January 06, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: 'Higit pa sa hayop at malansang isda!' Si Rizal nga ba sumulat ng 'Sa Aking Mga Kabata'?

ALAMIN: 'Higit pa sa hayop at malansang isda!' Si Rizal nga ba sumulat ng 'Sa Aking Mga Kabata'?
Photo courtesy: via MB

Ang hindi magmahal sa kaniyang salita

Mahigit pa sa hayop at malansang isda 

Gasgas na gasgas lagi ang walang kamatayang mga taludtod na ito mula sa tulang “Sa Aking Mga Kabata” lalo na kung sasapit ang buwan ng Agosto sa selebrasyon ng Buwan ng Wika. 

Hindi lilipas ang naturang selebrasyon na walang magbabanggit ng nasabing kataga lalo na’t pinahahalagahan ng bawat isa ang wikang Filipino sa nasabing buwan. 

ALAMIN: Mga item na na-veto ni PBBM mula sa 'Unprogrammed Appropriations' ng 2026 nat'l budget

At kapag narinig ng isang tao ang katagang ito, walang ibang lilitaw na pangalan kundi ang pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal. 

Ang sabi ni Dr. Jose Rizal, ang taong hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda! Bow. 

Sinong hindi nakarinig ng ganitong litanya ng isang estudyanteng nagtatanghal ng tula sa entablado o ‘di kaya mula sa isang guro na ang tinapos ay nagpakadalubhasa sa asignatura at wikang Filipino? 

Pero sa kabila ng matagal nang paglaspag sa katagang ito at paglalapit kay Rizal bilang siya’ng may akda ng nasabing tula, si Rizal nga ba o hindi ang totoong sumulat nito? 

Ayon sa artikulong sinulat ng Canadian writer na si Paul Morrow, hilig niyang pag-aralan ang lumang mga lenggwahe at kultura ng bansa, sa Pilipino Express, sinabi niyang hindi si Rizal ang may akda ng “Sa Aking Mga Kabata.”

Anang writer, binali na rin daw ng national artist na si Virgilio S. Almario sa libro niyang “Rizal: Makata” na hindi umano ang bayani ang nagsulat nito, ganoon sa mga naisulat na artikulo ang historyador at manunulat na si Ambeth Ocampo tungkol dito. 

“In July of 2011, Virgilo Almario debunked it in his book Rizal: Makata, Ambeth Ocampo wrote a couple of articles about it in the Philippine Daily Inquirer, and I published a series of articles here in the Pilipino Express,” saad niya. 

Ani Morrow, una niyang nakitang dahilan kung bakit hindi Rizal ang nagsulat ng nasabing tula dahil sa paggamit ng salitang “kalayaan” na “evidently” ay hindi pa alam ni Rizal noong siya’y walong (8) taong gulang pa lamang at nalaman niya iyon noong siya’y 25-anyos na. 

“For me, however, the real clincher is the use of the word kalayaan [freedom], which appears twice in the poem. Kalayaan was not a common word in 1869 and there is irrefutable evidence that Jose Rizal himself did not learn the word until he was 25 years old,” aniya. 

Pinatunayan umano ito ng naging liham ni Rizal sa kapatid niyang si Paciano Rizal nang siya’y 25-anyos na at sinubukan niyang isalin ang akdang “Friedrich Schiller's Wilhelm Tell.” 

Mababasa sa naturang article ni Morrow:

“My Dear Brother,

There I’m sending you at last the translation of Wilhelm Tell by Schiller… I lacked many words, for example, for the word Freiheit or liberty. The Tagalog word kaligtasan cannot be used, because this means that formerly he was in prison, slavery, etc. I found in the translation of Amor Patrio the noun malayà, kalayahan that Marcelo del Pilar uses. In the only Tagalog book I have – Florante – I don’t find an equivalent noun.”

Pinapatunayan umano nito na hindi pa nalalaman ni Rizal ang salitang “kalayaan” hanggang sa mabasa niya ito sa akdang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” ni Marcelo H. del Pilar. 

Ang lohika, imposible umanong maisulat at mabanggit ng walong taong gulang na si Rizal sa “Sa Aking Mga Kabata” ang salitang “kalayaan” kung nalaman niya lang iyon nang siya’y 25-anyos na. 

Ang tanong, sino ang maaaring sumulat ng “Sa Aking Mga Kabata”

Paliwanag ni Morrow, una raw nakita ang nasabing akda sa isang librong nalimbag noong 1906–isang dekada ang lumipas nang mabaril si Rizal sa Bagumbayan (Luneta Park) noong Disyembre 30, 1896. 

Ang librong ito ay may pamagat na Kun Sino ang Kumathâ ng̃ “Florante” ng manunulat na si Hermenegildo Cruz kung saan ay inihalimbawa niya ang akdang “Sa Aking Mga Kabata” bilang “modern naturalist” na tulang Tagalog. 

Paglalatag ni Morrow, may karagdagan daw na footnote na iniwan si Cruz sa nasabing tula at sinabi nitong galing iyon sa kaibigan niyang si Gabriel Beato Francisco na ibinigay naman sa kaniya ni Saturnino Raselis, isang guro mula sa Mahayhay noong 1884. 

Mababasa sa nasabing article ni Morrow: 

“For this poem I am indebted to my friend, Mr. Gabriel Beato Francisco. This was given to him by Mr. Saturnino Raselis, a native of Lukban, who was a teacher (maestro) in Mahayhay in 1884. This gentleman was a very close friend of Rizal who gave him (the teacher) a copy of this poem himself, a symbol, apparently, of their close friendship.” 

Pagpapatuloy pa ni Morrow, kilala raw niyang makata at nobelista si Francisco ngunit misteryo sa kaniya si Raselis. Tindig pa niya, handa raw siyang pumustang maalin sa dalawa ni Cruz at Francisco ang totoong sumulat ng naturang tula.

“Since Cruz was apparently the first to bring the poem to public attention, I would suspect that either he or one of his sources was the true author. And since we can’t even be sure if Saturnino Raselis ever existed, we are left with only Cruz and Francisco,” pagtatapos pa niya. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita 

Inirerekomendang balita