si Freddie.
Matatandaang dating national executive vice president ng PFP ang OPM icon.
Pumanaw si Freddie madaling-araw ng Mayo 27, 1:30 a.m. sa Philippine Heart Center.
Matatandaang nakilala siya sa ilan niyang mga awiting tulad ng “Anak,” “Bayan Ko,” “Magdalena,” at “Problema.”
Samantala, agad din namang hinatid ang mga labi ni Freddie sa kaniyang huling hantungan sa Manila Islamic Cemetery.
Ito ay alinsunod sa paniniwalang Islam na ang sinomang pumanaw ay kinakailangan mailibing agad sa loob ng 24 oras matapos nitong bawian ng buhay.
Maki-Balita: Freddie Aguilar, pumanaw na sa edad na 72
12. RED STERNBERG
Buwan din ng Mayo nang pumanaw ang dating T.G.I.S. star na si Red Sternberg.
Ang T.G.I.S. ay isang youth-oriented show na umere sa GMA Network mula 1995 hanggang 1999.
Matatandaang ginampanan ni Red ang karakter ni “Kiko” bilang pinakamakulit sa barkada kung saan niya nakasama sina Angelu de Leon, Bobby Andrews, Rica Peralejo, Ciara Sotto, Bernadette Allyson, at marami pang iba.
Sa isang Facebook post ni Sandy Sternberg noong Mayo 30, kinumpirma niya ang pagpanaw ng mister niyang si Red noong Mayo 27.
“My husband suddenly passed away the morning of Tuesday, May 27th,” saad ni Sandy. “To those who knew him from his early acting days, he was 'Kiko,' but to our three kids and I he was simply Daddy/Dada. Today would have been his 51st birthday.”
Samantala, ilang araw matapos pumanaw ni Red dahil sa heart attack, isiniwalat ng T.G.I.S co-star nitong si Michael Flores na binalak umano nitong magbalik sa showbiz.
Ayon kay Michael, lumapit daw sa kanila ni Bobby Andrews si Red upang humingi ng payo kung sino ang management na malalapitan sa pagbabalik nito.
MAKI-BALITA: Dating sikat na teen actor noong ‘90s, pumanaw na
13. LOLIT SOLIS
Nagawa pang ibahagi ng batikang showbiz columnist at talent manager na si Lolit Solis ang kalagayan niya sa ospital bago tuluyang namaalam sa mundong ibabaw.
Aniya sa isang Instagram post noong Hulyo 3, “Talagang hindi ko akalain at my age dun pa ako mako confined at magkakasakit.”
“Nagkaruon nga tuloy ako ng anxiety attack dahil hindi ko akalain na at my age mahihiga ako sa hospital bed,” dugtong pa ni Lolit.
Kinumpirma naman ng dating child star na si Niño Muhlach ang pagpanaw ng ina-inahan niyang si Lolit noong Hulyo 4 sa pamamagitan ng isang Facebook post.
“Paalam, Nanay Lolit Solis,” saad niya sa caption.
Samantala, ayon sa mga kaanak ni Lolit, atake sa puso ang sanhi ng kamatayan nito.
Maki-Balita: Lolit Solis, pumanaw na
14. MIKE DE LEON
Nalagasan ng isang haligi ang pelikulang Pilipino sa pagpanaw ng batikang direktor na si Mike De Leon noong Agosto 28 sa edad na 78.
Sa pagpanaw ni Mike, nagpaabot ng pakikiramay ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) para sa kaniya.
“Today, August 28, 2025 the FDCP joins the entire film industry in mourning the passing of visionary filmmaker Mike De Leon,” saad nila sa caption ng kanilang post.
Matatandaang 2016 nang ma-diagnose na may prostate cancer si Mike.
Ilan sa mga tumatak niyang pelikula ay ang “Kisapmata” (1981), “Batch'81” (1982), at “Sister Stella L.” (1984).
15. RICKY HATTON
Umalingawngaw sa mundo ng sports ang pagtawid sa kabilang buhay ni two-time division world champion Ricky “The Hitman” Hatton.
Batay sa ulat ng Britain’s Press Association, sumakabilang-buhay si Hatton sa edad na 46 noong Setyembre 14.
Natagpuan umano ang wala nang buhay niyang katawan sa bahay kaniyang bahay sa Hyde, Northwest England at ayon sa Greater Manchester Police, wala umanong kahina-hinala sa pagkamatay ng boksingero.
Kabilang si “Pambansang Kamao” at dating Senador Manny Pacquiao sa mga nagpaabot ng pakikiramay para kay Hatton.
Matatandaang nagkaharap ang dalawa sa boxing ring noong Mayo 2009 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas.
Maki-Balita: Pacquiao sa pagpanaw ni Hatton: 'I will always honor the respect and sportsmanship'
16. EMMAN ATIENZA
Isa na marahil sa pinakanakakagulantang na balita ng 2025 ang pagpanaw ng anak ni GMA Network Trivia Master Kuya Kim Atienza na si Emman.
Sa Instagram post ni Kuya Kim noong Oktubre 24, inanusyo niya na wala na umano ang kaniyang anak.
"It’s with deep sadness that we share the unexpected passing of our daughter and sister, Emman," ani Kuya Kim.
Sumakabilang-buhay si Emman sa edad na 19-anyos. Batay sa panayam ni Jessica Soho kay Kuya Kim, kinitil ng anak niya ang sariling buhay nito.
Maki-Balita: Kuya Kim, kinumpirma pagpanaw ng anak niyang si Emman Atienza
17. JUAN PONCE ENRILE
Tuluyan nang natuldukan ang tila imortal na meme patungkol sa mahabang buhay ni Chief Legal Presidential Counsel at dating Senate President Juan Ponce Enrile matapos niyang mamaalam sa edad na 101 noong Nobyembre 13.
Maki-Balita: Juan Ponce Enrile, pumanaw na sa edad na 101
Batay ito sa kumpirmasyon ng anak niyang si Katrina Ponce Enrile sa isang social media post.
"It is with profound love and gratitude that my father, Juan Ponce Enrile, peacefully returned to his Creator on November 13, 2025, at 4:21 p.m., surrounded by our family in the comfort of our home," aniya.
Matatandaang bago ito ay ibinalita ni Senador Jinggoy Estrada na dinala umano ang dating Senate President sa Intensive Care Unit (ICU) dahil sa pneumonia.
Maki-Balita: ‘Slim chances of surviving,’ Enrile, nasa ICU—Sen. Jinggoy Estrada
18. JEFFERSON UTANES
Inilapit ng voice actor na si Jefferson Utanes sa isang henerasyon ng kabataang Pilipino ang mga anime character sa pamamagitan ng pagbibigay ng boses sa mga ito sa wikang Filipino.
Siya ang boses sa likod ng mga karakter na sina Mr. Krabs ng “Spongebob SquarePants,” Doraemon, Kogoro, Mouri ng “Detective Conan,” Roy Mustang “Fullmetal Alchemist: Brotherhood,” James ng “Pokémon Series,” at si Son Goku ng “Dragon Ball.”
Kaya naman ikinalungkot ng mga Pilipinong anime fan ang pagpanaw ni Jefferson sa edad na 46 noong Disyembre 16 dahil sa ilang komplikasyon sa kalusugan.
Maki-Balita: Pinoy voice actor na si Jefferson Utanes, pumanaw na
Matatandaang sa kasagsagan ng tangkang pagsusulong ng panukalang batas na nagbabawal ng Filipino dubbing sa mga English program at film na ipinapalabas sa Pilipinas, kasama si Jefferson sa mga tumutol dito.
Maki-Balita: Voice actor, pumalag sa pagbabawal ng Filipino dubbing
19. CATALINA CABRAL
Kinumpirma ng mga awtoridad ang pagpanaw ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Catalina Cabral nitong Biyernes ng madaling araw, Disyembre 19, 2025.
Ito ay matapos maiulat na natagpuan umano ang katawan ni Cabral na “unconscious” at “unresponsive” malapit sa ilog ng Bued sa Tuba, Benguet matapos umanong mahulog sa bangin noong Huwebes ng gabi, Disyembre 18.
Matatandaang kabilang si Cabral sa listahan ng mga opisyal ng DPWH na pinakakasuhan bago matapos ang taon dahil sa pagkakasangkot umano nito sa maanomalyang flood control projects.
Maki-Balita: Ex-DPWH Usec. Cabral, pumanaw na
20. BING DAVAO
Sumakabilang-buhay ang batikang aktor na si Bing Davao sa edad na sa 65 dahil umano sa cardiac arrest.
Ayon sa ulat ng GMA News Online noong Disyembre 20, kinumpirma ng mga kapamilya ni Bing ang pagpanaw nito sa mismong petsa ring binanggit.
Napanood ang mga natatanging pagganap ng aktor sa mga pelikulang gaya ng “Kahit Butas Ng Karayom... Papasukin Ko” (1995), “Homicide Manila Police” (1989), “Matinik na Kalaban” at “Soltero” (1984).
Matatandaang kapatid si Bing ng isa rin sa mga higanteng pangalan sa showbiz na walang iba kundi si Ricky Davao na namaalam na rin noong Mayo.
Maki-Balita: Bing Davao, pumanaw na!
21. ROMEO ACOP
Pumanaw si Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop matapos umanong matagpuang walang malay sa kaniyang kwarto.
Isinugod pa si Acop sa Assumption Hospital, Sabado ng gabi, Disyembre 20, kung saan siya idineklarang patay na.
Kinumpirma ito ni Antipolo City 1st district Rep. at House Deputy Speaker Ronaldo Puno sa ipinadala niyang mensahe sa reporter noong Disyembre 21.
Matatandaang nagsilbi si Acop bilang senior vice chairperson ng quad-comm noong 19th Congress na nag-imbestiga sa giyera kontra droga at iba pang isyung kinasangkutan ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Maki-Balita: Romeo Acop, pumanaw na; natagpuang walang malay sa kuwarto
22. JIMMY REGINO
Tila malungkot na sasalubungin ng pamilya Regino ang 2026 dahil sa pagpanaw ng mahal nila sa buhay na si Jimmy Regino ng grupong Aprilboys.
Sa isang Facebook post ni Vingo Regino noong Sabado, Disyembre 27, inanunsiyo niya sa mga tagasubaybay ng Aprilboys ang pagpanaw ng utol niya.
“Sa lahat po ng fans ng Aprilboys, binabalita ko lang po sa inyo na pumanaw na ang kapatid kong si Jimmy. Hindi na natin maririnig ang boses niya,” saad ni Vingo.
Dagdag pa niya, “Ang hirap po ng mawalan ka ng mahal mo na kapatid. 'Yong pinagsamahan po namin, naaalala ko hanggang ngayon. Kahapon pa ako umiiyak, kahapon pa ako malungkot na malungkot.”
Matatandaang 1993 nang mabuo ang Aprilboys bagama’t noong 1995 ay iniwan ng panganay sa magkapapatid na si April Boy ang grupo para magsolo.
Ngunit sa kabila nito, nanatili pa ring aktibo ang grupo.