Isang makasaysayang tagpo ang nasaksihan ng lahat matapos masungkit ng “I’mPerfect” star na si Krystel Go ang “Best Actress in a Leading Role Award” sa Metro Manila Film Festival (MMFF) Gabi ng Parangal noong Sabado, Disyembre 27.
Natanggap ni Krystel ang prestihiyosong pagkilala matapos manaig sa mga mahuhusay na aktres tulad nina Angelica Panganiban ng “UnMarry,” Nadine Lustre ng “Call Me Mother,” at Bianca De Vera ng “Love You so Bad.”
Sa ibinahaging acceptance speech ni Krystel, sinabi niya na hindi siya makapaniwalang nasungkit niya ang naturang award.
“MMFF at sa lahat ng judges, maraming salamat po sa award na ito. Di po ako mapaniwala, nanalo po ako,” saad ni Krystel.
“Mommy and Daddy, para sa inyo ito. Best Actress na po ako,” dagdag pa niya.
Iba pang detalye kaugnay kay Krystel Go
Si Krystel ay isang 28-year-old actress na may kondisyong “Down Syndrome.”
Ibinahagi niya rin sa kaniyang Instagram account na ang kondisyon niya raw ay ang “least interesting” na bagay patungkol sa kaniya.
Miyembro rin si Krystel ng Down Syndrome Association of the Philippines, Inc. (DSAPI).
Ang pelikulang “I’mPerfect,” kung saan siya ay bumida bilang si Jessica, ay ang kaniyang movie debut.
Vincent Gutierrez/BALITA