Parang mas tumatak pa kaysa tropeo ang mga salitang binitiwan ni Unkabogable Star Vice Ganda sa kaniyang acceptance speech sa 51st Metro Manila Film Festival (MMFF), isang pag-amin na bihirang marinig sa entablado ng parangal; ang pag-amin niya sa mga naunsyaming balak nila ng mister na si Ion Perez tungkol sa pagkakaroon ng anak.
Matapos manalo bilang Best Actor in a Leading Role para sa pelikulang "Call Me Mother," sa ginanap na Gabi ng Parangal noong Sabado ng gabi, Disyembre 27, inialay ni Meme Vice ang parangal sa kaniyang “baby, partner, husband, soulmate, at best friend" na si Ion.
Bukod sa matamis na tagumpay na kauna-unahan niyang Best Actor award kahit matagal na siyang namamayagpag sa MMFF, bumaling ang kaniyang talumpati sa isang mas personal at masakit na katotohanan: ang paulit-ulit na pagpapaliban sa pangarap nilang magkaanak.
Ayon kay Vice, kaya ramdam na ramdam niya ang karakter na ginampanan sa Call Me Mother ay dahil malapit ito sa kaniyang sariling buhay.
Ibinahagi niyang taon-taon nilang pinaplano ni Ion ang pagkakaroon ng anak, ngunit taon-taon din itong hindi natutuloy dahil sa bigat ng trabaho, obligasyon, at mga responsibilidad sa trabaho. Kaya naman, humingi siya ng dispensa sa kaniyang kabiyak dahil dito.
"Sabi nila, 'Bakit daw damang-dama mo?' Sabi ni Sir Carlo [Katigbak] sa akin, 'Bakit hugot na hugot ka doon sa pelikula sa Call Me Mother? Parang nanay na nanay ka talaga?'" ani Vice Ganda.
"Kasi damang-dama ko talaga. Kaya gusto kong mag-sorry kay Ion dahil taon-taon pinaplano naming magkaanak, pero dahil sa dami ng iniisip ko at obligasyon ko at trabaho ko at napakaraming gusto ko pang gawin, taon-taon, hindi rin namin naitutuloy 'yong plano namin."
"Kaya parang taon-taon, namamatayan din kami ng anak. Kaya sana magkaroon pa ako ng mahaba pang buhay para... at sana makapagdesisyon na rin ako para maibigay ko na 'yon sa pamilya namin."
"Kasi gusto ko na talagang maging nanay, kasi gusto ko na magmahal ng bata na sarili ko, na akin, na puwedeng-puwede dahil nanay talaga ako. Maraming-maraming salamat po. Salamat."
Sa pelikula, ginampanan ni Vice ang isang LGBTQIA+ individual na may kakayahang magmahal at magpalaki ng bata ngunit pinipigilan ng takot na baka hindi payagan ng lipunan. Sa totoong buhay, inamin niyang ang takot ay hindi kakulangan ng pagmamahal, kundi ang kakulangan ng oras at desisyon.
Kaugnay na Balita: Vice Ganda, todo-pasalamat sa madlang people, little ponies: 'Alam kong ginusto nyo ‘to para sa’kin, we won!'
Matatandaang nauna nang naibahagi ni Vice Ganda ang tungkol sa balak nilang magkaanak ni Ion sa pamamagitan ng surrogacy, sa vlog ni ABS-CBN news anchor Karen Davila.
Para magawa raw ito, pinayuhan daw siya ng espesyalista na kinakailangan niyang huminto sa pagtatrabaho at magpahinga sa loob ng tatlong buwan, para matiyak na magiging malusog ang kukuning semilya sa kaniya.
"Kung kita't kita lang rin naman parang kaya ko namang magpahinga ng three months. But I cannot leave Showtime. Hindi dahil sa ‘yong kita ko mawawala. ‘Yong laging, hindi naman sa pagmamayabang, pero ‘yong sa sobrang pagmamahal ko sa Showtime, parang what's going to happen to Showtime if I'm not there for three months?” ani Vice Ganda.
Banggit pa ni Meme Vice, kapag nga medyo matagal na siyang nawawala sa show, todo-tawag na sa kaniya ang ABS-CBN management, at kahit daw wala siya sa show o absent, naka-monitor pa rin siya sa mga ganap.
Kaugnay na Balita: Vice Ganda, Ion bet na magka-baby pero kailangan muna ng tatlong buwang pahinga
Noon pang 2022, nasabi na ni Vice na gustong-gusto na niyang magka-baby kay Ion pero hindi pa niya maharap.