New year, new me
Para sa marami, nasa New Year’s Resolution nila ang “fresh start” sa pagpasok ng Bagong Taon.
Mula sa maliliit na bagay tulad ng pagpapagupit ng buhok, pagpipintura ng bagong kulay sa bahay o kwarto, pag-unfollow ng mga following sa social media, hanggang sa malalaking bagay tulad ng pagpuputol ng pakikipag-ugnayan sa isang tao.
Ang bagong taon ay pagbubukas ng isang “brand new chapter” para sa marami.
Gayunpaman, ang mag-let go sa isang bagay o relasyon ay hindi laging madali dahil sa mga alaala na nabuo rito.
Kaya narito ang ilan sa paraan para tuluyan nang mabitawan ang isang bagay o tao na kailangan nang pakawalan para sa peace of mind pagpasok ng 2026:
1. Self-reflection
Ayon sa Psychology Today, mainam ang self-reflection dahil nabibigyan nito ng oras at panahon ang isang indibidwal para mabalikan ang isang sitwasyon, hindi para magmukmok dito, kung hindi para tignan kung ano ang mga aral na puwedeng matutunan mula rito.
“Time is the best teacher,” ika nga ng isang kasabihan, at isa rin ito sa paraan para mas makilala ang sarili–para baguhin ang mga hindi nakabubuting gawi at mga reaksyon, at mas pagtibayin ang mga magagandang nakaugalian.
2. Gumawa ng personal na kasabihan o mantra para sa susunod na taon
Ayon din sa pag-aaral ng Psychology Today, ang personal na kasabihan o mantra ay ang mga katagang panghahawakan ng isang indibidwal sa buong taon.
Ito’y maaaring isang Bible verse, dasal, manifestation, o kaya’y deklarasyon, na ang layon ay palakasin ang loob at maging paalala na magpursige sa araw-araw.
3. Start small
Katulad ng ibang new year’s resolution, ang pagle-let go ng isang bagay o tao ay hindi nangyayari sa isang araw o gabi lang.
Ang maliliit na yapak, mabagal man kung titignan, ay kalauna’y magdadala sa mas malaking layunin, ang mahalaga ay umusad sa araw-araw at unahin ang personal growth, kasama ang mga kaibigan at kaanak, na talagang nagmamahal at umaalalay.
4. Iwasang ulitin ang mga naging pagkakamali
Katulad ng nabanggit sa mga unang bahagi ng artikulong ito, ang reflection ay pagbabalik-tanaw sa mga pangyayari, hindi para magmukmok, kung hindi para matuto.
Mainam itong gawin para matuto sa naidulot na sakit ng mga naging pagkakamali, at hindi na ito maulit, para magkaroon ng closure mula sa isang bagay o relasyon.
5. Ibahagi ito sa mga malapit na kaibigan o kaanak
Dahil mabigat ang pagpapalaya ng isang sitwasyon, bagay, o tao, hindi ito kailangan dalhin ng isang indibidwal.
Ayon sa American Psychological Association (APA), ang pagkakaroon ng support system ay malaking tulong para mapagtibay ang abilidad para malagpasan ang stress na dala ng letting go.
Bukod pa rito, ang pagkakaroon ng mga kasama ay nakatutulong para mas makagawa ng mas maaayos na mga desisyon sa buhay.
Sa kabila ng tips na ito sa letting go, mahalagang tandaan na hindi laging perpekto ang mga araw, dahil may mga pagkakataong magkakaroon ng pagre-relapse, ayon pa sa APA, normal ito.
Ang mahalaga ay bumangon muli, matuto, at umusad–“try and try until you succeed” ika nga ng iba, dahil parte ito ng buhay, at sa bawat alaala, mas nagiging matatag ang pagkatao ng isang indibidwal.
Sean Antonio/BALITA