December 31, 2025

Home FEATURES Trending

ALAMIN: Bakit ‘historic’ ang MMFF 2025?

ALAMIN: Bakit ‘historic’ ang MMFF 2025?
Photo courtesy: MMFF (FB)

Nagtipon ang mga personalidad at malalaking pangalan sa industriya ng pelikula para ipagdiwang ang mga pelikulang Pinoy sa Gabi ng Parangal ng ika-51 Metro Manila Film Festival (MMFF) noong Sabado, Disyembre 27. 

Bukod sa mga taunang pagkilala sa mga malilikhaing obra, gumuhit ng kasaysayang ang MMFF 2025 dahil sa mga kategorya na kinabilangan at parangal na iginawad sa ilang pelikula at personalidad. 

Una rito ay ang Best Actor award ng Unkabogable Star na si Vice Ganda para sa outstanding performance niya sa box office hit movie na “Call Me Mother.” 

Nagbunyi ang aktor, hindi lamang dahil sa pagkilala, kung hindi dahil naiwagayway niya ang bandila ng LGBTQIA+ community bilang kaunaha-unahang queer personality sa kasaysayan ng pelikulang Pinoy na nag-uwi ng Best Actor award. 

Trending

'Mas marami pa akong maletang ipapadala!' Geodetic engineer couple, sinorpresa ni 'Zaldy Co' sa kasal

“Hindi ko alam, bago sa akin ‘tong pakiramdam na ‘to, ‘tong karanasan na ‘to. Hindi ko alam ang sasabihin ko kasi I don’t usually prepare my speeches, especially ngayon. Hindi naman ako nage-expect. Mas ine-expect kong hindi nananalo. Ine-expect kong hindi nakikita. Mas ine-expect ko ‘yong nagugustuhan pero hindi pinipili o mas nasasanay ako doon sa napipili pero hindi maaari,” saad ni Vice sa kaniyang winning speech. 

“But tonight, maaari na. Salamat po nakita n’yo ako. Salamat po kinilala niyo ako. It’s really 2025, and it is really possible, and it is real. Queer people can be [the] best actors. A queer person in [a] gown can be [the] best actors.  It’s 2025. It’s about damn time,” dagdag pa ng aktor. 

Sumunod ay si Krystel Go bilang “Best Actress” para sa pelikulang “I’mPerfect” na very memorable para sa kaniya dahil bukod sa unang beses niyang sumabak sa pelikula, siya rin ang kauna-unahang aktres na parangalan sa nabanggit na kategorya na may down syndrome.

“Maraming salamat po sa award na ‘to. Hindi po ako makapaniwala na nanalo po ako. Kaya rin po naming umarte. Lord, tinupad mo po ang pangarap ko, naming lahat na maging artista,” mangiyak-ngiyak sa galak na saad ni Krystel sa kaniyang winning speech. 

Ayon sa panayam ng ABS-CBN News sa filmmaker na si Sigrid Bernardo nagsimula na ang konsepto ng pelikula noong 2009, pero nahirapan sila dahil maraming producers ang tumanggi sa pag-produce ng pelikula.

Makalipas ang ilang taon, nakilala ni Sigrid si Sylvia Sanchez, na agad pumayag maging producer ng “I’mPerfect” dahil mayroon din siyang mga pamangkin na may down syndrome. 

Naging layon daw ng pelikula na ipagmalaki at ipakita ang kakayahan ng mga taong may kondisyon na down syndrome, kaya para mabuo nila ang “I’mPerfect,” nakipagtulungan sila sa mga organisasyon sa bansa na may kaugnayan sa persons with disabilities (PWDs) at down syndrome. 

Ang pelikulang “I’mPerfect” ay nanalo ring “Best Picture” at “Best Ensemble,” na gumuhit din ng kasaysayan dahil ito ang kauna-unahang parangal para sa pelikula na binubuo ng cast na may kondisyon na down syndrome.

Isa pa sa mga makasaysayang parangal ay ang “Best Supporting Actress” award para sa beterang aktres na si Odette Khan para sa pelikulang “Barboys: After School,” na pinarangalan naman ng “Fernando Poe Jr. Memorial Award.” 

“I cannot remember any time when I never acted, even as a child, but I enjoyed every minute of it,” saad ng beteranang aktres. 

Ayon sa mga ulat, bagama’t nasa industriya na ng higit 40 taon, ito ang kauna-unahan niyang parangal sa MMFF.

Sa unang franchise ng pelikulang “Bar Boys” noong 2018, bagama’t hindi ito kasama MMFF, nasungkit na rin ni Odette ang “Outstanding Performance by an Actress in a Supporting Role” sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences Awards (FAMAS) at “Best Supporting Actress” sa Gawad Urian Award. 

Nauna na ring binanggit ni Odette sa press conference ng MMFF noong Disyembre 4, na kahit walang trophy, patuloy pa rin niyang gagampananan ang trabaho niya ng tapat, at nanindigan ang aktres na habang nabubuhay siya, magpapatuloy pa rin siya sa industriya ng pag-arte. 

Bukod pa sa mga pagkilalang ito, narito ang listahan ng iba’t iba pang mga parangal: 

2nd Best Picture: Unmarry

3rd Best Picture: Manila’s Finest at Call Me Mother 

Best Director - Jeffrey Jeturian (Unmarry)

Best Actress in a Supporting Role - Odette Khan (Bar Boys: After School)

Best Actor in a Supporting Role - Tom Rodriguez (Unmarry)

Best Child Performer - Lucas Andalio (Call Me Mother)

Best Screenplay - Chris Martinez & Therese Cayaba (Unmarry)

Best Editing - Benjo Ferrer (Unmarry)

Best Visual Effects: Santelmo Inc. (Shake, Rattle & Roll: Evil Origins)Gender Sensitivity Award - Call Me Mother

Best Cinematography: Raymond Red (Manila’s Finest)

Best Production Design: Digo Ricio (Manila’s Finest)

Best Sound: Roy Santos (Manila’s Finest)

Best Musical Score: Frederik Sandoval at Emerzon Texon (Manila’s Finest)

Best Original Theme Song: “Sandalan” by Vehnee Saturno (Manila’s Finest)Best Float: Manila’s Finest at Unmarry

Gat Puno Antonio Villegas Cultural Award: Manila’s Finest

FPJ Memorial Award: Bar Boys: After School

Special Jury Prize (Best Ensemble): I’mPerfect

Breakthrough Performance Award: Zack Sibug (Unmarry)

Ang naging tie sa ilang award tulad ng Best Picture at Best Float maituturing na bihira pero hindi na bago sa MMFF dahil una na itong naitala noong 1979 sa mga pelikulang “Kasal-kasalan, Bahay-bahayan” at “Ina Ka ng Anak Mo.”

Sa “Best Float” naman, nangyari na rin ito sa mga pelikulang “Topakk” at “Uninvited” noong 2024. 

Sean Antonio/BALITA