Inaresto ng mga railway security officer ang isang lalaki matapos itong tumalon sa riles ng MRT-3 sa Ortigas Station.
Ayon sa MRT-3 Safety and Security Unit (SSU), bumili umano ng northbound ticket ang lalaki ngunit pagdating sa platform ay bigla itong tumakbo at tumalon sa riles.
Matapos tumalon, tumakbo pa umano ang lalaki sa kahabaan ng northbound track patungo sa Shaw Boulevard Station. Pagdating sa bahagi malapit sa isang mall, umakyat siya sa bagong tayong footbridge kung saan siya naabutan at inaresto dahil sa unauthorized entry.
Dinala ang lalaki sa Wack-Wack Police Station 3 kung saan siya sinampahan ng kasong alarm and scandal at resisting arrest.
Nagpaalala naman ang pamunuan ng MRT-3 sa publiko hinggil sa mahigpit na pagbabawal sa pagpasok sa mga riles at iba pang restricted areas.
Ayon sa pahayag ng MRT-3 management, "The MRT-3 Management strongly reminds the public that entering the tracks and other restricted areas is strictly prohibited, as these may endanger not only the individual but also the safety of passengers and our train operations."
Dagdag pa nila, "Violators will be penalized and dealt with accordingly."