Siyam na Pinay celebrities ang napabilang sa inilibas na ‘Top 100 list of Most Beautiful Faces of 2025’ ng TC Candler, nitong Linggo, Disyembre 28.
Ang mga sumusunod na personalidad ay sina:
- Aiah Arceta ng OPM girl group na BINI sa Top 99, na nasa ikalawang taon niyang nominasyon.
- Jasmine Helen Dudley-Scales, na isang rising Pinay actress, model, at ex-Pinoy Big Brother (PBB): Gen 11 housemate, sa Top 88.
- Kim Chiu, na beteranang Kapamilya actress at nakilala sa showbiz bilang “Chinita Princess,” sa Top 82.
- Kai Montinola, na isa ring ex-PBB: Gen 11 housemate at kasalukuyang aktres, singer, at model, sa Top 69.
- Gehlee Dangca, na sub-vocalist, sub-rapper, at visual ng K-Pop girl group na UNIS, sa Top 66.
- Janine Gutierrez, na isang award winning na aktres, host, at model, sa Top 57.
- Hyacinth Callado, na isang Filipino-American actress na nakilala sa TV shows na “Avenues of the Diamond,” “Bad Genius: The Series,” at “Hilom,” sa Top 49.
- Liza Soberano, na isang Filipino-American actress at model na nakilala sa mga teleseryeng “Forevermore” at “Dolce Amore,” at sa ilang Hollywood shows tulad ng “Lisa Frankenstein,” sa Top 40, at ika-11 taon na niyang nominasyon sa listahan.
- Alexa Ilacad, na dating Goin’ Bulilit star at isa na sa mga kilalang “Gen Z” actress, singer, host, dancer, at model, sa Top 37.
Pinagunahan ni Roseanne Park o kilala rin bilang Rosé, main vocalist at lead dancer ng K-Pop girl group na Blackpink, ang Top 100 list ngayong 2025.
Ang “Top 100 Most Beautiful Faces” ay taunang ranking ng TC Candler, na kilalang head at creator ng grupong “The Independent Critics.”
Nagsimula ang ranking noong 1990 at mula noon ay kadalasan itong kinabibilangan ng celebrities at models mula sa iba’t ibang parte ng mundo.
Sean Antonio/BALITA