“Cuddle weather” ba kamo?
Naitala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang 12.1°C temperatura sa La Trinidad, Benguet, nitong Linggo, Disyembre 28.
Ayon sa PAGASA, ito ang pinakamalamig na naitalang temperatura sa bansa, sa pag-ihip ng northeast monsoon o Amihan nitong 2025 at unang bahagi ng 2026.
Nakapagtala rin ng malalamig na temperatura sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad ang PAGASA tulad ng Baguio City (14.8°C), Basco, Batanes (18.5°C), Tanay, Rizal (19.7°C), Malaybalay, Bukidnon (20.3°C), at Coron, Palawan (21.0°C).
Base pa sa PAGASA, sa susunod na 24 oras, makakaranas ng maulap at maulang panahon ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region (CAR), at Aurora, dahil sa amihan.
Sa Metro Manila at iba pang parte ng Luzon, magkakaroon ng bahagyang isolated rains at maulap na kalangitan dahil din sa amihan.
Sa buong bansa, inaasahan naman daw ang patuloy na panaka-nakang paglamig ng hangin at temperatura, partikular sa easter sections, hanggang buwan ng Enero.
Sa kaugnay na ulat, ang pinakamalamig na temperaturang naitala sa bansa ay 6.3°C, sa Baguio City, noong Enero 18, 1961.
Sean Antonio/BALITA