December 30, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Ano ang mga kasong isinampa ng gobyerno ng Espanya kay Rizal?

ALAMIN: Ano ang mga kasong isinampa ng gobyerno ng Espanya kay Rizal?
Photo courtesy: Kahimyang (website), Intramuros Administration (website)

“Beloved Filipinas, hear now my last good-bye!
I give thee all: parents and kindred and friends
For I go where no slave before the oppressor bends,
Where faith can never kill, and God reigns e'er on high!”

- Dr. Jose Rizal, My Final Farewell (Mi Ultimo Adios)

Bilang pagpapakita ng lubos na pagmamahal para sa Pilipinas, itinuring ni Dr. Jose Rizal na karangalan ang mag-alay ng buhay para sa kalayaan nito mula sa mga kamay ng kolonyalismo. 

Kaya taon-taon, inaalala at binibigyang-pagpapahalaga ng mga Pinoy ang kabayanihan at sakripisyo ni Rizal, na naging daan para mabuksan ang mga mata ng mga Pinoy at matutong makibaka para sa hustisya. 

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 'No anniversary, no celebration!' Nasunod ba ng Pilipino huling habilin ni Rizal?

Sa ika-128 anibersaryo, muling balikan ang naging katapatan ni Rizal sa prinsipyo nitong ipaglaban ang mga Pinoy at ilan sa mga paratang at pangyayari bago ang naging pagbitay sa kaniya.

MGA NAGING PARATANG NG GOBYERNONG ESPANYA KAY RIZAL

Base sa mga lathala sa kasaysayan, kinokonsidera ng Espanya na kalaban si Rizal, mga kaanak, at mga kaalyado niya dahil sa mga sulatin niyang nagsiwalat sa korapsyon at kawalang katarungan sa pamamalakad ng kanilang gobyerno sa bansa. 

Kaya sa pagdakip sa kaniya, ipinataw sa bayani ang mga kasong rebelyon, sedisyon, at pakikipagsabwatan, na may kaparusahang pagpatay sa pamamagitan ng firing squad. 

PAGHULI

Ayon sa lathala ng Kahimyang at kompilasyon ng Order of the Knights of Rizal at ng historyador na si Prof. Sir Michael Charleston “Xiao” B. Chua, K.O.R., Oktubre 6, 1896, nang dinala si Rizal sa Montjuich Castle, Barcelona, Spain. 

Noong mga panahong ito, patungo dapat sa Cuba si Rizal para manilbihan bilang military surgeon, dahil din sa mga pag-aalsang nagaganap sa bansa laban sa pamamahala ng Espanya. 

Nobyembre 3, 1896, inuwi si Rizal sa Fort Santiago, sa Maynila, kung saan, kasama niya ang iba pang Pinoy, kabilang ang nakatatandang kapatid na si Paciano, na pinahihirapan at binubugbog sa loob ng piitan. 

IMBESTIGASYON

Nobyembre 20, 1896, nagsimula ang preliminary investigation ni Rizal, kaharap si Judge Advocate Colonel Francisco Olive. 

Ang imbestigasyon na ito ay tumagal ng limang araw. 

Nobyembre 26, 2026, ang mga dokumento ng kaso ni Rizal ay isinumite na kay Gobernador-Heneral Ramon Blanco, na noo’y itinalaga si Kapitan Rafael Dominguez, bilang Judge Advocate. 

Disyembre 8,1896, pinili ni Rizal bilang kaniyang abogado si Lt. Luis Taviel de Andrade, na kapatid ng isa sa mga kaibigan niya.

Si de Andrade ay mula sa mga listahan na ibinigay ng mga awtoridad ng Espanya kay Rizal, dito ay inabisuhan din ang bayani na mamili lamang sa mga opisyal ng hukbong sandatahan, dahil ipinagbabawal nila na hawakan ng isang sibilyan na abogado ang kaniyang kaso. 

Disyembre 11, 1896, binasa kay Rizal ang mga kasong isinampa ng pamahalaang Espanya sa kaniya. 

Disyembre 13, 1896, si Blanco ay napalitan ni Camilo de Polavieja sa pagka Gobernador-Heneral. 

Si Polavieja ay kilalang mas mabagsik kumpara kay Blanco.

Sa araw din na ito ay naisumite na ni Dominguez ang mga dokumento ng kaso ni Rizal sa Malacañang.

Disyembre 15, 1896, naglabas ng isang manifesto si Rizal na nagsasabing hindi siya sang-ayon sa rebolusyon na binubuo ng ilang Pinoy dahil naniniwala ang bayani na para makamtan ang kalayaan, kinakailangan ng edukasyon. 

PAGLILITIS

Disyembre 26, 1896, ang paglilitis ni Rizal ay sinimulan na sa Cuartel de España, Intramuros. 

Sa araw din na ito, nagkaisa ang mga court-martial sa botong pagpapataw kay Rizal ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad. 

Disyembre 28, 1896, pinirmihan ni Polavieja ang hatol.

PAGHAHANDA SA HATOL NG PAGBITAY

Disyembre 29, 1896, binasa ni Dominguez ang hatol kay Rizal, na pagtakdang pagpatay sa pamamagitan ng firing squad sa ika-7 ng umaga, ng Disyembre 30, sa Luneta de Bagumbayan.

Tanghali ng araw na ito, isinulat ng bayani ang tula niyang “Mi Ultimo Adios” at itinago ito sa isang kalan, na naibigay niya sa kapatid na si Narcisa, sa pagbisita ng pamilya sa kaniyang piitan. 

ARAW NG PAGBITAY

Pagdating 5:00 AM ng Disyembre 30, nagyakap sa huling pagkakataon ang mag-asawang Rizal at Josephine Bracken. 

Niregaluhan din ni Rizal ang asawa ng klasikong Thomas á Kempis, na mayroon niyang sulat na, “To my dear and unhappy wife, Josephine, December 30th, 1896, Jose Rizal.”

Pagdating naman ng 6:00 AM, sinulatan naman ni Rizal ang ama na si Francisco Mercado, “My beloved Father, Pardon me for the pain with which I repay you for sorrows and sacrifices for my education. I did not want nor did I prefer it. Goodbye, Father, goodbye… Jose Rizal.”

Para naman sa ina, “To my very dear Mother, Sra. Dña Teodora Alonso 6 o’clock in the morning, December 30, 1896. Jose Rizal.”

Pagpatak ng 6:30 AM, nagsimula na ang tinaguriang “death march” ni Rizal mula sa Fort Santiago hanggang Bagumbayan, na pinangunahan ng apat na armadong sundalo. 

Kasama sa naging martsa sina de Andrade, kasama ang ilan pang mga sundalo. 

Pagdating nina Rizal sa Bagumbayan ng 7:00 AM, agad na tinignan ni Dr. Felipe Ruiz Castillo ang pulso ng bayani, na lumabas namang normal. 

Isinigaw ni Rizal ang mga katagang, “Consummatum est,” na Latin para sa “It is done,” na huling mga salita rin ni Hesus bago malagutan ng hininga sa krus, ayon sa katuruan ng Ebanghelyo ni Juan, sa Katoliko. 

Nang isinigaw ng mga sundalo ang “Fuego!” Umalingawngaw ang pagputok mula sa mga baril ng walong indio na sundalo.

Dahil itinuturing na kriminal si Rizal, nakatalikod siya sa firing squad, ngunit nang tumama na sa kaniya ang bala, pinilit niyang humarap sa mga ito. 

Nang bumagsak ang bayani, nagsigawan ang mga sundalo at manonood na mga Espanyol, “Viva España! Muerte a los traidores!” (Long live Spain! Death to traitors!)

Ayon sa lathala ng Intramuros Administration, nakulong si Rizal sa Intramuros sa loob ng 56 na araw, simula Nobyembre 3 hanggang December 29, 1896. 

Sa mga sumunod na taon, ang pasilidad ng Intramuros ay ni-renovate at patuloy na minomodernisa bilang parte ng kasaysayan at paalaala sa mga Pinoy ng susunod na mga henerasyon, na itinuring ni Rizal na karangalan ang manindigan para sa bansa. 

Sean Antonio/BALITA