Hindi napigilan ni Unkabogable Star Vice Ganda ang matinding emosyon, sa entablado man at maging sa social media, matapos masungkit ang pagkilalang "Best Actor in a Leading Role" para sa pelikulang "Call Me Mother" sa ginanap na Gabi ng Parangal ng 51st Metro Manila Film Festival (MMFF) noong Sabado ng gabi, Disyembre 27.
Makalipas ang maraming taon at sa bawat taong lagi siyang may entry sa MMFF, ngayon lang kinilala si Meme Vice sa nabanggit na kategorya kaya ganoon na lamang ang kasiyahan niya.
Sa kaniyang Facebook post nitong Linggo, Disyembre 28, ibinahagi ni Vice ang pagkabigla at sayang kaniyang naramdaman matapos ang awards night. Dito niya pinasalamatan ang kaniyang fans at supporters na tinatawag niyang "Little Ponies."
“Nalutang, nataranta, natulala hanggang sa nalasing na ako kagabi kaya’t di na ko nakapagpasalamat sa inyo. MARAMING MARAMING SALAMAT MADLANG PEOPLE AND MY LITTLE PONIES!!!! Alam kong ginusto nyo ‘to para sa’kin. At inilaban n’yo ako… WE won!” ani ng Unkabogable Star, na tahasang inialay ang tagumpay sa kaniyang fans at supporters.
Bago pa man ang pasasalamat online, nasaksihan ng marami ang tila hindi makapaniwalang reaksiyon ni Vice nang tawagin ang kaniyang pangalan bilang panalo, matapos matalo ang mga kapwa nominado na sina Piolo Pascual (Manila's Finest), Zanjoe Marudo (UnMarry), Carlo Aquino (Bar Boys: After School), Will Ashley (Love You So Bad), at Earl Amaba (I'mPerfect).
Sa kaniyang acceptance speech, inisa-isa ni Vice ang pasasalamat sa buong team ng pelikula—mula sa direktor na si Jun Lana, mga co-star tulad ni Nadine Lustre, hanggang sa mga producer ng pelikula gaya ng Star Cinema, Viva Films, at IdeaFirst Company.
Inamin din niyang hindi siya sanay maghanda ng talumpati para sa mga ganitong parangal dahil hindi raw siya nag-eexpect na mananalo.
"Hindi ko alam. Bago ho sa akin itong pakiramdam na ito hong karanasan na ito. Hindi ko alam. usually, alam kong magaling akong magsalita, eh," ani Vice Ganda habang nagtatalumpati.
"Hindi ko alam anong sasabihin ko kasi I don't usually prepare my speeches, especially ngayon. At sa Film Festival, pag na-nominate ako ng ganitong award, di ako talaga nagpi-prepare kasi hindi naman akong nag-eexpect. Mas ine-expect kong hindi nananalo. Mas ine-expect kong hindi nakikita. Mas ine-expect ko 'yong nagugustuhan, pero hindi pinipili. O mas nasasanay ako do'n sa napipili, pero hindi maaari. But tonight, maaari na."
Hindi rin nakalimutan ng aktor na pasalamatan ang hurado at ang MMFF sa pagbibigay ng espasyo at pagkilala sa mga kuwento ng LGBTQIA+ community. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng *Call Me Mother* bilang salamin ng pangarap ng maraming indibidwal na bumuo ng pamilya sa kabila ng mga hadlang ng lipunan. Emosyonal niyang binigkas ang linyang tumatak sa pelikula: “Kami mga bakla… nanay kami, magulang kami at tahanan kami.”
Sa huling bahagi ng kaniyang talumpati, inialay ni Vice ang parangal sa kanyang pamilya, sa mga “nanay” na gumabay sa kaniya sa industriya, pati na sa "It's Showtime" co-host na si Ryan Bang na una raw niyang naging anak, at sa kaniyang asawa na si Ion Perez.
"At lalo't higit, pinasasalamatan ko at inaalay ko itong parangal na ito to my baby, to my partner, my husband, my soulmate, my best friend, Ion. This is also for you."
"Sabi nila, 'Bakit daw damang-dama mo?' Sabi ni Sir Carlo [Katigbak] sa akin, 'Bakit hugot na hugot ka doon sa pelikula sa Call Me Mother? Parang nanay na nanay ka talaga?'"
"Kasi damang-dama ko talaga. Kaya gusto kong mag-sorry kay Ion dahil taon-taon pinaplano naming magkaanak, pero dahil sa dami ng iniisip ko at obligasyon ko at trabaho ko at napakaraming gusto ko pang gawin, taon-taon, hindi rin namin naitutuloy 'yong plano namin."
"Kaya parang taon-taon, namamatayan din kami ng anak. Kaya sana magkaroon pa ako ng mahaba pang buhay para... at sana makapagdesisyon na rin ako para maibigay ko na 'yon sa pamilya namin."
"Kasi gusto ko na talagang maging nanay, kasi gusto ko na magmahal ng bata na sarili ko, na akin, na puwedeng-puwede dahil nanay talaga ako. Maraming-maraming salamat po. Salamat," aniya pa.
Kaugnay na Balita: Listahan ng mga nagwagi sa 2025 MMFF Gabi ng Parangal