Nasawi ang isang 34-anyos na lalaki matapos umano siyang bugbugin, hampasin sa ulo ng martilyo at saksakin ng tatlong indibidwal na kapitbahay ng kaniyang kapatid sa Barangay Lingunan, Valenzuela City, ilang sandali bago mag-Pasko noong Disyembre 24, 2025.
Ayon sa ulat ng Valenzuela Police SIDMS, nagtungo ang biktima sa bahay ng kaniyang kapatid upang makisalo sa pagdiriwang ng Noche Buena nang maganap ang krimen.
Sinasabing tinawag palabas ng bahay ang biktima ng tatlong suspek. Paglabas nito, agad umano siyang sinuntok ng isa sa mga suspek, habang ang dalawa pa ay armado ng martilyo at kutsilyo.
Isinugod pa sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.
Naaresto ang tatlong suspek ilang minuto bago pumasok ang Pasko. Lumabas sa isinagawang alcoholic breath examination na positibo sa alak ang lahat ng suspek.
Dagdag ng pulisya, may nauna umanong alitan sa pagitan ng biktima at ng mga suspek, kung saan sinasabing nasuntok noon ng biktima ang isa sa kanila.
Nahaharap sa kasong murder ang mga suspek at kasalukuyang nakakulong sa Valenzuela Police.