Ilang araw na lang ang bibilangin, mamaalam na ang 2025. At kada papasok ang Bagong Taon, lagi nang bahagi ng tradisyon ang paglika ng ingay tulad ng pagpapaputok.
Hindi lang eksklusibo sa Pilipinas ang pagpapaputok tuwing Bagong Taon. Ginagawa rin ito sa iba’t ibang dako ng bansa.
Ngunit kung usapin ng pinagmulan, maiuugat umano ito sa sinaunang kabihasnan ng China noong Han dynasty (202 BC—220 AD).
Ginamit umano ng mga sinaunang Chinese ang bamboo stem na inihahagis sa apoy para makalikha ng pasabog.
Samantala, may ilang historyador namang nagsasabi na sa Song Dynasty (960-1279 AD) umano nagsimula ang paputok.
Gumagawa umano sila ng paputok sa pamamagitan ng tube mula sa nirolyong papel na nilalagyan ng pulbura at fuse.
Simula noon, naging bahagi na ang paputok sa mga kapistahan at pagdiriwang tulad ng kasal at kaarawan.
Hanggang sa nakarating sa Europa ang mga paputok na ito bandang ika-14 na siglo at patuloy na namayagpag noong ika-17 siglo.
At hindi malabong sa pakikipagkalakan ng mga sinaunang Pilipino sa mga Chinese noon, nakuha nila ang ganitong tradisyon hanggang sa sakupin ang buong kapuluan ng Espanya at ipinasa ang paniniwalang nakapagpapalayas umano ng malas at masasamang espiritu ang pag-iingay tuwing Bagong Taon.
Pero sa kasalukuyan, ipinagbabawal na ang ilang uri ng paputok dahil sa panganib na dulot nito. Kamakailan, naglabas ang Philippine National Police (PNP) ng listahan ng mga ipinagbabawal na paputok na hindi puwedeng gamitin saan mang lugar sa bansa.
Babala ng PNP na pagmumultahin nila ng aabot sa P20,000 ang mga mahuhuling magbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok.
Bukod sa multa, posible ring makulong ng anim na buwan hanggang isang taon.
Listahan ng mga bawal na paputok: 'Goodbye Chismosa, Goodbye Bading kasama sa listahan ng mga ipinagbabawal na paputok
Samantala, hindi pa man sumasapit ang Bagong Taon, nakapagtala na agad ang Department of Health (DOH) ng 28 firecracker incident mula Disyembre 21 hanggang 25.
Maki-Balita: Bilang ng firecracker incident ngayong holiday season, pumalo na sa 28—DOH