Inaalala taon-taon ng bawat Pilipino sa bansa ang anibersaryo ng araw kung kailan napaslang ang pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal nang barilin ito sa Bagumbayan (Luneta Park) noong Disyembre 30, 1896.
Matatandaang idineklara ni Pangulong Emilio Aguinaldo noong 1898 ang Disyembre 30 bilang pambansang araw ng pag-alaala sa kamatayan ni Rizal at hanggang ngayo’y isinasagawa pa rin ito sa buong bansa.
Bago maganap ang pagbaril kay Rizal sa Bagumbayan noon, nagpadala umano ito ng liham sa kaniyang pamilya kung saan humiling ito ng mga bagay na nais sa panahong siya ay mamatay at ilibing.
Ngayong tila normal at mahalagang gampanin na ang pagbibigay ng bulaklak sa monumento ni Rizal sa Luneta Park taon-taon—sa dambuhala nitong monumento—magiging masaya kaya ang pambansang bayani kung makikita niyang espesyal sa mga Pilipino ang araw ng kamatayan nito?
Ayon sa isang episode sa programa noon ng News5 host, sikat na multimedia personality, at manunulat na si na si Lourd de Veyra, ibinahagi niya ang huling hinabilin ni Rizal sa pamilya niya bago ito mamatay.
“Mag-alay ng bulaklak ng bulaklak sa dambana, mismong Pangulo pa ang nangunguna, at national holiday pa. Ganiyan natin gunitain, taon-taon, ang araw ng pagka-martyr ni Jose Rizal,” pagsisimula niya.
Ani Lourd, gusto raw ni Rizal na ilibing noon sa Paang Bundok na nasa may bahagi ngayon Manila North at Chinese Cemetery.
“Gusto niya, simpleng libingan lang sa Paang Bundok. ‘Yong area ngayon ay lugar na sumasakop sa Manila North at Chinese cemetery,” pagkukuwento niya.
Pagpapatuloy ni Lourd, sinabi rin noon ni Rizal na dapat daw pangalan, petsa ng kamatayan lang ang nakasulat sa lapida ng kaniyang labi.
Higit umano sa lahat, walang anibersaryo at selebrasyon.
“Sa lapida nakasulat lamang ang pangalan, petsa ng kamatayan, walang magarbong marka kundi simpleng krus lamang, at higit sa lahat walang ani-anibersaryo,” pagtatapos pa niya.
“Dear parents, brothers, sisters: Give thanks to God who has kept me tranquil, before my death … Bury me in the earth, put a stone on top, and a cross. My name, the date of my birth, and that of my death. Nothing more. If later you should wish to surround my grave with a fence, you can do it. No anniversary celebrations! I prefer ‘Paang Bundok.’”
Sa kabila ng mga kahilingang ito ni Rizal, mapapansin tila walang kahit isang mga ninanais niya ang nasunod sa panahong kasalukuyan.
Ngunit hindi naman para pagtalunan pa kung ano ang mararamdaman ni Rizal sakaling makita niyang hindi nasunod ang kaniyang huling habilin.
Ang mahalaga ay nasa puso at diwa pa rin ng bawat Pilipino ang kahalagahan ng naging pag-iral ng mga kagaya niyang bayani kaya inaalala siya ng mga ito taon-taon.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal
MAKI-BALITA: 'History is like tsismis?' Ilang intriga at kontrobersiya sa buhay ng mga bayaning Pilipino
Mc Vincent Mirabuna/Balita