December 30, 2025

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Ang mga babae sa buhay ni Dr. Jose Rizal

BALITAnaw: Ang mga babae sa buhay ni Dr. Jose Rizal
Photo courtesy: Wikimedia Commons (website), Kahimyang Project (website)

Kinilala sa pagiging mahusay na doktor at manunulat, si Dr. Jose Rizal ay isa sa mga makabayang Pilipino na nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng bansa laban sa panlulupig ng mga Espanyol. 

Bagama’t namatay ang bayani sa edad lamang na 35 noong Disyembre 30, 1896, matapos mabasa ng gobyerno ng Espanya ang mga isinawalat niya sa kaniyang mga libro, nagkaroon pa rin ng makabuluhan at makulay na buhay ang bayani. 

Isa sa mga nagdagdag kabuluhan sa buhay ni Jose ay ang mga babaeng naging parte ng kaniyang buhay. 

MGA KAPAMILYA

BALITAnaw

BALITAnaw: Pinakamalala, nangwasak na kalamidad sa puso ng mga Pilipino nitong 2025!

Teodora Alonzo Realonda

Unang-una na rito ang ina na si Teodora Alonzo Realonda, na tumayo rin bilang unang guro ng bayani o kilala rin sa palayaw na Pepe. 

Nakilala si Teodora bilang istrikta at dedikadong ina sa 11 niyang mga anak, na sina Saturnina, Paciano, Narcisa, Olimpia, Lucia, Maria, Pepe, Concepcion, Josefa, Trinidad, at Soledad. 

Bago tumayong ilaw ng tahanan ng kanilang pamilya, si Teodora ay nakapagtapos ng kaniyang edukasyon sa Colegio de Santa Rosa, sa Maynila.

Noong 1848, pinakasalan ni Teodora si Francisco Mercado, at magmula noo’y tumira sila sa Calamba, Laguna.

Bilang ina ng tinaguriang isa sa mga kalaban ng gobyernong Espanya, nadamay din si Teodora sa mga naging panlulupig ng mga ito. 

Ilan sa mga pagkakataong ito ay ang pagkakakulong noong 1872 dahil sa paratang na nilason nito ang kaniyang kapatid, at pilit na pagpapalakad ng 

50 kilometro dahil sa hindi niya paggamit ng kaniyang hispanong apelyido na Realonda de Rizal.

Ayon sa lathala ng Kahimyang, isang oras bago ang nakatakdang pagbitay kay Pepe sa pamamagitan ng firing squad, sinulat pa nito ang ina ng huling liham na nagsasabing, "To my dear mother, Sra. Da. Teodora Alonzo. 6 o'clock in the morning, December 30, 1896. Jose Rizal."

Agosto 16, 1911, namatay sa kaniyang bahay sa Binondo, Maynila ang ginang. 

Saturnina

Kilala rin sa palayaw na Neneng, ang panganay ng pamilya Rizal ang naging responsable na maayos ang kanilang tahanan, bilang katuwang ng kanilang mga magulang. 

Si Neneng rin ang isa sa mga sumuporta ang nagbigay ng tulong-pinansyal sa edukasyon ni Pepe sa abroad. 

Bagama’t nadawit din ang asawang si Manuel Hidalgo sa propaganda, nakulong, at naipatapon ng gobyernong Espanya sa ibang lugar, nanindigan si Neneng sa mga sakripisyo at prinsipyo ng asawa at kapatid. 

Kalauna’y tumulong si Neneng na mapreserba ang mga liham, litrato, at dokumento ng kaniyang pamilya, at sa kasagsagan ng digmaang Pilipino at Amerikano, binuksan niya ang kanilang tahanan bilang suporta sa mga kapatid. 

Narcisa

Si Narcisa ang pangatlo sa magkakapatid na Rizal, sumunod kay Paciano. 

Ayon sa mga lathala sa kasaysayan, si Narcisa ang kapatid na walang-sawang naghanap sa puntod ng kapatid na si Pepe. 

Nang kalauna’y matagpuan ang walang marka na lupa, pinaglalagyan ng katawan ni Pepe, na mayroon lamang palatandaan na “RPJ,” agad niyang binili ang katabing lupa para maprotekhan ang labi, at matiyak na mahahanap at maalala ng mga susunod na henerasyon ang mga alaala at kabayanihan ni Pepe. 

Olimpia

Base sa mga lathala sa kasaysayan, si Olimpia ang kapatid na namuhay ng tahimik at maigsing buhay.

Pinakasalan ni Olimpia ang telegraph operator na si Slivestre Ubaldo, na nadamay sa mga panlulupig ng mga kolonyalismong Espanya dahil sa paninindigan at reputasyon ng pamilya Rizal. 

Ayon sa mga lathala, nasawi si Olimpia sa edad na 31 o 32, at bagama’t hindi nalaman ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, pinaniniwalaan na ito’y biglaan, posibleng mula sa mga komplikasyon ng panganganak o sakit. 

Bagama’t maiksi ang naging buhay ni Olimpia, malalim itong nakaapekto kay Pepe at naging parte rin ng mga naging sulat ng kapatid. 

Lucia

Base sa kasaysayan, si Lucia ang kapatid na pinaka nagdusa sa mga panlulupig ng mga Espanyol, nang hindi payagan mailibing ang asawang si Matriano Herbosa, dahil sa suporta at simpatya nito kay Pepe. 

Nang ipatapon si Pepe sa Dapitan, kasama si Lucia sa mga kaaanak na pumunta rito para samahan ang kapatid. 

Matapos ang pagkamatay ni Pepe, nanatiling nakikibaka si Lucia sa mga pagpapahirap ng mga Espanyol, at patuloy niyang tinulungan ang mga rebolusyonaryo na nangangailangan ng bahay at gabay. 

Maria

Si Maria ang kapatid na tumayong confidante sa mga personal na bagay ni Pepe dahil sa pagiging kalmado at maunawain. 

Kabilang sa mga naging paggabay niya kay Pepe ay ang relasyon nito sa dating nobya na si Leonor Rivera. 

Sa kasagsagan din ng kaguluhan at kasuhan sa Calamba, si Maria ay tumulong sa paghawak at pagsuporta sa mga miyembro ng pamilya Rizal. 

Matapos ang pagbitay kay Pepe, tumulong din si Maria sa pagrereserba ng mga liham at alaala ng kanilang pamilya. 

Concepcion 

Tinawag din sa pamilya bilang Concha, nasawi siya noong tatlong taong gulang pa lamang. 

Ayon sa mga lathala ng pamilya, nasawi si Concha dahil sa lagnat, na madalas dulot ng mga pagkamatay ng ilang tao noong ika-19 siglo.

Bagama’t nawala sa murang edad, ang alaala ni Concha ay nailathala ni Pepe sa kaniyang mga obra, ang pagmamahal niya sa kapatid, at pangungulila rito. 

Josefa 

Si Josefa ay isa sa mga kapatid na aktibong nakikibaka sa kanilang paninindigan.

Sumali si Josefa sa mga grupo ng rebolusyonaryo at nanatiling dedikado sa prinsipyo ng kalayaan, hustisya, at pagiging makabayan. 

Matapos ang pagbitay kay Pepe, patuloy na nakiisa si Josefa sa mga pagtitipon para sa rebolusyon habang tumutulong sa pag-iingat ng mga liham at personal na alaala ng pamilya Rizal. 

Trinidad

Si Trinidad ang kapatid na pinagkatiwalaan ni Pepe sa kaniyang huling tula na “Mi Ultimo Adios” na itinabi niya sa isang kalan. 

Prinotektahan ni Trinidad ang tula kasama ang kalan mula sa mga awtoridad, at isiniwalat ito nang tamang panahon. 

Kaya, isa si Trinidad sa mga naging tagapagbantay sa mga alaala, testimonya, at mga liham ng pamilya Rizal. 

Soledad

Kilala rin sa palayaw na “Choleng,” si Soledad ang bunso sa magkakapatid na Rizal, at lumaki sa adbokasiya at misyon ng kanilang pamilya. 

Naging guro si Soledad dahil sa mataas na pagtingin sa kuya nitong si Pepe. 

Gayunpaman, nang pakasalan ni Soledad si Pantaleon Quintero, noong Hunyo 23, 1890, naging kontrobersyal ito dahil wala silang basbas ng pamilya Rizal. 

Ang mga naitalang liham na isinulat ni Soledad ay nagpapakita ng katalinuhan at matibay na paninindigan sa hustisya, dahil dito, isa ang bunsong Rizal sa mga nagtanggol pamilya sa kasagsagan ng mga kaguluhang poilitikal. 

Isa rin siya sa mga nagbantay at nagpreserba ng mga alaala sa pamamagitan ng maingat na pagtatabi ng mga dokumento at pagkukwento. 

MGA NOBYA AT KA-FLING

Ayon sa kasaysayan, mayroong siyam na babaeng nahumaling sa talino at angking alindog ni Jose. 

Segunda Katigbak

Si Segunda ang tinaguriang “first love” ng bayani o “puppy love” na nakilala niya noong 16-gulang pa lamang siya habang binibista ang kaniyang lola, kasama ang kaibigan na si Mariano Katigbak, na kapatid ni Segunda. 

Bukod pa rito, si Segunda ay malapit ding kaibigan ng kapatid ni Jose na si Olimpia. 

Sa kabila ng mga koneksyon na ito, nakatakda nang ikasal si Segunda sa ka-baryo nilang si Manuel Luz, kaya kinailangan na siyang layuan ni Jose. 

Leonor “Orang” Valenzuela

Sumunod sa mga listahan ng nahumaling kay Jose ay si Leonor na mula sa Pagsanjan, at nakilala ng bayani noong siya’y nag-aaral pa lamang ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST).

Ayon sa kasaysayan, sa kasagsagan ng pagliligawan nila, gumagamit si Jose ng invisible ink sa pagsulat ng mga liham, na makikita lamang sa init ng lampara. 

Leonor Rivera 

Isa pa sa mga naging “Leonor” sa buhay ni Jose ay si Leonor Rivera, na nakilala niya noong siya ay 18, habang ang dilag ay 13 pa lamang. 

Ayon sa kasaysayan, si Rivera ay ang “sweetheart” ni Jose sa loob ng 11 taon, at pumigil dito na mahulog sa ibang babae, kahit na noong nag-aaral ito sa ibang bayan. 

Sa kabila nito, hindi payag sa kanilang relasyon ang ina ni Rivera dahil nakilala si Jose bilang isang filibustero o rebolusyonaryo. 

Naniwala si Rivera na kinalimutan na siya ni Jose, kaya kahit na sinunod ang ina, na magpakasal sa isang dahuyan na si Henry Kipping, itinabi pa rin niya ang mga liham ni Jose para sa kaniya. 

Pinaniniwalaan din na noong malaman ni Jose na namatay si Rivera noong 1893 matapos ipanganak ang pangalawa niyang anak, hindi ito nagsalita ng ilang araw, at naging inspirasyon pa ang dating kasintahan sa karakter na Maria Clara sa libro niyang “Noli Me Tangere.” 

Consuelo Ortiga

Si Consuelo ang tinaguriang pinakamagandang anak ng alkalde ng Maynila na si Don Pablo Ortiga.

Noong namamalagi si Jose sa Madrid, Espanya, madalas ito sa bahay ng alkalde, kasama ang iba pang mga estudyanteng Pinoy, kaya sa isang pagtitipon nila rito, nakilala niya si Consuelo. 

Dahil noong mga panahong ito ay katipan pa ni Jose si Leonor Rivera, hindi niya sineryoso ang panliligaw kay Consuelo. 

Bukod pa rito, iniwasan din ni Jose na masira ang pakikipagkaibigan kay Eduardo de Lete, na seryosong may pagtingin kay Consuelo. 

Seiko Usui

Tinawag din ni Jose bilang “O-Sei-San,” nagkakilala ang dalawa nang bumisita si Jose sa Japan noong 1888, bilang imbitasyon ng Espanya. 

Si Seiko ay anak ng isang samurai na nagturo kay Jose ng Japanese art na “su-mie.” 

Bukod pa rito, tinuruan din ni Seiko si Jose na pagtibayin ang kaalaman nito sa wikang Hapon, at dahil nakakapagsalita rin ng wikang French ang dilag, mas naging madali ang naging komunikasyon nila, dahil marunong din ng wika na ito si Jose. 

Sa pananatili ni Jose sa Japan, bumisita sila sa mga pamantasan at mga museo, ngunit kahit naging masaya ang bayani sa bansang ito, kinailangan pa rin umalis ni Jose patungong San Franciso bilang pananagutan sa bansa.

Sa pag-alis niyang ito, hindi na sila muling nagkita ng dilag. 

Gertrude Beckett

Nakilala ni Jose si Gertrude nang magpunta ito sa London, England, para mag-komentaryo sa Sucesos de las Islas Filipinas, na isang dokumentrayo tungkol sa Pilipinas na isinulat ng abogadong si Antonio de Morga. 

Sa pananatili ni Jose sa London, pinakitaan siya ng lubos na atensyon at pagmamahal ni Gertrude, at tinulungan pa niya ang bayani na matapos ang ilan niyang iskulptura tulad ng “Prometheus Bound,” “The Triumph of Death over Life,” at “The Triumph of Science over Death.”

Gayunpaman, biglang umalis si Jose sa London patungong Paris para iwasan si Gertrude, ngunit bago ang kaniyang pag-alis, ginawan pa niya ng obra ang magkakapatid na Beckett bilang simbolo ng kanilang maigsing relasyon. 

Nellie Boustead

Nakilala ni Rizal si Nellie habang namamalagi siya sa Biarritz, France, na isa sa mga anak ng pamilyang nagpatuloy sa kanilang panuluyan. 

Dito nalaman ni Jose ang balita ng pakikipagtipan ni Leonor Rivera kay Henry Kipping, kaya itinuloy niya ang seryosong pakikipag-relasyon kay Nellie, at naipabalita rin sa mga kaibigan niyang may intensyon siyang pakasalan ang dilag. 

Gayunpaman, hindi suportado ang ina ni Nellie dahil tumanggi si Jose na magpa-convert sa relihiyong protestante, at hindi rin gusto ng ina na walang kliyente si Jose bilang isang doktor. 

Kahit na ganoon, maayos na tinapos ng dalawa ang kanilang relasyon bago umalis si Jose sa Europa. 

Suzanne Jacoby

Taong 1890, nang magtungo sa Brussels, Belgium si Jose, nahulog ang loob ni Jose sa pamangkin ng may-ari ng kaniyang panuluyan, na si Suzanne. 

Gayunpaman, bagama’t isa lamang itong “fling” para kay Jose, ayon sa lathala sa kasaysayan, tumangis si Suzanne at lubos na nasaktan, nang kinailangan nang umalis sa bansa ni Jose. 

Kahit na muling bumalik sa Belgium ang bayani noong 1891, hindi niya naging pakay balikan si Suzanne, dahil ang libro lamang niyang “El Filibusterismo” ang nais niyang tapusin noong mga panahong ito.

Josephine Bracken 

Si Josephine ang babaeng nakasama ni Jose hanggang sa naging pagbitay sa kaniya noong 1896. 

Nagkakilala ang dalawa noong Pebrero ng 1895, habang naipatapon si Jose sa Dapitan, nang sinadya siyang bisitahin ni George Taufer mula sa Hong Kong, na foster dad ni Josephine, para magpagamot sa mata. 

Ayon sa mga lathala sa kasaysayan, nabighani si Jose kay Josephine dahil sa angking ganda nito, ngunit noong una ay pinagsuspetsahan pa ng mga kapatid ni Jose ang dilag bilang espiya ng mga prayle. 

Matapos ang isang buwan ng pagpapalagayang-loob ng dalawa, inanunsyo nila na magpapakasal na sila, ngunit dahil sa sitwasyon ni Jose, walang pari ang gustong magkasal sa kanila. 

Gayunpaman, nagsama ang dalawa at nagkaroon sila ng anak. 

Kalauna’y nagka-anak sila, ngunit namatay rin ilang oras lamang nang maipanganak dahil sa isang insidente. 

Sean Antonio/BALITA