Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na ang makeshift facility sa isang residential area na sumabog sa Barangay Bacayao Norte, Dagupan City at ikinamatay ng dalawang katao ay ilegal at walang kaukulang permit.
Sa pahayag ng PNP nitong Sabado, Disyembre 27, 2025, sinabi nitong, “The makeshift facility was located in a residential area and operated without permits, as confirmed by Dagupan City Police and the Regional Civil Security Unit.”
Batay sa ulat ng pulisya, isang pitong taong gulang na batang babae ang nasawi agad sa pinangyarihan ng insidente, habang ang isang 21-anyos na babaeng estudyante mula sa bayan ng Binalonan ay idineklarang dead on arrival sa Region I Medical Center dito. Maliban sa nasabing estudyante, ang lahat ng biktima ay residente ng nasabing barangay.
Dahil dito, iniutos ni acting PNP chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang masusing imbestigasyon sa insidente.
“Police Lieutenant General Nartatez said he ordered a thorough investigation into the Dagupan explosion to establish accountability and ensure that those behind the illegal operation are charged,” ayon sa PNP.
Binigyang-diin ng PNP ang matinding panganib na dulot ng mga iligal na pabrika ng paputok na matatagpuan sa mga pamayanang tirahan.
Ayon kay Nartatez, “The incident was the recent of the same tragedies, and only highlighted anew the danger of setting illegal firecracker factories. We are deeply saddened by this tragic incident, especially since it happened on Christmas Day when families should be celebrating together.”
Dagdag pa niya, matagal nang nagbababala ang PNP laban sa paggawa at pagbebenta ng iligal na paputok, lalo na tuwing holiday season.
“Matagal na pong nagbabala ang PNP na ang iligal na paggawa ng paputok ay hindi lang labag sa batas kundi direktang banta sa buhay ng mga tao. Unfortunately, this incident shows the deadly consequences when the law is ignored,” ani Nartatez.
Nagbigay rin siya ng babala sa mga patuloy na sangkot sa iligal na paggawa at bentahan ng paputok na sila ay paparusahan kapag nahuli.
“Sa mga patuloy pa ring gumagawa at nagbebenta ng iligal na paputok, this incident should serve as a wake-up call. Hindi lang kayo lumalabag sa batas, you are putting innocent lives at risk,” dagdag pa ni Nartatez.