Nakatikim ng show cause order mula sa Land Trannsportation Office (LTO) ang balasubas na driver na tumahak sa kahabaan ng South Luzon Expressway (SLEX) kamakailan.
Sa isang Facebook post ng LTO nitong Linggo, Disyembre 28, sinabi nilang lumalabas umano sa inisyal na imbestigasyon na bumaybay sa inner lane o overtaking lane ng SLEX ang minamanehong Isuzu Forward truck.
Malinaw na paglabag umano ito sa batas-trapiko dahil mahigpit na ipinagbabawal sa mga truck ang pagdaan sa bahaging ito ng kalsada.
Kaya naman bilang parusa, pinatawan ng suspensyon ang lisensya ng driver sa loob ng 90 araw samantalang inilagay naman sa alarm status ang truck.
Ito ay habang isinasagawa umano ang administratibong imbestigasyon.
Sakali umanong hindi humarap o magsumite ang nasasakdal ng kaukulang paliwanag sa itinakdang petsa, ibabasura ang karapatang marinig ang panig nito at ipagpapatuloy ang pagdinig sa kaso batay sa mga umiiral na ebidensiya.